CHAPTER XIX: EVOLUTION

Magsimula sa umpisa
                                        

"Yeah, my stomach is screaming for food," segunda ni Taki.

Humanap kami ng isang bakanteng mesa at umupo. Agad namang lumapit si Selena, may dalang isang pirasong papel. "Mamili na kayo ng gusto ninyong kainin," magalang niyang sabi.

Napansin kong biglang nanigas at namula sina Sly at Monti.

Hindi ko napigilan ang sarili ko. "Mukha kayong kambal. Nakakita lang kayo ng maganda, naninigas na agad kayo diyan," nakangisi kong sabi, siniguradong maririnig ni Selena. Napatakip siya ng bibig, ngunit kitang-kita ko ang ngiti sa kaniyang mga mata.

Hinablot ko ang menu. "Isang Steak & Egg with Buttered Bread," sabi ko, at nginitian si Selena.

Nagsilapitan naman ang tatlo, nagsitayuan sa likod ko at nagtuturo sa mga nakasulat sa papel.

"Ito na lang kaya?"

"I'm craving for eggs and sweets."

"Ako, Idol, kung ano sa iyo, iyon na lang din sa akin."

Nagpatuloy sila sa kanilang diskusyon hanggang sa sa wakas ay nakapagdesisyon sila.

"Selena, tatlong itlog, tatlong pan de cacao, at tatlong kape," sabi ni Sly.

"Sige, salamat. Pakihintay na lang ang mga napili ninyo," sagot ni Selena bago umalis.

Habang naghihintay kami, pinanood ko ang masayang pagtatalo nina Sly at Taki tungkol sa kung sino ang mas malakas kumain. Sa isang iglap, para akong bumalik sa isang pamilyar na eksena—ang ingay, ang tawanan, ang pakiramdam na kasama ang mga kaibigan habang nag-aantay ng almusal. Ganitong-ganito rin kami sa Full Ascend Online. Isang maliit na ngiti ang gumuhit sa aking mga labi. Nasaan na kaya ngayon ang mga dati pa naming kasama?

□■□

Nang matapos kaming kumain, hindi na kami nag-aksaya pa ng oras. Agad kaming tumayo at sumakay sa wagon na nag-aantay sa labas.

Ang biyahe papunta sa Guild Quarter ay parang lumipas lang sa isang iglap. Ang ingay ng mga lansangan ng Capella—ang sigawan ng mga nagtitinda at ang kalansing ng mga panday—ay naging musika sa aking pandinig. Sa bawat pag-ikot ng gulong ng wagon, nararamdaman ko ang pagpintig ng aking puso na sumasabay dito—isang halo ng hindi maipaliwanag na pananabik at kaba.

Pagdating namin sa harap ng dambuhalang gusali, bumaba agad ako, hindi na hinintay pa ang iba.

"Saan ang registration?" tanong ko agad kay Sly pagbaba niya.

"Pagkapasok natin sa pintuan, kumanan tayo at diretsuhin ang booth na may unanong puti ang buhok," sagot niya. Lumapit siya sa harap at bumaling kay Monti. "Bibili na rin tayo ng Adventurer Card mo." Tumingin siya sa kabuuan ng gusali. "Pagkatapos, sabay-sabay na tayong kumuha ng mga opisyal na class natin."

"Eh, ano pang hinihintay natin?" Hinila ko si Sly sa braso, handa na siyang kaladkarin papasok.

Sa loob, ang ugong ng daan-daang manlalaro ay mas malakas pa kaysa sa Luna. Sinundan namin ang direksyon ni Sly papunta sa registration counter. Doon, isang Dwarf na may mahabang puting balbas ang nakita namin. Sa ibabaw ng kaniyang mesa ay isang makapal at lumang libro.

"Isang pilak na Adventurer Card, Ginoong Maal," sabi ni Sly, at inilapag sa counter ang bayad na dalawang daang pilak na barya.

Iniabot ni Maal ang isang blangkong card kay Monti. Kinuha ko naman ang sa akin mula sa aking bulsa.

"Hawakan ninyo ang mga card," utos ni Maal, sabay bukas ng malaking libro sa isang blangkong pahina. "At ulitin ang aking sasabihin: 'Ako si [Pangalan], sumusumpa ng katapatan sa Diyosang si Erena na pangangalagaan ang sangkatauhan!'"

GAME ON!!! VOLUME ITahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon