Chapter 5

17 5 0
                                    

Hanggang ngayon ay hindi pa rin nag-si-sink-in sa akin na ang pupuntahan kong burol ay burol ng matalik kong kaibigan, si Jieyanth.

Habang naglalakad ako palapit sa bahay nila ay natatanaw ko na ang tarpaulin na nakasabit sa gate ng bahay nila. Nakalagay roon ang larawan ni Jieyanth at may nakasulat na "In loving memories of Jieyanth Santos."

Humigpit ang hawak ko sa bulaklak na dala-dala ko dahil kahapon lang ay masaya kaming magkasama. Saglit ko pang inalala ang mga masasayang sandali na magkasama kami habang naglalakad ako palapit sa gate ng bahay nila.

Nang matapat na ako sa gate ay nalipat ang atensyon ko sa kumpulan ng mga tao na mukhang nag-su-sugal. May mga matatanda na mukhang nag-tsi-tsismisan lang at mga bata na panay ang laro. "Ang dami mong bisita beshy, ah," bulong ko at saka ngumiti ng mapait.

"Issyl, saan ba kasi kayo nagpunta kahapon ni Jieyanth?" Pakiramdam ko ay binuhusan ako ng malamig na tubig nang lumapit sa akin ang isa sa mga tita ni Jieyanth. Kilala ako ng buong pamilya nila dahil matagal na kaming matalik na magkaibigan. "P-po?" Halos basag pa ang boses ko nang sumagot ako sa kanya dahil kanina ko pa pinipigilang maluha.

"Norma, ano ka ba naman. Hayaan mo munang makapasok si Issyl sa loob at makausap ni Arlando," saway naman ni Tita Marissa, tita rin ni Jieyanth.

Nagpaalam ako sa kanilang dalawa at tuluyan nang pumasok sa loob kung saan nakaburol ang mga labi ni Jieyanth.

Huminto ako sa tapat ng pinto ng bahay nila Jieyanth dahil hanggang ngayon ay hindi ko pa rin lubos na matanggap na wala na ang matalik na kaibigan ko. Inilibot ko ang paningin sa loob ng bahay nila.

Dati-rati sa tuwing papasok ako rito, bunganga na niya ang unang maririnig ko at ang mga ngiti na niya ang sasalubong sa akin pero ngayon... puting ataul at mga kandila sa magkabilang gilid ang sumalubong sa akin.

Saglit kong pinunasan ang mga tumulong luha ko gamit ang isang kamay bago ko itinuloy ang paglalakad.

Nang makalapit ako sa ataul kung saan nakahimlay si Jieyanth ay binati ko si Tito Arlan na nakatayo habang pinagmamasdan ang mga labi ng anak. "Condolence po, tito." Inilapag ko rin ang bulaklak na dala ko sa ibabaw ng ataul ni beshy... doon sa may bandang ibaba dahil nakasarado naman ang parteng iyon.

Lumingon si Tito Arlan sa gawi ko, sunod ay tumingin siya sa may bandang likod ko kaya saglit kong sinulyapan kung ano ang tiningan niya... wala namang tao?

Muli kong ibinalik ang tingin ko sa kanya na nakatitig pa rin sa likuran ko kaya nagsalita ako. "Pasensiya na po tito. Hindi ko po dapat hinayaan si Jieyanth na mag-swimming mag-isa sa batis. Kung—" Saglit akong huminto para tumikhim dahil nararamdaman ko nang basag ang boses ko dahil pinipigilan kong maiyak habang nagpapaliwanag. "—kung sinamahan ko lang po sana siya maligo, hindi po sana mangyayari iyon kay Jieyanth."

Ipinatong ni Tito Arlan ang isang kamay niya sa kaliwang balikat ko kaya napatingin ako sa kanya. Halos hindi ko na siya makita dahil namumuo na ang mga luha sa mga mata ko at nagbabadya na itong tumulo.

"Huwag mo nang isipin iyon, hija. Alam kong wala kang kasalanan sa nangyari sa anak ko at alam kong hindi mo rin kagustuhan ang mga nangyari sa kanya." Ngumiti siya sa akin pero ramdam ko ang sakit at pangungulila ng isang ama sa anak sa mga ngiti niya. This time, hindi ko na napigilang hindi maiyak.

"Kasalanan ko pa rin po, tito. Kung—" Hindi ko pa man din natatapos ang sinasabi ko ay nagsalitang muli si Tito Arlan. "Ang mga Tamawo ang may gawa n'on sa kanya."

"P-po?" gulat na tanong ko. Kinapa ko ang kuwintas ni beshy na nasa bulsa ko. Dinala ko rin ito kasi balak ko sanang ibalik kay Tito Arlan. "May nakita ka ba o nakasalamuha kayo roon sa Tam-Aw falls?" tanong pa niya pero bago ko pa man masagot ang tanong niya ay tinawag siya ng isa pa nilang kamag-anak kaya nagpaalam muna siya sa akin.

Lost in Tam-Aw FallsWhere stories live. Discover now