IKAW NA ANG HUMUSGA

224 9 9
                                    

Pag-ibig.

Isang napakalakas na emosyon na kayang dumikta kanino man.

Walan pinipiling tao, estado sa buhay, sitwasyon, lugar, o pamamaraan.

Kusa lamang itong dumarating sa pinaka di inaasahang pagkakataon. Hindi nagpapaalam.

Isang kalagayan ng puso na kayang apektuhan ang buong sistema ng sinuman.

Ang isang tao ay kayang gawing tanga at mag bulag-bulagan.

Pag-ibig. Kayang magsakripisyo ang ilan para sa kanyang kapakanan.

--

Agad napamulat si Laura nang marinig ang pagtunog ng mamahaling relo sa tabi ng kanyang higaan. Nang mabuksan nito ang mga mata ay agad hinanap ang mukhang laging nakangiti sa kanya pagsapit ng umaga.  “Magandang umaga,” bati nito sa lalaking kanyang katabi. Bakas sa mga mata ni Laura ang wagas na pagmamahal. Pinipinta ng kanyang mapupungay na pilik mata ang tindi ng emosyon para sa lalaking nakadirekta rin ang tingin sa kanya. Isang halik ang kanyang pinakawalan tanda ng tunay na pag-ibig. Tatlong taon na mula ng sila ay magkasama. At wala ni isang beses sa panahong iyon na nabawasan ang pagmamahal niya sa lalaki. Buong-buo ito at mas lalo lang tumitindi habang tumatagal.

Hawak-hawak ang lalaki ay tumungo ito sa labas ng kanyang silid para kumain ng almusal. Nakahilera ang ilang mga katulong habang pababa ito sa grandyosong hagdan at sabay-sabay na bumati ng magandang umaga. Sa yaman na meron si Laura, tila masasabi ng karamihan na wala na siyang mahihiling pa. Ngunit ang hindi alam ng ilan, siya ay malungkot at nag-iisa. Isa siyang ulila at walang ni isang kamag-anak sa Pilipinas. Tanging ang ekta-ektaryang lupa lamang ang meron nito. Kung wala nga lang ang lalaking nakaharap sa kanya ngayon sa hapag kainan, ay maaaring sumuko na ito sa buhay.

Panay lamang ang titig nito sa binata habang tahimik na napapangiti. Hindi pa rin mawari ni Laura ang galak at tindi ng pag-ibig na kanyang nadarama para sa lalaki. Ang lalaking laging nagpapa-alala sa kanya na may rason para mabuhay. May  rason para magpatuloy at huwag sumuko. May rason para ngumiti sa araw-araw.

I love you. Tatlong salita na bumabakat mula sa may mata ng binata. Para bang droga sa pakiramdam ni Laura at nakakawala ng katinuan niya. “Mahal rin kita. Sobra.” tugon naman ng dalaga. At tila ba may malumanay na musikang naririnig sa paligid sa tindi ng katamisan ng mga pangyayari. Punong-puno ng pagmamahal ang buong silid kainan.  

Nang matapos sa kanyang almusal ay agad silang bumalik sa silid ni Laura. Hawak-hawak pa rin niya ang lalaki sa kanyang bisig. Nag-ayos ito at inihanda ang sarili para sa pag-alis. Inaasikaso nito ang napipinto nilang kasal. Kahit na sa sitwasyon nila ay mistulang suntok sa buwan ang isang pag-iisang dibdib, hindi pa rin sumusuko at nawawalang ng pag-asa si Laura. Handa siyang gamitin lahat ng meron siya maituloy lang ang kanyang pangarap na makasama habang buhay ang lalaking minamahal.

“Mahal ko, dito ka muna ha. Aasikasuhin ko lang ang kasal natin. At ang ilang bagay na mas magpapatibay ng ating samahan, para hindi na talaga tayo magkahiwalay kailanman.” wika ni Laura saka hinalikan ang binata at tuluyang umalis ng mansyon. Bakas sa mukha ng dalaga ang determinasyon sa kanyang mga gagawin sa araw na ito. Sa lakas ng bugso ng kanyang damdamin, alam niyang kahit anong gustuhin niya ay malabong hindi matuloy.

Dakong hapon nang pumunta siya sa patahian ng damit. Namimili siya mula sa dalawang bestidang inilahad sa kanya nang biglang tumunog ang kanyang telepono. “Hello, Manang? Bakit?” sagot nito sa kabilang linya habang masusing sinisipat ang mga puting damit na nasa kanyang harapan. Tinuro niya ang isang bestida at sinenyasan ang babaeng kaharap na iyon na ang kanyang napili. Isang simpleng damit pangkasal na tiyak hapit sa kanyang katawan, at belong puti na may pulang bulaklak sa may bandang ulo. Unti-unting humulma ang isang masayang ngiti sa kanyang mga labi ng kanyang maisip ang magiging itsura sa araw mismo ng kasal nila. Puno ng pagkasabik ang nasa puso ni Laura sa oras na iyon.

Team KalokohanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon