Chapter 8

27 5 0
                                    

Ilang oras na kaming naglalakad sa gubat papunta sa Tam-Aw Falls. Pangalawang beses ko pa lang na pupunta sa lugar na ito pero kumpara noong unang beses akong nagpunta rito, ngayon ay lubhang nakakatakot na parang may nagmamasid sa amin.

Bawat malalaking puno na madaanan namin ni Tito Arlan ay may hinahagis siya na maliliit na kulay puting butil na sa tingin ko ay asin. May mga binubulong din siya na hindi ko masyadong naririnig at mas lalong hindi ko naiintindihan.

Ayaw ko rin na magtanong sa kanya kasi baka makaistorbo lang ako sa mga ginagawa niya. Ipinasuot lang niya sa akin ang anting-anting na bigay ni Jieyanth sa akin noon bilang proteksyon.

"Nandito na tayo." saad niya at saka humarap sa akin. "Tandaan mo, Issyl. Sumunod ka lang sa likod ko at huwag na huwag mong ilayo ang iyong tingin sa akin." Ilang beses na niya itong sinabi sa akin kahit noong hindi pa kami nakakapasok sa gubat.

Ang sabi niya kasi ay lubhang makapangyarihan ang mga Tamawo at kaya nitong paglaruan ang kahit na sinong gusto nila.

"Opo, tito." Tinanguan lang niya ako pagkatapos ay tumalikod na ulit at tuluyang pumasok sa lugar na kinaroroonan ng Tam-Aw Falls. At tulad nga ng sabi niya ay sumunod naman ako sa kanya.

Naglakad siya patungo sa tapat ng talon habang nagmamasid sa paligid. Patuloy pa rin ang pag hagis niya ng asin habang naglalakad hanggang sa maubos ito.

Nang makarating kami sa tapat ng batis ay inilapag ni Tito Arlan sa lupa ang dala niyang backpack at saka binuksan ito. Inilabas niya ang mga kagamitan at saka isinalansan ito sa sahig.

May kinuha siyang parang chalk at saka nag-umpisang magdrawing sa sahig. Mabato ang sahig pero kahit na ganoon ay nakikita pa rin ang isinusulat ni tito. Gumuhit siya ng bilog na parang may star sa loob. Pagkatapos ay may isinulat siya sa palibot ng bilog. Hindi ko maintindihan dahil parang latin ang isinulat niya.

Habang nagsisindi si Tito Arlan ng mga kandila ay hindi ko mapigilang hindi mapatingin sa lugar kung saan nakalatag ang picnic blanket noong araw na huli kong nakasama si Jieyanth. Kung alam ko lang na mangyayari iyon sa kanya ay hindi na sana kami nakisali sa picnic nila Kael.

Speaking of Kael, inilibot ko ang paningin para pagmasdan ang kabuuan ng talon, nagbabaka-sakaling makita ko silang dalawa rito ni Karl. Hindi ko na namalayan na sa pagmamasid ko'y nakakuyom na pala ang aking mga kamao.

"Dito ka tumayo sa loob ng bilog, Issyl," utos ni tito kaya napatingin ako sa gawi niya. Malaki naman ang ginawa niyang bilog kaya kasya kaming dalawa... pero, "Bakit po?" tanong ko habang nakakunot ang noo.

"Ligtas ka rito sa loob, kaya kahit na ano ang mangyari ay huwag kang aalis dito hangga't hindi natatapos ang ginagawa kong orasyon," sagot naman ni Tito Arlan nang makapasok na ako sa loob ng bilog na iginuhit niya.

"Sige po," magalang na sagot ko.

Inabot niya ang isang aklat at may kinuha siyang bote na may nakaguhit na krus. Sa palagay ko ay holy water iyong kinuha ni tito.

Nang maka-puwesto na siya ay pumikit siya at nag-umpisang magdasal. Ilang minuto rin ang inabot nang pagdadasal na iyon bago niya iminulat ang mga mata niya at binuksan ang libro na hawak niya sa kaliwang kamay. Ang kanang kamay naman niya ay hawak iyong holy water. Muli siyang nag-umpisang magdasal pero this time, binabasa na niya ang nasa libro na hawak niya habang i-wi-ni-wisik ang holy water na hawak niya.

Nang matapos siya sa pagdadasal ay inilipat niya ang pahina ng libro at humakbang siya palabas ng bilog. Muli niyang binasa ang nakasulat sa aklat habang patuloy sa pag-wi-wisik ng holy water sa madadaanan niya.

Hahakbang din sana ako palabas ng bilog nang maalala ko ang sinabi ni Tito Arlan kanina kaya kahit boring dito sa kinatatayuan ko ay tinanaw ko na lang siya mula rito.

Lost in Tam-Aw FallsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon