Epilogue

42 5 3
                                    

Pagkarating na pagkarating ko sa bahay ay dumiretso kaagad ako sa kuwarto ko.

"Issyl, anak. Hindi ka ba man lang kaka—" Hindi ko na narinig pa ang mga sunod na sinabi ni mama dahil kaagad kong isinara ang pinto ng kuwarto at tumakbo palapit sa kama. Nanatili lamang akong nakatayo sa tapat ng kama habang iniisip ang mga nangyari.

Masyadong maraming nangyari ngayong araw na hanggang ngayon ay hindi pa rin ma-digest ng sistema ko kung paano naging posibleng mangyari sa akin ang mga ganoong bagay.

Sa loob lamang ng isang araw ay nawala sina Tito Arlan at Ander...at iyon ay kagagawan lahat ni Kael—ang inaakala kong kaibigan.

Ikinuyom ko ang mga kamao ko sa inis nang maalala ko ang hitsura ni Kael kanina. Hanggang ngayon ay hindi ko pa rin lubos maisip na sasapitin ko ito. Mabuti na lamang at tinulungan ako ni Karl.

Bahagya akong napangiti nang maalala ko kung paano ako mainis kay Karl noon dahil akala ko siya iyong masamang tao—or should I say masamang Tamawo.

Kung sino pa pala iyong inaakala kong masama, e, siya pa palang tutulong at magliligtas sa akin.

Bumuntonghininga ako at saka naupo sa kama—bakit parang nag-iba ang kama? "Ma! Pinalitan mo ba ang kutson?" sigaw ko, kahit hindi ko alam kung narinig ba ni mama ang tanong ko. Bakit parang ang tigas naman nitong ipinalit ni mama?

At saka bakit parang nakakarinig ako ng lagaslas ng tubig?

"Ano bang sinasabi mo, Issyl?" tanong ni mama pagkabukas niya ng pinto ng kuwarto ko. "Itong kama ko ma, oh." Tumayo ako para tingnan at ituro kay mama ang kutson nang sa pagtayo ko ay unti-unting nagbago ang paligid.

Ang dingding ng kuwarto ko ay dahan-dahang napalitan ng matataas na puno. Ang kama na kanina'y inuupuan ko ay isang malaking bato.

Inilibot ko ang paningin ko para tingnan ang buong paligid. Lumakas ang pag pintig ng puso ko. Para akong nasemento sa kinatatayuan ko dahil ramdam ko ang panghihina ng tuhod nang mapagtanto ko kung nasaan ako ngayon.

Hindi puwede... hindi ako p'wedeng magkamali.

Pero paanong...

Paanong naririto ako ngayon ulit sa Tam-Aw Falls?

Nakaalis na ako 'di ba?

Hindi ko napansin na nakakailang hakbang na pala ako papalapit sa batis pero bigla akong napatingin sa ibaba nang may naramdaman akong nasagi ng paa ko.

Napaatras ako nang makita ko ang sarili kong katawan na nakahiga sa labas ng bilog na iginuhit ni Tito Arlan kanina.

Wala na itong buhay at tadtad ng malalalim na saksak.

Natuliro ako sa nakikita ko ngayon. Nagtatagis ang takot, kaba at pagkalito na nararamdaman ko.

"Maligayang pagbabalik sa iyong tahanan, Issyl."

Lost in Tam-Aw FallsTempat cerita menjadi hidup. Temukan sekarang