Para Kay God

167 7 2
                                    

SMP. Samahan ng malalamig ang pasko.

Ako na yata ang pinakaperpektong tao para sa samahang ito. Sa katunayan, pasko ang pinakaayaw ko sa lahat. Kinamumuhian ko ito. Wala akong pakealam kung kaarawan pa ‘to ng isang taong nagligtas sa buong mundo. Hindi niya iniligtas ang taong mahal ko.

Disyembre 24 ngayon, alas-otso ng gabi. Walang christmas lights, regalo o kahit isang parol ang nasa sa kwarto ko.Lahat ng ilaw sa loob ay nakapatay. Ang nagbibigay lang ng liwanag ay ang nakabukas na TV. Tahimik lang akong nakaupo sa sofa, hawak-hawak ang remote control.

“Handa na ba kayo para sa noche buena—”

Agad kong inilipat ang istasyon ng TV. Bad trip, isa na namang patalastas tungkol sa pasko ang tumambad sa ’kin. Walang kwentang patalastas. Walang kwentang pasko.

“Make your Christmas bright by supporting this orphanage! Just visit—”

Mabilis kong pinatay ang TV. Sa pagkakataong ito, ramdam na ramdam ko na ang lamig ng buong kwarto. Napakadilim. Ang tahimik.

“Magagalit ako sa’yo kung iiwan mo kami!”

Biglang napapikit ang mga mata ko. Napalunok ako. Naalala ko na naman siya. Naramdaman ko ang pagbilis ng paghinga ko. Nakakainis. Nakakainis! Napasigaw ako sa galit. Tama na. Ayoko na!

“Tim?”

Napukaw ang atensyon ko nang biglang bumukas ang pinto at may pumasok na babae. Galing sa ilaw sa labas ay naaninag ko ang itsura ng bagong dating. Si Lei.

“Timothy? Na-na’san ka ba?”

Hindi ako gumalaw. Ni magsalita, hindi ko ginawa.

“Tim?” Biglang bumukas ang ilaw ng kwarto kaya awtomatikong napapikit ang mga mata ko. “Tim! Ayos ka lang ba? Kanina pa ako tawag nang tawag sa labas. Nakita kong bukas naman pala yung gate kaya pumasok na lang ako,” rinig kong sabi ni Lei.

Dahan-dahan kong binuksan ang mga mata ko at tinitigan ang babaeng nasa harap ko.

“Magsalita ka naman, Tim.” Tumayo siya galing sa pagkakaupo niya at naglibot-libot sa kwarto. Sinundan ko lang siya ng tingin. “Hindi ka man lang naglagay ng parol. Paskong pasko at wala kang decorations? Mukhang wala ka nga yatang plano mag-noche buena e.”

Nagkatinginan kami. Sa tantiya ko, tumagal iyon ng mga limang segundo. Ang mga mata ko, nakatitig lang sa kanya, at ang kanyang kulay brown na mga mata ay nakatitig lang sa ’kin. Ganoon lang. Alam kong nakuha na niya ang gusto kong iparating.

“Ma-may maliit akong parol na dinala. Isasabit ko, ah?” Pinagmasdan ko lang siya habang inilalabas ang maliit na parol na nagkasya pa sa kanyang bag. Ibinaling ko ang tingin ko sa parol.

“’Wa-wag.”

Ibinaba ni Lei ang parol sa sahig. Binigyan niya ‘ko ng isang makahulugang tingin. Halata sa mukha niya yung kalungkutan. “Hindi mo pa ba siya nakakalimutan? Sinisisi mo pa rin ba ang sarili mo?”

Natigilan ako.

“Paskong pasko tapos iiwan mo kami?”

Bigla akong nanigas nang maalala ko na naman ang mga sinabi niya sa akin dati. Ilang segundo pa ang lumipas bago ko nakuhang magsalita.

“Lei, ‘wag na natin pag-usapan ‘to,” seryosong sabi ko.

“Tim… Hindi ko hahayaang—”

“Ayoko ngang pag-usapan ‘to! Ayoko siyang pag-usapan!” Kitang-kita ko ang paglaki ng mga mata ni Lei sa biglaang pagsigaw ko. Ibinaba naman niya nang malakas ang kanyang bag.

Team KalokohanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon