". . . Ayos lang . . ."

". . . And why should I take orders from you?" biglang sumungit ang boses niya. Pero bigla ring huminahon. Hindi ko maisip kung sino bang kausap niya.

"Anong gamot?" tanong niya pa. "Tsk, fine. O, ano pang kailangan mo?"

'Yon lang tapos hindi na ito nagsalita ulit. Tapos na yatang makipag-usap. Hindi naman yata si Zian 'yong tumawag kasi kalmado pa ang boses niya kahit papaano. Wala akong dapat ipag-alala.

Tinapos ko na lang muna ang paghihilamos at pagsisipilyo ko tapos lumabas na rin ako ng banyo na ang tanging suot na lang ay itong silk robe ko.

Naabutan ko si Allen na may hinahanap sa bedside table namin.

"Sino 'yong tumawag?" tanong ko sa kanya.

Hindi niya naman ako nasagot agad. Napatitig pa kasi muna siya sa suot ko. Pero mabilis din siyang naglipat ng tingin sa ibang direksyon. "Pinsan mo," sabi niya.

"Si Leila? Anong sabi?"

May kinuha na siyang kahon galing sa mesa tapos bigla na lang iyong binato sa harapan ko! "'Yan! Inumin mo raw." Sabay talikod niya at kinuha ang sigarilyo at lighter mula sa isang drawer. Tapos lumabas siya sa terrace.

Naiwan akong nakatulala. Anong nangyari ro'n? Bakit ba ang aga-aga e nangbabato na naman siya?

Pinulot ko na nga lang 'tong kahon. Ito 'yong painkillers para rito sa balikat ko. Inutusan siguro siya ni Leila na painumin ako. Kaya yata lalong nainis.

Hinayaan ko na nga lang. Ayoko nang patulan kasi kagagaling nga lang namin sa away. Tsaka ayoko rin na tuluyang masira sa isip ko 'yong mga binulong niya kagabi.

Nagbihis lang ako ng bagong damit saglit tapos kinuha ko 'yong first aid kit sa baba. Hindi ko siya nagamot kagabi kaya ngayon na lang bago ako maghanda ng almusal.

Sinundan ko siya sa terrace. Nakaupo siya sa pahabang silya na gawa sa kahoy habang seryosong naninigarilyo. Parang ang lalim ng iniisip niya.

"Allen." Tinabihan ko siya. Doon niya lang ako napansin. Nagbaba agad siya ng tingin sa first aid kit na dala ko.

"Halika," sabi ko. "Gagamutin ko 'yang mga sugat mo."

Hindi naman siya sumagot. Binalik niya lang ang tingin niya sa harapan at tumuloy sa paninigarilyo. Umihip pa siya ng usok na para bang wala ako rito sa tabi niya.

Hinayaan ko na lang ulit. Hinarap ko sa 'kin ang mukha niya. "Patingin ako."

"Tsk, ano ba." Tinaboy niya ang kamay ko. "Naninigarilyo ako, hindi mo ba nakikita?"

"Paano ko gagamutin kung ayaw mong ipakita sa 'kin?"

"Sinabi ko bang gamutin mo? Umalis ka na lang. Ayokong kasama ka rito."

Tinitigan ko siya. Ang tapang-tapang ng itsura niya na halatang wala siyang balak bawiin ang pagpapaalis niya sa 'kin.

Napabuntong-hininga na lang ako. Mainit talaga ang ulo niya. Hindi na nga lang ako magpupumilit at baka masira rin ang araw ko.

Sinara ko 'tong first aid kit at dapat tatayo na kaso bigla niya naman akong hinawakan sa siko para pigilan.

"Van." He took a deep breath. "Fine. Gamutin mo na." Kasabay no'n ay ang pagtapon niya ng sigarilyo sa labas ng terrace.

Pasimple akong napangiti. Magpapagamot din naman pala siya e. Dinaan pa 'ko sa init ng ulo.

Binuksan ko na ulit 'tong kit. Kumuha ako ng kapirasong bulak at nilagyan ng gamot. Pag-angat ko ng mukha ko sa kanya, nahuli kong nakatingin pala siya sa 'kin. Nagtama ang mga mata namin, pero umiwas agad siya.

A Wife's CryWhere stories live. Discover now