Basic Instructions Before Leaving Earth

193 11 8
                                    

“Hindi pa ba uusad ‘tong pila? Aba! Inaatake na ako ng rayuma kakatayo dito. Dapat binubukod nila ang pila ng matatanda sa mga bata, eh. Dapat inaasikaso nila kaming matatanda!”

Mula sa gate—na halos hindi pa rin makita n’ya makita—ay napabaling ang tingin ni Arturo sa matandang nagsasalita. Nakaupo na ang lalaki sa marmol na sahig at pinapaypayan ang sarili gamit ang isang abaniko. Kumunot ang noo n’ya sa inakto ng matanda.

Kung nirarayuma s’ya bakit hindi n’ya hilutin ang tuhod n’ya? Bakit n’ya pinapaypayan ang sarili? Saka, paano n’ya nadala ang abanikong ‘yon? tanong n’ya sa isipan. Gusto sana n’yang sabihin ‘yon, pero naunahan na s’ya ng malalakas na tawa ng mga tao sa pila.

“Lolo, hindi po supermarket ang lugar na ‘to. Walang priority lane dito,” saad ng isang lalaking naka-T-shirt, na may tatak na Aling Fe’s Babuyan, at shorts na kulay pula.

“Tsaka, patay na po kayo, Tatay, hindi kayo pwedeng atakihin ng rayuma,” dagdag pa ng babaeng may kulot na buhok. Halos makita na ang tonsilitis nito sa sobrang tawa.

“’Wag n’yo na ngang pagtawanan si Tatay. Nasa langit tayo kaya dapat na gumawa tayo ng mabuti,” singit naman ng isang binatilyo, na hindi malaman kung saan ang direksyon ng buhok sa sobrang gulo nito.

“Sus! Wala pa naman tayo sa langit,” sagot naman ng lalaking nakapulang shorts. “Hanggat hindi pa tayo nakakapasok sa gate na ‘yon,” itinuro nito ang gate na hindi nila malaman kung nagbubukas ba talaga. “Hindi mo sigurado kung nasa langit ka ba talaga.”

Napabuntong-hininga si Arturo sa sinabi ng lalaki. Tama naman kasi ito. Ang tagal na nilang nakapila, pero parang hindi naman nausad ang pinipilahan nila. Muli s’yang tumingin sa hindi malaman kung nagbubukas bang gate. Hindi n’ya masabi kung gaano na ba s’ya katagal na nakatayo doon. Walang araw o gabi. Walang orasan na magsasabi kung anong oras na ba. Hindi naman s’ya nakakaramdam ng pagod o ngalay mula sa pagkakatayo n’ya. Imposible nga namang makaramdam s’ya no’n. Patay na s’ya. Pero, bakit s’ya nakakaramdam ng pagkainip? Ng kaba? Ng takot? Normal ba sa mga patay na tulad n’ya ang makaramdam noon?

Nang unang beses, na makarating s’ya roon, nagulat s’ya sa nakitang dami ng tao. Akala mo’y may kung anong pagtitipon na magaganap. Napag-alaman n’ya na ‘yon pala ay hindi pa langit, at hindi rin impiyerno. Doon ay mat’yagang maghihintay ang mga taong namatay na tawagin sila. Kung ano ang mangyayari sa loob, walang nakakaalam. Ang sabi ng iba, kapag pinapasok ka, tanggap ka na sa langit. Kapag hindi kailangan mong bumalik sa lupa, para gumawa ng mabuti, at matanggap. Kung paano bumalik sa lupa, walang nakakaalam. Ang sabi naman ng iba, kapag pinapasok ka na, hindi pa raw direstong langit ‘yon. Dahil, titingnan pa kung saan ka dapat—sa langit o sa impiyerno. Pero, tulad ng ibang haka-haka, walang nakakaalam kung totoo ba ‘yon.

Natigil lamang si Arturo sa pag-iisip nang may naramdaman s’yang pagkulbit sa tagiliran n’ya. Nang lingunin n’ya ‘yon ay nakita n’ya ang isang batang lalaki na sa tingin n’ya ay edad otso pababa.

Ang bata pa n’ya... para mamatay, malungkot na saad n’ya sa isipan.

“Kuya, ano pong ikinamatay n’yo?” Natigilan si Arturo sa tanong ng bata. Inosente ang mukha nito sa pagtatanong, parang inaaalam lang n’ya, kung ano ba ang masarap na flavor ng candy.

“Ahm,” napalunok s’ya bago nagsalita. “Car crash,” tanging nasabi n’ya. Kumunot ang noo ng bata.

“Kar kras? Ano po ‘yon?”

Kinamot n’ya ang ulo sa pang-uusisa ng bata. “’Yong aksidente na nangyayari sa sasakyan,” mas napadiin ang kamot n’ya sa ulo. Mukhang hindi pa rin kasi naiintindihan ng bata ang sinasabi n’ya. “Nabangga ang kotse ko,” diretsong saad na n’ya.

Team KalokohanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon