Kabanata IV : Hintay (1/3)

13K 216 37
                                    

"Hindi natin pwedeng ipagwalang bahala yan" sabay agaw ni Marta sa dyaryo.

"Posible bang mangyari na nagkamali ng imprenta?" Tanong ni Rudy. Sabay inom ng walang lamig na pepsi. Pilit nitong nilagok at mukhang di nagustuhan ang lasa.

"Posible siguro... Pero bakit yung date malinaw? Bakit yung print lang ng date tsaka nung logo nitong Inquirer malinaw? Hindi naprint yung mismong balita? Ito, o..." Sabay pakita sa amin ng hawak. "Tong mga page blanko pwera yung date sa taas. Ang laking dyaryo pero walang laman. At ang linis, ha." Siniyasat maigi ni Marta ang dyaryo.

"At bakit kamo lahat ng page nyang Inquirer ganun? Lahat may date na 2016. Ilang page ba yan? Mukhang kumpleto naman yung page. Pero lahat blanko? Hindi naman mukhang nabura. Talagang wala lang laman" Dugtong ulit ni Rudy na hindi mailayo ang mga mata sa hawak na broadsheet ni Marta.

"Baka peke?" Tanong naman ni Jeric

"Bakit pepekein ang dyaryo? Tsaka nangyayari ba na mamali ng imprenta tapos lahat ng page? Siguro naman may quality control sila at di nila hahayaang maibenta yang ganyan" si Anabelle.

"Ano tingin nyo?" Tumayo si Hesus sa harap naming lahat "Ano ba paniniwalaan natin?"

"Tingin nyo totoo ba yang dyaryo?" Tanong ko sa lahat. Yun lang naman ang gusto naming malaman. Pero gaya ng marami pang bagay, alam namin na hindi naman mapapatunayan kung totoo nga o hindi ang napulot nila Hesus. Ako, sa totoo lang naguguluhan talaga ako pero malakas ang kutob ko na hindi peke o maling imprenta ang dyaryo. Ang tanging katotohanang alam ko ay yung bagay na lahat ng nangyayari ngayon ay kababalaghan. Kababalaghan at hindi ilusyon o nagkakataon lang. Hindi pwedeng sumulpot na lang yung dyaryong yun ng ganun na lang.Nasasagad na rin utak ko kakaisip at mas praktikal kung maniniwala na lang ako sa lahat ng nakikita ko.

"What else did you see?" Tanong ni Anabelle kay Hesus. Bumaling din ito kay Penny "Ano pa ba mga nakita nyo kanina?"

Tinignan ni Hesus ang matabang babae. Inalalang maigi ang mga nakita kanina at saka nagsalita. "Kahit san kami tumingin, talagang puro hamog. Lahat ng ilawan namin... makikita mo yung mga lumang sasakyan. Yung mga jeep na kinunan namin ng diesel kanina, halos lahat ganun. Marurumi. Kalawangin na yung iba. Kahit yung mga tindahan, yung mga building, nung inilawan namin talagang iba rin. Lahat naluma."

"Tingin mo ba naluma yun dahil..."

Pinutol ni Penny ang itatanong sana ni Anabelle "Halata naman, naging luma lahat dyan sa labas kasi mukhang talagang tatlong taon na lumipas. Oo, naniniwala ako na totoo yung dyaryo kahit walang laman yan bukod sa petsa." mahina nitong salita. "Isipin nyo na lang, nung nakita namin tong tindahan mula sa labas, nakita namin na sobrang dilim tapos walang laman. Bukas ang pinto pero wala kayo. Di ba sinasabi nyo kanina na lahat kayo nakatayo lang dyan sa pinto... Sinasabi ko sa inyo, ganun din itong tindahan, di ba Elias?" Baling nito sa akin.

Totoo ang sinabi ni Penny. Nakita ko rin na nag-iba ang anyo ng 7-eleven. Naging luma. Ang anyo ay parang inabandona. Hinihintay nila ang isasagot ko sa tanong ni Penny. Nagisip akong maigi. "Siguro... siguro kailangang aminin na natin sa sarili natin na nasa ibang mundo tayo ngayon." Tanging nasabi ko.

Nagbulungan sila. Hindi ko malaman kung nangamba ba sila sa sinabi ko o ano.

"Tayo o baka yung labas lang?" Makahulugang sabi ni Anabelle. "Bakit dito sa loob walang hamog? Hindi pumapasok di ba? Kanina binuksan natin yang pinto pero ayaw pumasok nung hamog."

"Tama. Bakit ganun?" Si Marta. "Hindi talaga sya pumapasok. Talagang di pumapasok ng pinto"

Nagsalita si Hesus. May hawak itong bagong sinding sigarilyo. Isang malaim na higop at binuga paitaas ang usok. "Ako tingin ko, kaya ganun kasi tayo... tayong nandito sa loob, itong buong tindahan na to, lahat ng nandito ay nandito pa rin talaga sa totoong mundo. Kaya hindi pinapasok ng hamog tong tindahan kasi maaaring hiwalay sya sa mundong nasa labas. Posible yun."

"Ganun nga rin naisip ko." Pagsangayon ni Penny. Nakumbinsi rin si Rudy.

Posible nga. Nakatuntong pa rin talaga kami sa orihinal na mundo namin. Posible talaga at ang labas ay ang hinaharap. Tatlong taon sa hinaharap. Kaya siguro yung ilaw na ginamit nila kanina ay hindi namin makita dahil nga sa oras na lumabas ka, ibang mundo na ang gagalawan mo.

"Eh, yung Elias na nakita natin? Narinig namin si Jeric. "Anong paliwanag dun?"

Palaisipan pa rin sa amin yung tungkol duon. Sa akin lalo... Dahil nakita ko ulit yun nang harapan at sinubukan pa akong kausapin. Walang makakapagpaliwanag sa nangyaring yun at kahit sabihin ko sa kanila na nakita ko ulit yun tingin ko ay wala ring silbi.

"Kung may isa pang mundo sa labas, ibig sabihin may nabubuhay sa labas? Ibang taong tulad natin?" Si Marta

"Oo nga... Di kaya meron ding nabubuhay na kapareho natin na nasa labas?" Tanong ni Rudy. "Baka yung Elias na nakita natin ay yung Elias na nabubuhay sa labas? Di ba? Tignan nyo, tatlong taon na lumipas, ibang mundo... Baka.." Pinutol ko sya.

"Baka.. Baka.. puro baka... Lalo lang tayo ginugulo ng sinasabi mo eh" banat ni Hesus. "Makinig kayo, simula ngayon.." Nagpaalala ito sa amin "please lang... wala nang magsasalita ng kahit na anong makakagulo lang sa nangyayari. Kung hindi ka sigurado wag ka na lang magsalita"

"Hindi mo pwedeng sabihin yan, Hesus," tumayo si Penny at sya naman ang nagpaalala "... Hindi mo pwedeng pigilan kahit sino dito na magsalita kung gusto nilang magsalita. Isa pa, lahat ng sinasabi natin ngayon.., lahat... Hindi naman talaga tayo sigurado. Pasensya na Hesus. Alam ko lalo lang naagkakagulo pero hindi pwedeng hindi tayo magsalita, kahit walang kwenta pa yung sasabihin. Baka may mabaliw na lang kapag hindi natin sasabihin kung anong nasa utak natin."

Tumahimik si Hesus. Masyado na rin itong nadala. Hindi ko sya masisisi dahil buong araw nang pagod yung tao. At tama si Penny. Nakakabaliw ang lugar na ito at kung walang magsasalita ay baka lamunin kami ng sitwasyon.

Balik kami sa katahimikan... Tumingin ako sa relo ko - alas onse na. Pero kahit alas onse na, gising na gising pa rin ang lahat. Lahat ay makikitang malalim ang iniisip. Pangalawang gabi na namin ngayon. Pangalawa pa lang... at walang nakakaalam kung hanggang kailan pa kami magkukulong dito sa loob. Maaaring ganun din ang nasa isip ng lahat.

Inalala ko kung paano ba ako napunta dito sa loob ng 7-eleven. Natatandaan ko, alas singko ng umaga ako nagising. Alas singko ng umaga ako nagigising para maghandang pumasok sa trabaho. Kumain ako, nagplantsa ng damit pamasok, at naligo. Bago ako pumasok ay pinaalalahanan ko ang ate ko, na syang nagaalaga ngayon sa anak ko, na pakainin agad ito pagkagising. Alas syete ng umaga ng pumasok ako dito sa loob ng tindahan. At dun na nga nagsimula... Akala ko ay isang normal na umaga lang ang pararausin ko pero ngayon... ngayon parang nabubuhay ako sa impyerno. At ang ikinatatakot ko ay baka habambuhay na ito.

Naputol bigla ang malalim kong pagiisip nang nay narinig akong komosyon.

"Ano yun maghihintay tayo sa wala!? Ganun ba, ha, ganun ba!? Magpapakabulok ako dito sa loob ganon ba? May naghihintay saken.. Yung mga anak ko naghihintay sa nanay nila tapos sasabihin mo wala tayong magagawa?

"Bakit? Sabihin mo nga Marta, may magagawa ba tayo?"

"Ang sinasabi ko kailangan nating gumawa ng paraan. Alam ko may magagawa tayo. Hindi pwedeng walang dahilan tong nangyayari satin"

"Dahilan? Tumingin ka nga sa labas at baka lumalabo na mata mo. Tignan mo... Yan ang dahilan!" Turo ni. Hesus sa labas "Yan ang dahilan mga kapatid kung bakit dapat makinig kayo saken" baling nito sa lahat.

"Tapos ano? Makikinig kami sayo na magstay dito sa loob, tapos ano? Maghintay na mamatay?"

"Kung makapagsalita ka parang alam mo kung anong meron sa labas ah. Akala mo ba madaling maglakad lakad dyan sa Avenida? Akala mo ba parang namamasyal lang? Sige nga, anong plano mo?"

"Bakit? Kaya nga natin nalaman na tatlong taon na pala lumipas dyan sa labas na yan o sa mundong yan dahil lumabas kayong dalawa. Kung hindi kayo lumabas hindi natin malalaman yun. May sagot sa labas Hesus, may sagot sa labas."

"Mali ka Marta!" Pasigaw na sagot ni Hesus "...nalaman natin yun dahil nakabalik kami! Naintindihan mo? Nakabalik kami. Nakabalik nang buhay!"

Tumahik si Marta. Walang saysay ang pagnanais nya na subukan naming lahat na lumabas at maghanap ng kahit anong senyales kung ano ba talaga ang nangyayari sa amin. Naiintindihan ko si Hesus. Hindi sapat ang kagustuhan ni Marta na magimbestiga sa labas dahil lamang sa nalaman namin, kahit papano, ang nangyaring iniwanan kami ng panahon. Pero naniniwala ako sa sinabi nya na hindi pupuwedeng walang dahilan itong nangyayari. Eksaktong ganun din ang iniisip ko kanina. May dahilan, sigurado yun, at kung malalaman namin kung ano yung dahilan na yun, maaari kaming makabalik sa totoong mundo namin.

"Totoo ang sinasabi ni Marta, hindi pwedeng tumunganga na lang tayo dito hanggang malagutan tayo ng hininga. Kahit papano dapat may gawin tayo di ba?" Mahinahong opinyon ni Anabelle. "Hindi naman nya sinasabing ura-urada eh lumabas na tayo. Maghihintay tayo... Maghihintay tayo habang nagpaplano."

Si Penny, na kanina pang nakikinig maigi ay nagsalita "Gusto kong sumang ayon sa inyong dalawa, Anabelle, nga lang... nakita na namin ni Hesus na wala ngang dulo yung hamog. Kung walang dulo ibig sabihin wala tayong mapupuntahang iba. Isipin mo pa kung nawalan kami ng ilaw kanina, tingin nyo san kami pupulutin?"

"Sayo na rin nanggaling, Penny... Kung may ilaw kayo" pagdidiin nito. "Ibabalik ko sayo ang tanong, pano kung mawalan na rin tayo dito sa loob ng ilaw nang tuluyan. Kung maubos yang mga jeep na yan ng diesel? Pag naubos na naman baterya natin? Ang sinasabi lang naman namin ni Marta, gawin natin lahat ng pwedeng magawa habang kaya pa natin. Alam ko nanggaling na kayo sa labas, hindi ko alam kung anong eksaktong naexperience nyo dyan pero tingin ko,sooner o later, lalabas din tayo. Ang kailangan lang ay maayos na plano."

"At lakas ng loob na mamatay..." Pasok ko. Tumingin silang lahat sa direksyon ko. Gusto kong ipaalala sa lahat na lahat ng bawat desisyon namin ay kritikal. Katumbas ng isang pagkakamali ay kamatayan.

"Maghintay dito o lumabas, ano ba pinagkaiba? Mamamatay din naman tayo." Si Marta.

Nanggalaiti na naman si Hesus sa narinig na yun "Ba't parang biglang lumakas loob mo, Marta? Kahapon... kahit kanina nagmumumukmok ka. Bakit ngayon ang tapang mo na? Alam ko nadedesperado ka na. Makinig ka sakin," sabay titig ni Hesus sa kanya "kung nagmamadali kang..."

"Sinabi ko nang hindi ako nagmamadali!" Pinutol ni Marta ang sasabihin sana ni Hesus "Oo desperada na ko. Pero alam ko sinasabi ko. Di bale nang maligaw sa labas at mamatay kesa mamatay na nakatunganga lang dito. Ikaw...?" Sabay pandidilat nito kay Hesus "...kahit na anong banggitin mo ngayon, hindi mo matatago na sumusuko ka na rin. Kung ikaw tanggap mo na na mamamatay ka na, ako hindi pa. Aminin mo nga sa amin, tama ako di ba? Tanggap mo na na mamamatay ka na?

Walang isinagot si Hesus. Nahuli ni Marta ang kalagayan ni Hesus. Hindi ko rin nakuha agad na ganun na pala ang iniisip nito. Base nga sa mga ikinilos ni Hesus ay parang tama nga ang obserbasyon ni Marta. Ang tangin kasama namin na kadalasang nagbibigay sa amin ng lakas ng loob ang sya ngayong sumusuko. Malaki ang naging epekto kay Hesus ng paglabas nila kanina. Bukod dun, alam ko ang pinagdadaanan ni Hesus ngayon sa pamilya nya...

"Anong nang gagawin natin ngayon?" si Rudy. Kanina ko pa syang napapansin na natatakot magsalita. "Puwede ba nating pagusapan muna kung ano ba talaga yung nakita nila Hesus? Kasi parang nandun agad tayo na mamamatay na tayong lahat." Sabi ng teenager na crew.

Kinuha ko ang dyaryong pinakita samin ni Hesus kanina. November 9, 2016. Inulit kong basahin pero talagang ganun ang petsa. Mahigit tatlong taon ang pagitan. Pangalawang gabi na namin dito sa loob so malamang ay September 25, 2013 pa lang. Paanong nangyari yun? Kung may pinakaimposibleng mangyari sa amin, masasabi kong ito na nga yun. Kahit papaano ay katanggap tanggap para sa akin na makaramdam ng mabigat na pakiramdam sa labas dahil sa hamog. Kahit yung sobrang katahimikan ay maaari kong iwaglit sa isip ko. Kahit yung pagpapakita sa akin ng isang nilalang na kamukha ko ay pupwede kong ipagsawalang bahala at isipin ilusyon. Pero itong malaman ko na nasa loob kami ng isang tindahan, at walang kamalay malay na lahat pala ng bagay sa amin ay lipas na. Lahat ng bagay... At hindi rin malayo na kaming walo na lang talaga ang tao sa buong mundo. Kung susumain, tama ang sinasabi nila Hesus na wala na kaming pupuntahan. Tatlong taon... kung nananaginip ako, sana gisingin na ko ng Diyos.

"Kung magsstay tayo, gano katagal itatagal nyang generator?" Tanong ni Anabelle

"Depende... Yung nakuha namin hindi tatagal yan ng bente kwatro oras. Papatayin naman natin yan pag umaga di ba? Wala naman na tayong ref o freezer kasi nabulok lahat ng laman. Aircon, aksaya lang sa kuryente. Hanggang bukas ng hapon abot pa siguro." Sagot ni Penny.

"So dapat pala kumuha tayo ulit ng diesel bukas?"

Nagkatinginan sila Hesus at Penny. Alam nila na kailangang lumabas sila ulit para kumuha ng panibago. Wala akong alam sa sasakyan. Kung meron lang ay tutulong ako sa dalawa.

"Jeric!" Tinawag ni Penny ang matabang crew "... Di ba driver ka dati?"

Sumagot naman ito. Tumayo sa kinauupuan at kumuha ng maiinom sa patay na ref. "Nagdriver ako pero hindi ako nagmekaniko."

"Hindi ka naman magkukumpuni. Kailangan lang natin magtulong tulong. Siguro naman may alam ka sa makina kahit papano."

"Hindi ako lalabas" pagtatapos nito sa usapan. Tulad ng dati, umiwas na ito at bumalik sa sulok nya.

Nagkatinginan kaming lahat. Lumabas na naman ang pagkaduwag ng dapat sana ay syang makakatulong sa amin.

"Tangina kasi bat tinanong mo pa" sabi ni Hesus kay Penny. Mainit talaga ito kay Jeric. "Isipin mo na lang kasi wala tayong kasamang malaking mama."

Tingin lang ang sinagot ni Penny. Bumaling ito sa amin ni Rudy "Kailangan nating lumabas bukas. Dalawang grupo para mas mabilis. Kaya nyo ba?"

Gusto kong humindi dahil nandun pa rin ang takot sa naranasan ko sa labas. Pero alam kong kailangan kong tumulong. Hindi naman daw magkukumpuni sabi ni Penny at mukhang magbubuhat lang pala kaya umoo ako at si Rudy naman ay ganoon din bagama't pilit.

Nang oras na yun ay pinlano na namin ang gagawin bukas.

"Magkasama tayo," turo ni Penny kay Rudy "Kinuha ko yung mga malalaking boteng plastic ng Coke. Pitong 1.5 liters din to. Meron din dito yung lalagyanan ng distilled water. Ilang galon din kasya dito." Nakangiti nitong ibinandera sa amin ang nakuha nyang malaking lalagyan. "pag napuno natin to baka dalawang araw tayong buhay, ha ha ha!" bakas sa mga anyo nito ang nabuhayan.

Malaki rin ang ngiti ni Rudy nang sumagot "Mas madali ngang kargahin yang lalagyan ng tubig. Kahit mapuno yan, mas madali yang buhatin kasi isa lang. Yan na lang kesa maraming boteng karga karga. Mahirap magbuhat kung..."

Naputol ang sinasabi ni Rudy at nagulat kaming lahat nang biglang kumidlat at niliwanagan nito ang buong tindahan. Kasabay nito ang nakaririnding kulog. Isa.. dalawa... Naulit pa ito ng maraming beses. Hindi karaniwan ang lakas ng mga kulog na yun. Gumagalaw ang sahig sa bawat bugso. Ganun din yung mga kidlat - nakakasilaw at kada silaw nito sa kin ay para akong binubulag? Sa bawat kidlat at kulog ay hindi rin namin maiwasang mapapitlag. Napapailag ang bawat isa. Parang hinahampas kami ng liwanag at sinusuntok ng bawat kulog. Di ko makalma ang dibdib ko sa sobrang kaba. Tinignan ko ang iba pa at halos lahat ay tulala at nakatakip ang mga tenga. Naririnig ko rin ang malakas na iyak ng anak ni Anabelle. Sigaw naman ang maririnig kay Jeric na parang nabaliw na nang tuluyan sa sulok nya. Maya maya pa ay nawalan na naman ng kuryente. Hindi na namin marinig ang garalgal ng generator sa labas.

Napatigil ang lahat. Si Anabelle ay napatili naman. Wala kaming makita. Naaaninag lang namin ang paligid sa bawat pagkidlat. Ilang sandali pa at may nagbukas ng flashlight. Galing kay Penny. Nagbukas din ng isa si Hesus. Mabuti na lang at may nakuha silang mga baterya nung lumabas sila kanina.

"Pucha ano na naman yun!?" Narinig kong sigaw ni Hesus.

Lumayo kaming lahat mula sa salamin na pinto. Nagtago kaming lahat sa likuran ng tindahan. Nakatingin sa pinto. Kahit na anong tago namin ay di namin matakasan ang lakas ng kulog at nakakasilaw na kidlat. Nakatabi ko si Marta sa likod. Panay ang dasal nito at nanginginig ang mga kamay.

Gusto kong sumigaw sa takot pero hindi ko magawa gawa. Hindi ko alam ang gagawin ko. Naramdaman ko na lang na may tumutulong luha sa mga kamay kong nakahawak sa isa sa mga istante ng tindahan. Ano na naman ang nangyayari?

Makalipas ang isang oras, unti unting humina ang mga kulog at kidlat. Hindi na rin kasing dalas katulad ng una. Paunti unting humihina hanggang sa tuluyang nawala. Tahimik pa rin kami. Nakikiramdam at nakikinig sa kahit anong maaaring gumawa ng tunog. Dinig ko ang hingal ng mga kasama ko. Nakatutok ang mga mata namin sa pinto. Nakatutok duon ang liwanag ng dalawang flashlight. Nanginginig ang ilaw dahil nanginginig ang mga kamay ng may hawak ng flashlight. Nagbukas din si Rudy ng isa pang flashlight. Wala na sa loob ng bawat isa ang magtipid ng ilaw sa oras na to.

Nang tuluyan na kaming walang marinig ay saka kami isa isang lumapit sa pinto. Itinutok nila ang ilaw sa labas ng salamin at lahat kami ay dumungaw. Umaambon sa labas. Mahina at malumanay. Dinig ko ang mga pagpatak ng ambon sa mga bubong ng mga jeep. Kahit mukhang matiwasay na ay wala pa ring may lakas ng loob makapagsalita.

Nagawi ang tingin ko sa generator. Sing tahimik ng paligid ang makina. Umuusok katulad ng usok ng nahulog na sigarilyo ni Hesus.

Saan Kami Pupunta?Onde histórias criam vida. Descubra agora