1

32K 615 12
                                    

Kamila

Pagod na pagod at halos hindi ko na maihakbang ang isa kong paa para maglakad papasok sa building na inuupahan ko. May isang buwan na rin mula nang dalhin ko si Kia kay Ate Skye at walang araw na hindi ko hinahanap-hanap ang kanyang maganda at matinis na boses.

Pakiramdam ko ay bigla na lang siyang susulpot sa pinto at gugulatin ako gaya ng dati niyang ginagawa.

Kinuha ko ang isang set ng susi mula sa ilalim ng bag ko at saka isinuksok iyon sa seradura ng pinto. Isang marahang click ang naging hudyat ng pagbukas nito.

Isang puting sobre ang biglang nahulog mula sa pagkakaipit nito sa hamba dahilan para sundan ko iyon gamit ang aking nanlalaking mga mata. Wala akong inaasahang sulat. Walang ibang nakakaalam ng apartment na ito kahit si Ate.

Nanginginig ang mga kamay na pinulot ko iyon. Everything in it screams danger. Kulang na lang ay umilaw ito ng pula at tumunog ang alarm dahil sa kabang nadarama ko.

"Subpoena.." basa ko sa nakasulat.

Hindi ko mapigilan ang paglupasay sa malamig na sahig ng apartment ko dahil sa panghihina. Pakiramdam ko ay mawawalan ako ng ulirat dahil sa pinaghalo-halong pagod, gulat at takot.

He found me. Sa tinagal-tagal ng panahon na pagtatago ko, sa huli ay nahanap niya na ako. At ikukulong dahil sa mga nagawa ko sa kanya.

This has been long due. At tinanggap ko na iyon. Nang umalis ako ay tinanggap ko na din na isang araw ay babalikan ako ng lahat ng maling nagawa ko. Sadyang hindi ko lang talaga inakala na ngayon na ang araw na iyon. Pakiramdam ko kasi, kahapon lang nangyari ang lahat. Halos sariwa pa sa ala-ala ko ang lahat.

Tumayo ako at ipininid ang pinto. May posibilidad na hindi ko na makikita ang anak ko kapag nagkataon. Kung may ibang paraan pa sana. Susunggaban ko kahit ano para lang makasama ko pa ang anak ko at masubaybayan siya sa paglaki niya.

Nanghihinang napaupo ako sa kahoy na upuan. Wala akong maisip. Walang ideya o solusyon na pumapasok sa isip ko.

Maya-maya pa ay binasag ang katahimikan ng isang katok na nagmumula sa kabilang panig ng pinto. Lulugo-lugong lumapit ako at pinagbuksan kung sino man iyon.

Isang lalaking nakasuot ng americana at may hawak na attache case ang iniluwa nito. May black-rimmed glasses ito na dahilan kung bakit mukha itong maotoridad at kung hindi ako nagkakamali, ito ay isa sa mga abogado na ipinadala ni Rio.

"Miss Kamila Jovie Chavez?"

"A-ako nga ho.." nauutal pa ako dahil sa kaba. Ano ba ito, bakit may subpoena na, meron pang personal na abogadong bumibisita? Diretso na bang kulungan at wala nang hearing-hearing pa sa korte?

"Ako nga pala si Atty. Datu Clemente. I am Rio Gabriel Montereal's personal attorney at ipinadala niya ako dito para sa kaso na inihahain niya laban sa iyo."

Napahawak ako sa naninikip kong dibdib. Sa kasamaang palad, may mas malala pa pala sa pakiramdam na naramdaman ko kanina at iyon ay ang mismong may magsabi sa iyo ng hatol. Parang nilagyan niya ng selyo ang kapalaran ko dahil sa sinabi niya. Parang pinal na ang lahat at wala nang bawian pa o kawala.

"P-pasok po k-kayo. Hindi ko l-lubos na naiintindihan kung bakit kailangan na may ipadala pa s-syang abogado. Pupunta naman po ako."

Pumasok siya at inikot ang paningin sa maliit na apartment na tinitirhan ko. Kahit papano ay nakadama ako ng kahihiyan sa kalagayan ko ngayon. Ang apartment na nakuha ko ay talagang mahirap pa sa mahirap na daga. Isang upuang kahoy lang at mesa ang meron dito. Kapag matutulog ay naglalatag lang ako ng banig at sinasapinan ko na lang ng manipis na kumot para kahit papano ay makasangga sa lamig na nanunuoot na galing sa semento.

Montereal Bastards 2: To Escape a Beast (COMPLETED) ✔ #WATTYS2017Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon