Tumingin ako kay Monti; ang kaniyang mga mata ay nagniningning sa tuwa. Hinawakan niya ang card na para bang isa itong banal na bagay.
Nauna ako. Hinawakan ko nang mahigpit ang aking card. "Ako si Echin, sumusumpa ng katapatan sa Diyosang si Erena na pangangalagaan ang sangkatauhan!" Isang nakakasilaw na liwanag ang bumalot sa card . Kasabay nito, ang pangalan kong "Echin" ay kusang lumitaw na nakasulat sa pahina ng libro ni Maal.
Sumunod si Monti, ang kaniyang boses ay bahagyang nanginginig sa pananabik. "Ako si Montblanc, sumusumpa ng katapatan sa Diyosang si Erena na pangangalagaan ang sangkatauhan!"
Ganoon din ang nangyari sa kaniya.
"Pasensya na, Ginoo, maaari ko po bang malaman kung nasaan ang Class Upgrade Office?" tanong ko habang nakangiti nang napakalaki.
"Umakyat kayo sa ikalawang palapag, tuntunin ninyo ang pasilyo sa kaliwa, at makikita ninyo ang isang pinto na may simbolo ng mga bituin," sagot ni Maal.
□■□
Umakyat kami sa ikalawang palapag. Isang pinto na may nakaukit na mga simbolo ng iba't ibang sandata ang nakita namin. Pumasok kami sa loob.
Ang silid ay mas tahimik kaysa sa labas, puno ng mga estante ng mga libro at mga scroll. Sa gitna, sa likod ng isang malaking mesa na gawa sa maitim na kahoy, isang matandang lalaki ang abala sa pagsusulat. Mayroon siyang makapal at kulay-abong buhok, ngunit ang mga braso niya, na nakalabas mula sa nakatuping manggas ng kaniyang puting kasuotan, ay maskulado at puno ng mga ugat, katulad ng kay Azel.
Nang maramdaman niya kami, dahan-dahan siyang nag-angat ng tingin.
"Magandang umaga," bati ni Sly. "Narito kami para sa aming mga class."
"Ako si Hakim, ang Class Manager," sabi ng matanda. "Ipakita ninyo sa akin ang inyong mga Adventurer Card."
Inilapag naming apat ang aming mga card sa mesa. Tiningnan niya ang mga ito, isa-isa. Isang maliit na ngiti ang gumuhit sa kaniyang mga labi. "Kay sarap pagmasdan ng mga kabataang tulad ninyo," sabi niya. "Puno ng sigla, handang harapin ang anumang pakikipagsapalaran."
Tumayo siya at naglakad papunta sa isang cabinet na nasa kaliwang dulo ng kuwarto. Mula roon ay may inilabas siyang isang libro at inilapag ito sa kaniyang mesa. Ngumiti siya sa amin.
"Bago ang lahat, pamilyar na ba kayo sa mga class na maaari ninyong tahakin?" tanong niya. "Sa ngayon, ang maaari ninyo lang piliin ay ang unang antas, dahil wala pa kayong mga karanasan base sa detalye ng inyong mga guild card."
Humakbang palapit si Sly. "Pwede po bang malaman kung ano ang mga maaaring pagpilian?" tanong niya.
Hinawakan ni Hakim ang kaniyang baba, ang kaniyang mga mata ay tila sinusuri ang bawat isa sa amin. "May pitong pangunahing landas na bukas para sa inyo," sabi niya, ang kaniyang boses ay dumagundong sa tahimik na silid. "Bawat isa ay nangangailangan ng natatanging dedikasyon."
Ang kaniyang tingin ay unang dumapo kay Taki. "Ang Warrior. Sila ang mga dalubhasa sa paggamit ng mabibigat na sandata, mga melee attacker at defender na naninindigan sa harap ng laban."
Parang si Taki, isip ko. Isang pader na hindi mo matitinag.
Sunod siyang tumingin kay Sly. "Ang Rogue. Sila ang mga dalubhasa sa paniniktik, panlilinlang, at hindi patas na laban. Iniaalay nila ang kanilang buhay para sa kaginhawaan."
Napangiti ako. Sakto para kay Sly. Laging may paraan, laging may diskarte.
Ang mga mata ni Hakim ay bumaling kay Monti. "Ang Ranger, mga dalubhasa sa pag-asinta at pagsubaybay. Ang Artificer, mga dalubhasa sa paglikha, talino, at mga tagatuklas ng mga lihim ng sinaunang sining."
YOU ARE READING
GAME ON!!! VOLUME I
Science FictionAno ang mangyayari kapag ang isang laro ay naging mas totoo pa kaysa sa realidad? Ang Realm Conquerer ang pinakabagong full-dive VRMMORPG na nangako ng isang perpektong pagtakas sa realidad-isang high-fantasy world na puno ng mahika, pakikipagsapala...
CHAPTER XIX: EVOLUTION
Start from the beginning
