"Time is a illusion, it devours everything without signs."
- Akizuke
(Virtual World)
PRESENT
April 4th
Year 3771
12:00 AM (Midnight)
(Virtual World)
ERENA 17, 1006, 6:00 AM
□■□
NICHÉ POV
Isang pamilyar na tunog—isang malinaw at digital na chime—ang pumunit sa katahimikan at gumising sa aking diwa. Bago ko pa man maimulat ang aking mga mata, isang maliwanag na notification ang lumitaw sa kadiliman ng aking isipan.
[Good morning, Player. It is now 6:00 AM.]
Dahan-dahan akong bumangon, ang pakiramdam ng malalim na pagkakatulog ay unti-unting nawawala. Isang kakaibang sigla ang dumaloy sa aking buong katawan, na para bang nawala ang lahat ng pagod.
"Grabe, ang sarap ng tulog ko," sabi ko, isang malalim na hikab ang kumawala sa akin habang nag-iinat. "Ganito pala ang pakiramdam ng matulog sa game. Ang gaan sa pakiramdam ng avatar ko."
"Bahagi po talaga iyan ng system, Ma'am Echin," paliwanag ni Monti, na gising na rin sa kabilang higaan. "Kailangang matulog para ma-reset ang fatigue ng ating mga avatar."
"Kaya pala." Ang boses ko ay puno na ng pananabik. Tumayo ako at pinaikot ang aking mga balikat. "Ano pang hinihintay natin? Tara, kilos na! Ililigtas pa natin sila Haku!"
"Magbihis na muna tayo," sabi ni Sly. Tumayo siya at maingat na tinupi ang kumot na ginamit namin. "First destination: Guild Quarter."
Napansin kong ganoon din ang ginawa ni Taki. Ako naman, kinuha ko na lang ang bago kong sandata. Sa likod ng pinto, may isang mahabang salamin. Itinaas ko ang staff, na para bang magka-cast ng isang spell, at tinitigan ang aking repleksyon. Sa salamin, nagtama ang mga mata namin ni Sly.
"Bibili na rin tayo ng bago mong robe," saad niya, ang tingin ay hindi inaalis sa akin.
Isang ngiti ang gumuhit sa aking mga labi dahil sa sinabi niya.
"Mauuna na muna ako sa baba, titingnan ko lang ang kabayo at wagon natin," sabi naman ni Monti. Tumayo siya at lumapit sa pinto, kaya tumabi ako para makalabas siya.
Pinanood ko sina Sly at Taki habang isinusuot ang kanilang mga gear. Ang kalansing ng bakal at ang kaluskos ng leather ay nagbalik sa akin sa mga masasayang alaala namin sa Full Ascend Online—ang tunog ng bawat paghahanda para sa isang bagong pakikipagsapalaran.
"Tara na," may awtoridad na sambit ni Sly.
Nagkatinginan kami ni Taki at sabay na tumango.
□■□
Bumaba kami sa hagdanan, at agad na bumungad sa amin ang ingay ng umaga. Ang buong lugar ay puno ng mga nag-uusapang player at NPC, ang kanilang mga boses ay lumilikha ng isang ugong na parang sa grupo ng mga bubuyog. Mula sa kusina, naamoy ko ang pinipritong karne, at naririnig ko ang matinis na kalansing ng mga kobyertos na tumatama sa mga plato.
Iniabot ni Sly ang susi ng aming kuwarto kay Selena, ang babaeng nagbabantay sa counter. Habang naghihintay, nakita kong pabalik na si Monti mula sa labas.
"Anong plano, guys?" tanong niya.
"Ano pa ba?" masigla kong sabi, ipinamewang ang kaliwang kamay habang hawak ang Lumina sa kanan. "Umpisahan na natin ang almusal!"
YOU ARE READING
GAME ON!!! VOLUME I
Science FictionAno ang mangyayari kapag ang isang laro ay naging mas totoo pa kaysa sa realidad? Ang Realm Conquerer ang pinakabagong full-dive VRMMORPG na nangako ng isang perpektong pagtakas sa realidad-isang high-fantasy world na puno ng mahika, pakikipagsapala...
