Traje De Boda

226 9 6
                                    

“Ang ganda naman ng nabiling mong gown Eliza.” Manghang sambit ng kaibigan ni Eliza na si Jane habang pareho nilang minamasdan ang repleksyon ni Eliza sa isang malaking salamin. Isinukat niya ang damit pang kasal na nabili niya sa isang ukay-ukay.

“Aba, siyempre naman Jane. Ikaw lang eh, wala kang tiwala sa taste ko.” umiikot-ikot pa si Eliza sa harap ng salamin habang nakangiti.

“Ang tiyaga mo talaga maghalungkat sa mga ukay-ukay. Pero, bakit ba kailangan mo pang bumili ng traje de boda? Eh, di’ba sagot naman ng boyfriend mo ang lahat ng gastos sa kasal niyo?” nagtatakang tanong nito kay Eliza.

Napabuntong-hininga siya at lumakad papunta sa kanyang maliit na kama na gawa sa kahoy saka umupo. “Nahihiya na kasi ako sa kanya, siyempre, ayaw ko naman samantalahin ang pagiging mabait niya sa’kin, baka isipin ng iba ay pera lang ang habol ko kay Ian.”

Hindi mayaman ang pamilya ni Eliza kaya’t ganoon na lamang ang nararamdaman niya sa tuwing naiisip niyang sagot lahat ng kanyang mapapangasawa na si Ian ang lahat ng gastos. Isa lamang siyang anak ng magsasaka ngunit ulila na sa buhay, matapos mamatay ang kanyang mga magulang sa isang aksidente. Nabangga ang minamanehong tricycle ng kanyang Ama ng isang rumaragasang truck.

Samantalang, ang pamilya ng kanyang nobyo ay mayaman at maginhawa sa buhay. Laking pasasalamat niya nang tanggapin siya ng pamilya ni Ian. Limang taon na niya itong kasintahan, nakilala niya ang lalaki nang maging labandera siya sa mansion ng pamilya nito noong mga panahong nangangailangan siya ng pera para sa kanyang mga project noong kolehiyo.

“So, girl paano na ‘yan? Simula bukas, isa ka ng Misis, wala na akong kasama sa galaan,” sabi ni Jane pagkatapos ay bumuntong hininga ito.

Hindi maiwasang malungkot si Jane dahil hindi na na masyadong makakasama si Eliza at aminado siyang mamimiss niya ito ng sobra. Pero, masaya na rin siya dahil nakahanap na ‘to ng lalaking makakasama hanggang sa pagtanda.

“Halika nga dito best friend.” sabi ni Eliza at pinaupo niya sa tabi niya si Jane. “Kahit may asawa na ako, palagi pa rin kitang dadalawin dito. Mamimiss kita,” lumilinga-linga siya sa  buong paligid ng kwarto, matagal din siyang nangupahan sa kwartong ito kasama si Jane. Kahit ilang beses siyang gustong palipatin ni Ian noon sa isang mamahaling condo ay hindi siya pumayag. Nagsimula nang mangilid ang kanyang luha. “Mamimiss ko rin ang maliit, masikip at mainit na kwartong ito. Siyempre, pati itong maliit kong kama.”

“’Wag ka ngang ganyan para kang hindi 25 years old mag isip, kung makapag salita ka parang huling araw muna sa mundo.” Nakangiting sabi ni Jane sa kaibigan. “’Wag mo na akong intindihin, basta nasabi mong palagi mo akong dadalawin dito, masaya na ako.” Niyakap niya si Eliza at gumanti rin ito ng yakap sa kanya. Sobrang mamimiss niya talaga ang kaibigan niya kapag tuluyan na itong umalis.

Mabilis na kumalas si Jane mula sa pagkakayakap sa kaibigan niyang si Eliza ng bigla siyang may maalala. “Teka lang,”

Nangunot ang noo ni Eliza sa inakto ng kanyang kaibigan. “Ano ‘yun?” nagtatakang tanong niya.

“Bakit mo pala sinukat ‘yang damit pang kasal mo? Hindi mo ba alam na may pamahiin ang mga matatanda?” sunod-sunod na tanong nito sa kanya.

“Ano ba ‘yun?” Naguguluhang tanong niya.

“Kapag sinukat mo ‘yan bago ang araw ng inyong kasal ay hindi matutuloy ang kasal? Maaring may mangyari sa isa sa inyo. O kaya’y may humadlang.” Paliwanag ni Jane sa kanya.

Ngunit tinawanan lang niya ‘yon. “Girl, 2014 na. Hanggang ngayon naniniwala ka pa rin sa pamahiin?”

“Wala naman masama kung susunod tayo di’ba?”

Team KalokohanWhere stories live. Discover now