"I-lock mo ang pinto pagkatapos kong umalis. Huwag mong pagbubuksan ang mga hindi mo kakilala. Krome! Tigilan mo muna ang kaka-lato-lato mo at makinig ka sa akin."

"Opo, ate."

"Ipapalit ko yan sa itlog mo kapag nabwisit mo ko."

"Eh, ate! Nakikinig ako."

"Bibigyan kita ng 40 pesos na allowance para kung may gusto kang bilhin na almusal bukas kila Tita Miranda kasi late na ako makakauwi," bilin ko. "Saka huwag mong pinapatunog iyan sa gabi, nagrereklamo na ang mga kapit-bahay natin. Hay nako, Krome, sa susunod na may magreklamo ulit sa atin ay itatali na kita sa poste. Hahayaan ko na ihian ka ng aso roon."

"Nag-sorry na po ako kila Ate Igna at Kuya Mikel."

Kailangan ko mag-overtime dahil simula bukas ay male-late ako dahil sa trial ni tatay. Kailangan ko ng lakas para harapin si Alesteir at makinig sa pagdidiin niya sa aking ama.

Alesteir is a very ruthless man. Hindi ko alam kung ano ang kilos niya. Tanggap ko na siya ang may advantage sa laban na ito, siya ang may pera at halos tatlo lang ang ebidensya namin na maipapakita na accessory lang si tatay sa murder na ito.

Bago umalis ay dumaan muna ako sa tindahan. "Ate Miranda, aalis na po ako."

Matamis ang kanyang ngiti. "Oh, sige, Mirabella. Mag-iingat ka."

"Patingnan-tingnan nalang po si Krome. Pasensya na po. Pero nag-iwan na po ako sa kanya ng hapunan. Baka lang po kasi lumabas na naman."

"Hay nako, napagsabihan mo na ba ang bata na iyon? Gabing-gabi ay naglalaro ng lato-lato."

"Sorry po, napagsabihan ko na."

"Salamat naman. Ay nga pala, Mirabella, uuwi ang anak ko sa linggo, galing siya ng Dubai. Ipapakilala kita."

Natawa nalang ako sa sinabi niya. "Sige po, Ate Miranda. Mauna na po ako."

Sa buong gabi na iyon ay ginawa ko ang trabaho ko. Kahit bingi na ako dahil sa sigaw ng mga tao sa telephone ay tiniis ko. Pinagpasensyahan ko lang sila.

Wala pa ako masyado ka-close sa opisina dahil natatakot ako na lumayo sila sa akin dahil sa background ko. Natatakot na ako makipagkaibigan simula noong iniwasan ako ni Astrah.

Nang matapos ang shift ko ay umuwi na ako agad. Halos isang oras ang biyahe at uuwi lang ako para magpalit ng damit at didiretso na ako agad sa korte.

"Ate, nakauwi ka na. May binili akong pandesal, ipagtimpla ba kita ng kape?" Bungad sa akin ni Krome pagbukas ko ng pinto.

"May mainit na tubig pa ba?"

"Mayroon pang laman ang thermos," sagot nito at dumirteso na sa kusina.

"Sige, tapos didiretso na ako sa pupuntahan ko." Dumiretso na ako sa kwarto at naghanap ng isusuot. Pagod na ang katawan ko at gusto na rin pumikit ng aking mata ngunit mas mahalaga ang trial.

" Dadalawin mo si itay?" Tanong nito mula sa kusina.

"Sorry, Krome. Hindi pa kita pwedeng dalhin doon. Hindi ka rin kasi papapasukin. Maiiwan ka lang sa labas at iyon ang iniiwasan ko."

"Naiintindihan ko, ate. Basta maayos lang si tatay doon ay kampante na ako."

Napangiti ako sa sinambit nito.

Nakarating ako sa korte. Pre-trial palang ang mangyayari. Hindi ko naiintindihan ang proseso ngunit nagtitiwala ako kay Attorney Velasco. Umupo ako sa likod nila Attorney Velasco. Nakita ko si itay na inilabas ng may isang guwardya sa likod at nakaposas ang mga kamay nito.

Nakasuot siya ng kulay kahel na uniporme ng selda. Lumiwanag ang mukha nito nang makita niya ako.

"Hello, anak," bulong nito. "Masaya ako kasi nandito ka para sa akin."

Ngumiti ako at tumango. Umupo siya sa tabi ni Attorney at nag-usap sila. Bumukas ang pinto ng kabilang area at lumabas doon si Alesteir. Naka-suit and tie ito at may suot na salamin na may manipis na frame. He looks so different.

Nasa likuran niya si Yuan at isa pang lalaki. Nagtama ang mga mata namin. Ramdam na ramdam ko ang lamig ng tingin nito sa amin.

"All rise."

Tumayo kami upang bigyang respeto ang lumabas na judge. Matandang lalaki ito at seryoso ang kanyang mukha.

"Thank you everyone. Please be seated," saad ng judge.

Nang umupo siya ay umupo na rin kami.

"Formal call for Mr. Alesteir Delgado versus Mr. Rafael Cruz. Case number 2604. May I have the appearance please?"

"Good morning, Your Honor. Alesteir Delgado and my council Lumion Diaz are appearing in the court today," diretso at malamig na saad ni Alesteir.

"Good morning, Your Honor. In the defense table, Attorney Gregorio Velasco and Mr. Rafael Cruz are appearing in-person in the court today."

Huminga ako ng malalim at inihanda ang sarili.

ULTERIOR MOTIVE (ONGOING)Where stories live. Discover now