Chapter 4

113K 3K 142
                                    

CHAPTER 4

NATALIA's POV

Napatitig lang ako sa lalaking ni hindi ko nalalaman ang pangalan. Gwapo siya. Sobrang gwapo. At ang magbayad para sa halagang ibinibiro ko lang naman ay sadyang kagulat-gulat. Nababaliw na ba siya? Pero wala naman sa hitsura niya ang nawawala sa sarili. Kung titingnan pa nga ang kanyang balat ay bakas na kaagad na may kaya siya sa buhay. Pero anong ginagawa niya sa strip club?

"Baliw ka ba?" Hindi ko na rin napigilan ang magtanong.

"Excuse me?" Mapakla lang siyang napangiti at namaywang paharap sa akin. "Etong gwapo kong 'to, mukhang baliw?"

"Hindi na ba puwedeng mabaliw ang gwapo?"

"So, are you admitting that I am handsome?" Ngumisi siya at inikot ko lang ang mga mata ko. Ang yabang din, e.

"Wala akong panahon makipagbolahan sa'yo, sir." Umiling ako at pakiramdam ko ay niloloko lang niya ako.

"I am paying you ten thousand," tila siguradong sagot pa niya habang nakataas ang isang kilay.

"Money first." Inilahad ko ang aking kamay at ibig ko lang makisigurong 'di siya nanggogoyo.

"I don't know you. Paano kung ako pala ang niloloko mo?" Isinuksok niya ang kanyang mga kamay sa bulsa at mariin niyang kinagat ang kanyang labi. Kumalabog ang puso ko dahil sa totoo lang, ang hirap pa ring paniwalaang magbabayad siya para sa halik lang.

"Hindi ako manlolokong tao," matigas namang sagot ko at maluwag lang siyang napangisi.

"I need to secure myself too. I'll pay you five thousand and I'll give the other half after you kissed me."

"Seryoso ka?" Mataman ko siyang tinitigan dahil mukhang wala rin sa hitsura niya ang nagbibiro. Ang laking halaga ng ten thousand para sa halik lang!

"Say yes, Cinderella, before I even change my mind," naghahamon pang sabi lang niya at hindi ko pa rin alam kung dapat ko ba iyong paniwalaan.

"Wala akong panahon makipagbiruan. Uuwi na ako." Sumimangot ako at hindi pa rin mainam na magtiwala sa kanya kahit na naghuhumiyaw ang kagwapuhan niya.

"Okay fine, I'll pay you ten! Jeez!" irritable pang sabi niya at ganoon na lang ang gulat ko nang dumukot nga siya sa kanyang wallet.

"Bilangin mo kung gusto mong makasiguro," sabi pa niya sabay abot ng lilibuhin sa akin.

Napamaang lang ako sa kanya at napatitig sa perang iniaalok niya sa akin.

"Come on, Cinderella. I don't have all night for this," pasuplado pa niyang sabi at mas inilapit ang pera sa akin.

Pero sa halip na tanggapin 'yun ay umiling lang ako at marahang tinabig ang kanyang kamay.

"Salamat na lang. Pero sapat na 'yung kinita ko para ngayong gabi. Good night." Noon na ako bahagyang umatras at mapaklang ngumiti. Baliw na talaga siya!

"Excuse me?" Kumunot ang kanyang noo at marahil ay hindi pa rin siya makapaniwalang tinatanggihan ko iyon.

"'Wag mong sayangin ang pera mo sa akin. Pahalagahan mo ang pera mo. 'Di porke mayaman ka, magtatapon ka na lang ng basta-basta," iiling-iling pang sabi ko at noon na ako tuluyang tumalikod sa kanya.

Tanging ismid na lang ang narinig kong reaksyon niya pero hindi ko na rin siya nilingon. Nakakahinayang ang perang ibabayad niya pero hindi ko rin alam kung kaya ko bang gawin 'yun. Marami man ang nakanakaw ng halik sa akin, wala pa rin akong hinalikan talaga katulad ng gusto niya.

Nang makarating ako sa bahay ay sobrang tahimik na at natitiyak kong tulog na silang lahat. Mainam na rin na hindi ko na lang ipaalam na maaga akong nauwi dahil paniguradong sermon ang aabutin ko kay Nanay Tere.

Tahimik akong pumasok ng bahay at agad na bumungad sa akin ang isang katerbang labahin. Napabuntong-hininga na lang ako at alam kong wala namang ibang gagawa noon kundi ako. Sobrang gulo at dumi din ng bahay at ibig ko nang maiyak sa pagod ngayon pa lang. Hanggang kailan nga ba ako magtitiis sa ganito? Napabuntong-hininga ako at pinaglabanan ang lungkot.

Nanghihina akong pumasok sa aking kwarto na katabi ng kusina at maingat na isinara iyon. Hindi ko na naman naiwasan ang mangulila dahil kung siguro nabubuhay si tatay, 'di ko sana nararanasan ang ganitong hirap. Mayroon din sana akong magandang kwarto na tutulugan.

Napatitig ako sa aking sarili sa harap ng salamin at agad akong napaiyak. Nahihirapan na talaga ako pero wala naman akong pagpipilian. Kailangan kong buhayin ang pamilyang minahal ni tatay. Pinahid ko ang aking luha at pilit na tinitigan ang sarili kong nakangiti. Pero 'di ko kayang lokohin ang sarili ko. Hindi ako masaya.

Tumalikod ako sa salamin at inihiga ang pagod kong katawan sa papag. Ni walang kutson ang hinihigan ko kaya't hindi rin komportableng higaan. At kahit pa gusto kong bilhan ng kutson ang higaan ko ay hindi ko magawa dahil sayang daw ang pera sabi ni Nanay Tere. Basta't pagkakagastusan pagdating sa akin, sayang ang pera.

Inalog ko ang aking ulo at ayoko nang mag-isip ng kahit na ano. Kinaya ko nga nang mahabang panahon ngayon pa ba ako susuko? Ipinikit ko ang aking mga mata at agad din akong nakatulog sa sobrang pagod.

~~

"Tanghali na! Bumangon ka na d'yan!" Agad akong napaigtad nang marinig ang boses na iyon ni Nanay Tere. Kumalabog ang puso ko sa sobrang kaba at akala ko kasi ay kung ano na ang nangyari. Pakiramdam ko magkakasakit ako sa puso sa araw-araw na ginagawa niya ang ganito sa akin.

Napasilip ako sa maliit na relo sa nakasabit sa ulunan ko. Alas cuatro pa lang ng umaga at madilim pa sa labas. Halos tatlong oras pa lang ang naitutulog ko at sobrang sakit ng ulo ko.

"Bumangon ka na d'yan! Ang dami mong lalabhan dito!"

"Opo, 'nay." Pupungas-pungas akong bumangon at alam ko namang hindi rin niya ako titigilan. Kaya lang naman siya maagang nagigising ay dahil sa tawag ng kalikasan o hindi kaya ay kakauwi lang galing sugalan. Alam kong babalik pa rin siya sa kwarto para ituloy ang naudlot niyang pagtulog o 'di kaya'y noon pa lang matutulog.

Pagbukas ko ng pinto ay ganoon na lang ang gulat ko nang bumungad ang nakasimangot na mukha ng aking madrasta at iiling-iling pa siyang tumitig sa akin.

"Bigyan mo ako ng pera." Inilahad niya ang kanyang kamay at nananatiling salubong pa rin ang kanyang kilay. "Marami akong nautang sa sugal. Kailangan kong makabawi."

"P-pero 'nay, malapit na ang bayaran ng tuition. Pati na rin kuryente at tubig, malapit na rin. Sabay—"

"Tinutuusan mo na ba ako, Natalia?!" nakakunot-noo pang sita niya sa akin at agad naman akong umiling.

"H-hindi po, 'nay. Ang sa akin lang, unahin na natin ang dapat unahin." pangangatwiran ko naman at alam kong kapag binigyan ko siya ng pera ngayon ay mauubos lang 'yun sa walang kwentang bagay.

"Pinapangaralan mo ba ako sa dapat kong gawin, Natalia?!"

"H-hindi po. Kaso lang—" Hindi ko na nagawang makapagsalita dahil agad na dumapo ang kamay ni Nanay Tere sa aking pisngi. Namanhid ang mukha ko at kasabay niyon ay ang pagragasa ng luha sa aking mga mata.

"Wala kang karapatang pangaralan ako sa dapat at 'di ko dapat gawin! Matuto kang lumugar!" gigil pang sabi niya sabay talikod.

Mariin kong kinagat ang labi ko para pigilan ang paghikbi. Hindi lang naman ito ang unang beses na nasampal ako ni Nanay Tere. Maraming beses na nga. Pero hanggang ngayon ay hindi pa rin ako masanay sa tuwing sasaktan niya ako. Hindi magawang mamanhid ng puso ko sa sakit. Dahil ang pananakit niya sa akin ay lalo lang nagdaragdag ng sakit sa dibdib ko. Na kahit na ano pang pagsisikap kong ilapit ang loob niya sa akin, nananatiling sampid lang ako sa kanyang paningin.

Pinahid ko ang luha ko at pilit na kinalma ang aking sarili. Sinalat ko ang nasaktan kong mukha at natitiyak kong nagpasa na naman iyon.

Lumuluha kong kinuha ang mga labahin sa sala at halos manlabo ang mga mata ko dahil sa pag-iyak. May sariling isip yata ang mga mata ko at kahit na gusto ko nang tumigil sa pag-iyak ay hindi ko magawa. Alam kong kapag nagising ulit ang Nanay Tere ay ipipilit pa rin niya ang kanyang gusto at wala akong magagawa kung 'di magbigay sa kanya. Pero hindi naman puwedeng sa kanya mapunta lahat nang pinaghirapan sa bandang huli ay ako pa rin ang mahihirapan sa mga bayarin. Palihim pa rin akong nagtatabi nang sapat na halaga para sa mga pangangailangan sa bahay dahil kung hindi ko gagawin, magugutom ang mga kapatid ko at 'di sila makakapag-aral.

HIS MODERN CINDERELLA (Taming A Casanova #2) - Published under Pop FictionWhere stories live. Discover now