"SI POPOY, TAGA BUNDOK"

0 0 0
                                    


Pagkatapos angkinin ang kagubatan para pagminahan, gawing pabrika at iba pa, walang nagawa ang kanilang tribo kundi makipagsapalaran sa lawak ng kamaynilaan.

“Sir, apply ako trabaho, sir, kahit ano po.”

Hindi siya pinansin ng guwardya at nang tangkahin niyang makapasok ay hinarang siya nito. “Bawal po kayo dito.”

Walang nagawa si Popoy kundi umalis kasama nang dalawa niyang kapatid na nakababata.

“Sir, pasok po ako sir, trabaho po kahit ano po.”

Pinagtabuyan lang siya at pinagtitinginan ng mga tao. Hirap siyang makapag-hanap nang mapapasukan dahil sa pananamit niya at dahil na rin sa wala siyang maipakita na kahit anong dukumento.

“Pasensya ka na, kailangan namin ng requirements, sa iba ka na lang magtanong.”

Malungkot na naglalakad si Popoy habang naghihintay naman sa kaniya ang mga kapatid niya na ngayon ay gutom na gutom na.

Nakita niyang umiiyak ang bunso niya kaya hindi maiwasang madurog ang puso niya habang naririnig itong umaaray sa gutom.

Nagpunas siya nang luha saka huminga ng malalim.

Dahil dito, hindi pa rin sumuko si Popoy at umisip ulit siya nang paraan para magkaroon ng ikabubuhay.

Inisip niya na lang, kailangan niyang gumawa nang paraan dahil hindi niya pwedeng pabayaan ang mga kapatid niya.

Gamit ang talento, kumuha siya ng mga lata at ginawa niya iyong tambol, kasama ng dalawa niyang kapatid, magkakasama silang nag sabit-jeep upang mag-alay ng tugtugin na sinabayan pa ng kanilang katutubong mga kanta.

Magkahalong reaksyon naman ang nasa loob ng jeep, ang ilan ay nagtakip nang mukha at pakunwa'y natutulog, ang ilan naman ay tumalikod at humarap sa bintana, ang ilan naman ay abala kunwari sa kanilang mga cellphone. Bumaba silang bigo, ni walang nag-abot kahit piso man lang.

Tila may nakamamatay na sakit ang turing sa kanila ng mga tao, pinandidirihan, iniiwasan at pinagtatabuyan.

Kung sana'y hindi sila pinalayas sa kabundukan, malaya sana silang nagsasaka ng kanilang mga pananim na gulay at nangangaso sa gubat na ngayon ay puro kabahayan na.

Napaupo na lang si Popoy sa gilid ng kalsada kasama ang mga kapatid niya.

Yakap-yakap niya ito at nagbabaka sakaling mapapatahan niya ang nagugutom na kapatid.

“Kuya, pahingi po, pang kain lang.” Pagmamakaawa niya.

“Magtrabaho ka iho, ang laki-laki mong tao, malakas ka pa sa'kin.” Sagot sa kaniya ng manong tricycle driver.

Kung sana'y may tatanggap sa kagaya niyang dayuhan sa sariling bayan, sana'y posible ngang magkaroon ng pakinabang ang lamas at katawan niyang pinandidirihan.

Sa galit ay kumuha siya ng bote at binasag niya ito upang gawing patalim.

Naghintay siya nang pagkakataon hanggang sa may isang matandang lalaki ang bumaba sa kaniyang sasakyan, itinutok niya ito matanda para holdapin ito.

“Akin na ang pera mo kung ayaw masaktan.” May tindig ngunit pilit na boses ni Popoy.

Biglang inubo ang matanda at nahihirapan itong makahinga, kaagad na nag-alala si Popoy at nang malaman niya ang sanhi nito, kaagad niyang binuhat ang matanda para tulungang mailuwa ang nalunok na ano mang bagay.

Nang makahinga nang maayos ang matanda, iniabot sa kaniya nito ang isang kumpol ng pera.

“Naiintindihan kita, iho, pero nakakasugat ang humawak ng patalim, alam kong mabuting tao ang nasa likod nang patalim na hawak mo.”

Hindi makapaniwala sa narinig si Popoy, halos maluha siya nang yakapin pa siya nito imbis na katakutan o pandirihan.

Naantig ang damdamin niya sa matanda at napatanong siya rito kung bakit ganito kabait ang pagtrato niya sa kaniya.

“Hindi sapat ang sipag sa lugar na pagalingan ang labanan, hindi ka mananalo kapag wala kang napatunayan.”

“Pero tandaan mo, hindi mo dapat hayaang baguhin ng madamot na mundo ang puso mo.”
Dugtong pa nang matanda.

Isinama siya nito sa malawak nitong lupain na puno ng mga alagang hayop at pananim.

“Sanay ka ba magtanim?”

“Opo”

“Mag-alaga ng hayop?”

“Opo naman.”

Napangiti na lang si Popoy dahil alam niya sa sarili niyang kayang-kaya niya ang mga ganitong gawain.

Tumalikod ang matanda sa kaniya upang ipakita ang tattoo nito sa kaniyang likod. Doon niya nalaman nang makita niya ang tatak, at katunayan, na ang matanda na ito pala ay kaniya... Ka-tribo.

~Wakas.
Written By Genesis Alvarez.

MAPANAKIT STORIES- Short Stories collection.Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon