Bobotante Ka Ba?

690 1 0
                                    

Alam nating lahat na dalawa lang ang klase ng tao sa mundo--- ang manloloko at naloloko. Alin ka diyan sa dalawa?

Ngayong eleksiyon, kailangan na naman ng mga manloloko, este ng mga politiko ang boto mo. Magpapadaya ka na naman bang muli? Magpapaloloko ka na naman ba sa mga matatamis na pangako, na sa tuwing halalan mo lamang maririnig?

Naloko ka nang minsan. Huwag mo nang isige pa ang pagiging mangmang, dahil hindi lang ikaw ang apektado sa isa mong boto. Lahat tayong mga Pilipino ay naghirap, nasadlak, at nalubog sa putik dahil lamang sa botong ipinagpalit mo sa panandaliang kasaganaan na tinanggap mo mula sa manloloko.

Tama na!

Tama na ang pagiging uto-uto! Huwag ka nang muling magpapadala sa dila ng mga manloloko. Alam mong ikaw ay niloloko, nililito, at ginagago, pero ibinigay mo pa rin sa kanya ang iyong gintong boto.

Isipin mo na lang ang indelible ink na ipinapatak sa iyong kuko, pagkatapos mong bumoto... Katulad nito ang iyong pagkatao, kapag tinanggap mo ang panloloko ng isang politiko. Maitim. Madumi ka na. Ito ay nagmamarka. Pangmatagalan. Kaya, huwag mong dungisan ang iyong puso.

Ngayong halalan, bilugan mo sa iyong balota ang pinunong walang bahid ng panloloko. Kilala mo kung sino ang may puso. Matalino ka, kaya alam kong napag-isipan mo na, bago ka pa pumunta sa presinto, kung sino ang karapat-dapat na tumanggap ng iyong boto.

Isang araw lang ang halalan, ngunit anim na taon tayong magdurusa, kapag nagkamali ka. Lahat tayo ay talo, kapag maling pinuno ang naluklok sa puwesto. Lahat tayo ay dehado, kapag tinanggap mo ang kanyang pekeng regalo.

Ang politiko ay politiko, ngunit ang iyong boto ay hindi lang basta boto. Ito ang iyong pagkatao. Huwag mo itong ibenta. Huwag mo itong ipagkanulo. Gamitin mo ito upang ang inaasam nating pagbabago ay masimulan na ngayong taong ito.

Ito ang simpleng lohika. "Ang politika ay para sa mga politiko. Ang iyong boto ay para sa politiko. Samakatuwid, ang boto mo ay para sa politiko."

Sino ang nagbigay? Sino ang nawalan?

Ikaw!

Botante ka. Importante ka. Dapat hindi mo isinasanla ang iyong sariling boto.

Botante ka. Hindi ka bobo. Huwag ka nang magpapaloko.

Botante ka. Hindi ka 'bobotante'. Sa halip, ikaw ay maging bibo.

Kapag ikaw ay naging matalino sa pagboto, madaragdagan na ang klase ng tao. Mula sa dalawa ay magiging tatlo. Idaragdag ko ang... 'hindi nagpapaloko'.

Ikaw ba ito?

----

Larawan: google.com

Sanaysay is EssayTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon