tres: the point of no return

35 4 0
                                    

TRES:
The Point of No Return

clara &
mattias

animo nabatubalani ang paa ni mattias sa lupa habang papalapit sa kanya si clara. hindi siya makagalaw. hindi siya makahinga nang maayos, masyadong mabilis ang pagtibok ng kanyang puso. nanghihina ang buong katawan niya. unti-unti siyang nawawalan ng lakas habang lumalapit sa kanya ang dalaga.

lito. gulat. tuwa. lungkot.

hindi niya alam kung anong uunahin sa nararamdaman. bakit nandito si clara? anong kailangan niya? nasan si gustavo? aalis na ba sila patungong maynila? tatapusin na ba niya ang koneksyon naming dalawa? sunod-sunod na lumilipad ang mga tanong sa kanyang isipan.

tumigil si clara sa paglalakad, ilang hakbang lang ang layo kay mattias. ngumiti ito nang katamtaman.

nilunok ni mattias ang nakabara sa kanyang lalamunan. gusto niyang maluha, nakita na naman niya ang ngiti ni clara. akala niya hindi na niya iyon masisilayan.

walang nakapagsalita sa kanila. masyadong nakatitig si mattias kay clara. napayuko ang dalaga, hindi kinakaya ang intensidad sa mata ni mattias.

clara: pwede kang makausap?

hindi sigurado si clara kung tama ba ang sinabi niya bilang paunang salita. kinakabahan siya. baka kasi itaboy siya ni mattias, hindi niya alam ang gagawin kung ganoon nga ang mangyari.

kung nakakapagsalita lamang ang emosyon, wala na silang problema ngayon. pareho ang salitang nakaukit sa kanilang labi at buong katawan, parehong natutuwa't kinakabahan sa muling pagkikita, ang katahimikan na namamagitan lamang ang tila nagpapalito sa kanilang dalawa.

mattias: bakit nandito ka?

tiningala ni clara ang mukha niya, matigas ang pagkakatanong ni mattias non, wala ring emosyon na makikita sa kanyang mukha.

gusto nang umatras ng mga paa ni clara. ayaw ng makarinig pa ng mga masasakit na salita mula rito pero pinatili niyang matatag ang loob. sasabihin niya ang lahat ngayon at kung hindi man siya nito tanggapin muli, ipapangako niya sa langit na kakalimutan na niya ang lalaki.

clara: noong huli tayong nagkausap, nasabi mo lahat ng nararamdaman mo ngunit ang sa'kin ay hindi. gusto ko lang malaman mo...

binitawan ni mattias ang hawak niyang itak saka umupo sa lamesang gawa sa kawayan sa tapat ng kanilang bahay. tinitigan niya si clara.

nanatiling nakatayo si clara, hindi alam ang gagawin. ayaw niyang may gawin at sabihing mali.

mattias: uh, upo ka.

mabilis na umupo si clara sa tabi niya. nagkadikit ang kanilang braso, umatras si mattias sa gulat.

nilingon siya ni clara. nakita nitong nanlalaki ang mata ni mattias, umusog siya at nag-iwan ng malaking espasyo sa kanilang pagitan.

gustong sabihin ni mattias na bumalik ito kung gaano siya kalapit kanina. ngunit pinigil niya ang sarili, baka hindi na pwedeng ganoon kalapit ngayong sila na ni gustavo.

sa pagkakataong 'yon, sigurado na si mattias na tama siya, si clara at gustavo ang para sa isa't isa. ang dalaga ay para sa iba at hindi sa kanya. sigurado na siya rito kahit wala pang nasasambit si clara.

nangangapa ng sasabihin si clara. sabay-sabay pumapasok sa kanyang isipan ang lahat ng salita, hindi niya alam kung anong uunahin.

clara: si gustavo ay kaibigan ko lang.

nangunot ang noo ni mattias. hindi ito ang inaasahan niya.

clara: ang sabi mo, kilala mo ako higit pa sa pagkakakilala ko sa akin.

Yours Since 1997 (COMPLETED)Where stories live. Discover now