Kabanata I : Kami

22.2K 405 85
                                    

"Ganito na ba ko kahirap?" Tanong ko sa sarili ko, "Huling singkwenta pesos ko na to, kung bibilhin ko 'tong chicken kariman, trenta na lang matitira sa 'kin. Walang inum inum at baka hindi na ko makapasok sa trabaho nang tuluyan pag naubos pa pera ko."

Napatingin ako sa crew ng 7-eleven na kanina pang nakatitig sa akin; Binatilyo, malamang ay nasa disinuebe. Tinitignan ako at ang hawak kong kariman. Siguro'y iniisip kung bibilhin ko ba talaga o hindi. Ewan ko ba, ngayon lang nangyari sa buhay ko na mawalan talaga ng pera. Nasagad na ako. Simot ang pitaka. Naalala ko tuloy ang anak kong kalalabas lang ng ospital. Totoo yung sinasabi sa tv commercial na bawal magkasakit dahil pag tinamaan ka nito, siguradong lahat ng pera mo ay kailangan mong bilanging muli para ipambayad sa ospital. Mabuti na nga lang at gumaling ang anak kong babae...

"Sir, bibilhin nyo po ba?" tanong ng crew.

Eto na naman ako - napapaisip kung bibilhin ko ba 'tong kariman para magkaron na ng laman ang tiyan ko. Mahal na para sa'kin ang bente pesos na almusal. Napalingon tuloy ako sa nasa likod kong nakapila. Naiinip na yung babae sa akin. Napansin kong may hawak itong dalawang balot na sliced bread at de latang palaman, napapakamot, at pinagmamasdang maigi kung ano ba talaga ang gagawin ko. Bigla na lang tuloy akong natauhan at nagdesisyon na paunahin na sya at huwag na lamang bumili ng kahit ano para di mabawasan ang pera ko.

"Hindi na..." Sabi ko na lamang sa crew. Iniabot ko muli sa kanya ang pagkain.

Tumingin ako sa paligid ko. Nagmuni. Ganito na ba talaga ako kahirap? Buti pa itong matandang lalaking long-haired na papalapit sa kahero ay dalawang kahang marlboro pa ang gustong bilhin. Yung isang matabang babaeng naman na nakaupo at kumakain ay 2-piece chicken naman ang agahan. Mabuti't di nagmana sa kanya yung kasama nyang bata na maliit na pandesal lang ang kinakagat kagat.

Napagpasyahan kong pumasok na lang sa trabaho nang hindi kumakain. Tutal may libre namang tubig sa opisina - kalahating litro, siguradong busog na ako nun. Isa pa, pag naglagi pa ko dito sa tindahan ay baka lalo lang akong magutom.

Payuko akong naglakad papunta sa pinto para tuluyang lumabas - nanlulumo, nagkakaila sa sarili. Gusto kong umiyak para kahit papano ay mabawasan ang sama ng loob ko sa buhay ko. Sunod sunod na problema ang dumaan sa akin - walang hinto na ultimo pang almusal ko ay kinakailangan ko pang tipirin. Kung pupuwede lang ding manlimos ay baka nagawa ko na para lang magkaroon ng pera para sa maghapon.

Sinimulan kong humakbang papalayo sa cashier. Baka matukso pa akong bumili kung pagmamasdan ko pang muli ang bagong lutong kariman. Nasa ganoon akong paglalakad nang may nabangga ako. Mabilis akong nag angat ng ulo para humingi ng paumanhin at nakita ko na yung gwardya pala nitong tindahan ang nasagi ko - nakatalikod sa akin at nakasilip sa labas ng 7-eleven.

"Ay sorry po..." paumanhin ko. Hindi sya humarap at mukhang hindi nya ako narinig. "Sorry boss hindi ko..." hindi ko naituloy ang sasabihin ko dahil nabaling din ang tingin ko sa labas. Tulad nitong gwardya, hindi ko rin maintindihan kung anong nangyayari. Pareho naming pinagmasdan mula sa loob ng pintuang salamin ang nangyayaring kaguluhan sa labas.

Mula sa loob, nakita ko kung paano unti unting dumilim ang paligid. Hindi ito yung dilim na gumagabi. Ang pagdilim ay parang dulot ng namumuong hamog. Hindi ko rin masabing hamog nga ang namumuo dahil parang mabilis itong kumalat sa lahat ng dakong natatanaw ko. Hindi ganito mamuo ang hamog dahil para itong walang pinanggagalingan. Parang sa lahat ng dako ay may namumuong mga ulap na lumalabas sa mismong hangin. Pakapal nang pakapal. Nakapunta na ako ng Baguio at pamilyar ako sa hamog pero talagang kakaiba ito. Itong hamog na ito ay hindi itinutulak ng hangin. Kahit pa sabihing alas syete pa lamang ng umaga ay kahit kailan hindi nagkaron ng ganito sa Maynila.

Pinagmasdan ko pang maigi kung ano pa ang nagaganap. Mabuti at kahit kumakapal ang hangin ay tanaw pa yung mga nagtitinda sa bangketa gayundin yung mga nagsisilakaran sa daan. Lahat ng mga nakita kong mukha ay may bakas ng pagtataka.

Saan Kami Pupunta?Where stories live. Discover now