Day 1
March 7, 2026
Hinatid ko siya sa paliparan. Gusto niya sana magpicture pa kami para may remembrance kaso ganyan siguro talaga kapag nasa airport na, nakakalimot. Muntikan na ring makalimutan ang kaisa-isang halik na gusto kong ibigay sa kanya. Tinawag ko siya mula sa puwesto ng guard (kasi hindi ako puwedeng pumasok) kahit nasa pila na siya. At nakipaghalikan ako sa kanya - isang halik sa labi na ang katumbas ay isang libong laplapan. Ang kagandahan lang kapag ganito ay wala nang maraming iyakan. Walang dramahan. Ang isang kinakatakot ko lang ay baka ito na ang huling halik ko sa kanya - huwag naman sana!
Umuwi akong kalmado. Nagbingi-bingihan sa ingay ng kalsada - nagbabakasakaling hindi marinig ang ugong ng papalayong eroplano.
AirAsia
Flight Z2712
Kalibo - Manila
11:50 A.M.
Hindi ako nakatulog nang gabing iyon. Blanko ang lahat at para akong nananaginip.
Day 2
March 8, 2026
Unang araw na wala siya sa piling ko. Lumulutang ako dahil kulang sa tulog. Totoo pala na hindi ka talaga makakatulog nang mahimbing at hindi rin makakakain nang maayos kapag nasa sitwasyon kang ganito. Magkasama na kasi kami simula pa noong taong 2004 at ngayon lang nagkahiwalay.
Dalawang dekada at dalawang taong magkasama sa iisang bubong at ngayon ay mag-isa akong nakahiga sa aming kama.
Day 3
March 9, 2026
Dahil pati mga gamit niya ay gusto niyang dalhin, at sobrang dami nito, ay nagdesisyon kami noong March 3 na ipadala na sa pamamagitan ng Flash Express ang dalawang karton na naglalaman ng mga damit niya at iba't iba pang mga personal na gamit. Ngunit imbes na makampante ay lalo akong naproblema dahil hanggang ngayon ay hindi pa naihahatid sa kanya. Na-detain pa ito sa pinakamalapit na hub ayon sa tracking information ng courier.
P1604HJ7HVXAL - Detained
P1604HJ7H0EAL - Detained
Ini-report ko na sa Customer Service ang nangyari at umaasa na ngayon ay matanggap na niya ang two boxes dahil kapag hindi pa rin ito ma-i-deliver, malamang ay mamamanghi na siya dahil nakalimutan niyang magbitbit ng extra panties. LOL. Nandoon lahat sa loob ng dalawang kahon ang mga panloob niya.
YOU ARE READING
The Diary of an Insolvent Husband
Non-FictionNagmahalan at nagsama sa hirap at ginhawa nang mahigit dalawang dekada ngunit nagkalayo. Muli kayang magkikita? Paano kung wala kang pera?
