"And please, forgive us for not telling you the truth. Inaalala ka lang din namin ni Austin. Humahanap lang kami nang tamang panahon na sabihin sa'yo ang lahat ngayon."

Hindi ko na nagawang makakibo, pero wala ako ni katiting na galit para sa kanila. Pare-parehas kaming naging biktima ng sitwasyon. Masaya akong sa kabila nang pagtutol nila Lolo at Lola sa pag-iibigan ng aking mga magulang, nanindigan pa rin sila hanggang sa isilang ako sa mundo.

Nanindigan sila para sa pagmamahal.

At kahit pa masakit, ang importante roon ay nagmahalan sila hanggang sa huli.

Walang sumuko.

~~

Matapos ang ilang araw ay pumayag na rin akong makilala ang aking Lola. Kinakabahan ako dahil alam kong possibleng magbalik sa kanya ang lahat. Possibleng nand'un pa rin ang sakit nang ginawang pagtalikod ni Tatay sa kanila at sa bandang huli ay mare-realize niyang hindi pa rin pala niya ako kayang tanggapin bilang parte ng pamilya. Naiisip ko pa lang ay nasasaktan na ako.

Sino pa nga ba ang handang magmahal sa kagaya ko?

Nang pasukin namin ang napataas na gate na may nakasulat na Briones sa itaas noon ay tuluyan akong nanlamig sa kaba. Higit na mas malaki ang bakurang iyon kumpara kina Madam Erlinda. Punung-puno nang iba't-ibang klaseng halaman ang daan patungo sa mansyon. Akala mo nasa paraiso ka sa sobrang ganda. Humahalimuyak din ang mga bulaklak at sobrang sariwa ng hangin sa paligid niyon. Daig pa nga noon ang bakuran nina Vaughn.

Hindi nagtagal ay namataan ko na ang mansyon na pinaghalong makaluma at moderno. Napapaligiran pa rin ng mga halaman ang buong mansion at may huni ng mga ibon akong naririnig. Para bang nasa probinsya ako at wala sa siyudad.

Huminto kami sa mismong bukana ng mansyon at pinagbukas kami ng pintuan ng sasakyan nang isa sa mga gwardiya roon.

Nangangtog ang mga tuhod ko nang bumaba kami ni Austin. Pirmes siyang nakaalalay sa aking baywang at laking pasalamat ko sa pagkakataong iyon dahil pakiramdam ko ay madadapa talaga ako. Nakangiting bumaling sa akin si Madam Erlinda at banayad na pinisil ang aking pisngi.

Umakyat kami sa ilang baitang na hagdan at nakangiting sumalubong ang unipormadong katulong na nagbukas ng pintuang gawa sa mamahaling kahoy.

"Hinihintay po kayo ni Madam sa sala," sabi pa ng katulong na titig na titig sa akin. Napalunok ako at parang ang bigat ng aking mga paa. Kulang na lang ay hindi ko iyon maihakbang.

"Relax, Nat," nakangiting sabi pa ni Austin at 'di ko alam kong nagawa ko bang ngumiti sa sinabi niyang iyon. Blanko ang utak ko.

Nang makapasok kami sa sala ay bumungad sa amin ang isang matandang babae na halos puti na ang buhok. Nakaupo siya sa wheelchair at kung pagbabasehan ang hitsura, tila nasa edad setenta na siya. Agad na nagluha ang aking mga mata sa pagtitig pa lang sa kanya. Sa kanya pala nakuha ni Tatay ang kanyang mga mata. Pakiramdam ko ay tinititigan ko ang aking sariling mga mata.

"N-natalia..." Naiiyak pa niyang ibinuka ang kanyang mga kamay.

Wala ako sa sariling napalapit sa kanya at mabilis na naglandas ang luha sa aking mga mata.

Ang Lola ko.

"Finally. My a-apo," umiiyak pang sabi niya at nananatiling nakabuka pa rin ang kanyang mga braso.

Lumuhod ako sa kanyang harapan at sinalubong ang kanyang mga braso. Ikinulong niya ako sa kanyang mga yakap at parehas kaming napahagulgol nang iyak.

Mariin akong napapikit at ramdam ko ang sobrang pangungulila sa kanyang yakap. Kung sana'y naramdaman man lang ni Tatay ang yakap na ito bago pa man siya mawala sa mundo. Pero siguro nga, wala talagang perpektong buhay. Sa mga panahong iyon, parehas silang nabubulagan sa paliwanag. Parehas na nasaktan sa magkaibang rason at paniniwala.

"I am so sorry, apo," bulong pa niya at may parte sa aking lumuwag dahil sa sinabi niyang iyon.

Isinandig ko ang aking ulo sa kanyang balikat at dinama ang init ng kanyang yakap.

May pamilya pa rin pala ako.

Hindi pa ako nag-iisa.

Matapos ang iyakan ay mas lalong lumuwag aking pakiramdam. Panay ang paninitig sa akin ni Lola na akala mo ako ang pinakamagandang bagay na nakita niya buong buhay niya. Panay din ang papuri niya sa aking ganda na inaangkin din niyang sa kanya ko minama. Hindi naman ako tutol doon dahil kahit pa may edad na ay bakas pa rin ang ganda ng kanyang mukha nababalutan man iyon nang matandang anyo.

"You look exactly like Ramonchito and you got your skin from your Mom," puri pa ni lola at hindi na yata matatapos ang papuri niya.

"Salamat po, Lola." Tipid akong ngumiti at tumitig sa kanyang mukha. Mas lalo ko tuloy namimiss ang aking Tatay. At alam kong nasaan man siya ngayon, natutuwa siyang makita kaming dalawa ni Lola.

"This call for a celebration." Bahagya pa siyang napapalakpak. "Gusto kitang ipakilala sa lahat, apo."

"Hindi na po kailangan, Lola." Umiling ako at sapat naman na sa akin na tanggap nila ako. Hindi na kailangang ipaalam sa lahat na isa akong Briones.

"No, apo. Gusto kong ipaalam sa lahat na Briones ang dugo mo." Pinisil niya ang aking pisngi at nagluluha na naman ang kanyang mga mata. "Sayang at 'di ka man lang nakilala ng Lolo mo. Nasisiguro kong matutuwa iyon. Napakaganda mong bata, apo."

Ngumiti ako at sinulyapan sina Austin at Madam Erlinda na nakangiti rin sa akin.

"H-hindi po ako sanay sa sosyalan, Lola."

"Wala kang dapat ipag-alala d'un, apo. Kaming bahala sa'yo." Kumindat pa siya sa akin at tatangu-tango rin si Austin sa akin. "I want to invite everybody. Even the Del Rosario's and Fuentebella's."

Natigilan ako at hindi ko alam kung may alam na rin si Lola sa nangyari.

"Hindi po ako kabit ni Charlie, Lola." Inunahan ko na siya. Kahit sa kanila man lang ay magawa kong ipagtanggol ang sarili ko.

"Alam ko, apo. Wala kang dapat ipag-alala sa amin. Mahal ka namin sa kabila nang nakaraan mo. Kung nakilala ka lang sana namin kaagad, hindi mo na sana pinagdaanan ang gan'un. We're so sorry, apo," naiiyak na namang sabi niya at marahan lang akong umiling.

"Kalimutan na po natin iyon, Lola. Ang importante po ay nakilala ko pa rin kayo."

"At babawi ako, apo. Babawi ako," seryoso pang sabi niya.

Naiiyak akong ngumiti dahil ramdam kong totohanin niya iyon. At sasamantalahin namin ang pagkakataon para bawiin ang lahat ng mga nawalang panahon.





HIS MODERN CINDERELLA (Taming A Casanova #2) - Published under Pop FictionWhere stories live. Discover now