Bagay kay Monti ang Artificer, naisip ko.
"Ang Mage," pagpapatuloy niya, at sa isang iglap, isang kirot ang naramdaman ko sa aking dibdib. "Pinag-aaralan nila ang sining ng Mahika, ginagamit ang kapangyarihan mula sa mga kababalaghan ng mundo."
Iyon ako dati. Ang alaala ng aking lumang staff at ang pakiramdam ng apoy sa aking mga kamay ay biglang bumalik.
"Ang Merchant," sabi niya, "ang mga dalubhasa sa kalakalan, ang pundasyon ng paglikha ng yaman."
Boring. Sino namang pipili niyan kung pwede kang makipaglaban?
Sa wakas, ang kaniyang mga mata ay bumaling sa akin. Ang kaniyang tingin ay matalas, na para bang nakikita niya ang lahat ng aking pag-aalinlangan at determinasyon. "At ang Cleric," sabi niya, ang kaniyang boses ay puno ng bigat at kahalagahan. "Sila ang daluyan ng biyaya ng mga diyos para sa pagpapagaling at proteksyon. Sila ang angkla ng pag-asa at buhay."
Sa sandaling iyon, nawala ang lahat ng aking pagdududa. Isang init ang gumapang sa aking puso. Iyon. Iyon ang para sa akin.
"Ako po, handa na!" saad ko, sabay taas ng aking kamay para magprisinta.
"Ngayon ay kailangan niyo lang hawakan ang libro na ito at banggitin ang katagang ito, "Ako si, banggitin ang pangalan, ay niloob na mamuhay bilang isang, banggitin ang class, at magbigay ng kalwalhatian sa mga diyos. Teleo." ngumiti siya sa amin. "Handa na ba kayo?"
Sabay-sabay kami, "Handa na po!"
□■□
Natapos ang ritwal. Bawat isa sa amin ay binigyan ng sulat ng rekomendasyon na kailangan naming dalhin sa mga kapisanan kung saan nabibilang ang aming mga class para opisyal na maitala bilang mga kaanib. Sa kabila nun ay masaya ako dahil wala kaming ginastos sa proseso; mabuti na lang at isa pala itong pribilehiyo para sa mga silver card user.
Napagdesisyunan naming unahin ang sa akin at pumunta sa simbahan ng bayan. Naitanong na rin namin kung paano makakapagparehistro bilang isang opisyal na alliance, ngunit nalungkot kami dahil ayon kay Ginoong Hakim ay kailangan muna naming maging opisyal na miyembro ng aming mga class guild at may bilang na lima bago makapagparehistro.
Habang naglalakad kami palabas, napansin ko si Sly na parang malalim ang iniisip. "Ayos ka lang?"
"Oo naman," mahinahon niyang sagot, ngunit ang kaniyang mukha ay balisa. Nag-o-overthink na naman siguro ito kung ano ang dadatnan niya sa Rogues Guild.
Ngumiti ako. "Kumalma ka lang. Saan ba iyong simbahan?"
"I will guide you guys. No worries," sabat ni Taki.
Sumakay kami sa wagon. Habang umaandar, isang kakaibang sikip ang naramdaman ko sa aking dibdib. Ngayon lang tuluyang bumaon sa aking diwa ang lahat ng nangyayari—ang laki ng pagbabagong magaganap sa akin. Nasanay akong maging agresibo, na laging nangunguna sa pag-atake. Ngayon, ang buong pagkatao ko ay kailangang ituon sa pagbibigay ng suporta. Napakapit ako nang mahigpit sa aking Lumina.
Sa kabila ng masayang kuwentuhan ng mga kasama ko, hindi nagtagal, huminto ang wagon sa harap ng isang napakalaking gusali na yari sa puting marmol at may bubong na kulay asul. Ito ang Simbahan ng Labindalawang Diyos.
"Whoa," bulong ni Monti. "Mas malaki pa ito sa Guild Quarter."
Pagpasok namin sa loob ng malaking katedral, isang katahimikan na may kasamang kabanalan ang sumalubong sa amin. Sa aming harapan, isang lalaki na may suot na itim na robe at bilog na salamin ang nakatayo. Hindi ko siya kilala, ngunit may awtoridad sa kaniyang tindig.
YOU ARE READING
GAME ON!!! VOLUME I
Science FictionAno ang mangyayari kapag ang isang laro ay naging mas totoo pa kaysa sa realidad? Ang Realm Conquerer ang pinakabagong full-dive VRMMORPG na nangako ng isang perpektong pagtakas sa realidad-isang high-fantasy world na puno ng mahika, pakikipagsapala...
CHAPTER XIX: EVOLUTION
Start from the beginning
