ML III: BAGAY MAGING CRUSH KO ANG BESHY KO NA YARN

Start from the beginning
                                    

Hindi ko alam kung ano ang ibig sabihin ng pagkindat niya na iyon pero kinabahan ako ng sobra doon at saka parang-- kinilig. Hi-hi-hi!

"Mga manong! One last favor na lang, isang isa na lang po. Promise!" Harang ni Danilo sa mga naghahakot ng basura. Katatapos lang nila paliguan si Chad. Tapos na din nila ilipat sa dala nilang garbage truck 'yung laman ng malaking basurahan. Nailipat na din nila iyon sa pinakadulo nitong village para hindi na maulit ang nangyaring aksidente.  "Pakikuha naman po yung bike ko sa loob. Please..."

Tinignan ng mga nangongolekta ng basura ang abandonadong bahay. Base sa ekspresyon ng mukha nila ay natatakot silang pumasok sa loob.

"Bakit kayo pumasok diyan? Hindi niyo ba alam na merong nakatira diyan.."

Kusang nagtaasan ang balahibo ko sa katawan. Naglapit-lapit kami sa isa't isa para pakinggan ang kuwento ni Manong. At saka, natatakot na rin kami, lalo naman yung katabi kong si Brian na grabe kung makakapit sa braso ko. Parang kinikilig na naman tuloy ako. Hi-hi-hi!

"Kilala niyo po ba ang dating nakatira diyan sa bahay na itim?" tanong ni Aeron.

Iyon nga ang tawag ng mga taga-labas ng village namin. Bahay na itim. Madalas iyon ipanakot sa aming bata.  Sa tuwing mapapadaan kami roon, nagtatakbuhan at iniiwasan naming tignan ang bahay na iyon sa sobrang takot. Hindi rin kami nagpaabot ng dilim sa bakanteng lote na malapit lang sa pinag-uusapan naming bahay. Hanggang alas-singko nga lang kami puwede tumambay doon.

"Nung bata pa ako," panimulang kuwento ni Manong. Iyong dalawa niyang kasama mukang ayaw makinig sa kuwento niya, nagtatawanan kasi silang nagsialisan at sumakay na roon sa nakaparadang garbage truck sa bakanteng lote. "bukid pa ito. Wala pang mga bahay niyo. Yung abandonadong bahay lang na iyon ang nakatayo rito. Matandang babae at isang batang babae ang nakatira diyan dati."

"Nasaan na po sila?" tanong ko.

"Ayan sa likuran niyo!" Biglang sabi nito kaya naman naghiyawan kami at kaniya-kaniyang takbo palayo sa sobrang takot.

Naiwan namang tawa nang tawa ang lokong manong na nangongolekta ng basura.

-----

"Thank you po!" Kumakaway na sigaw ni Danilo sa mga garbage collector, nakalabas na iyong sinasakyan nilang garbage truck sa gate. Si Danilo naman ay nakasakay na sa bike niya at nakatayong nakaangkas na ulit sa likuran niya si Oliver.

"Mabuti na lang kinuha ni Manong iyang bike mo Danilo sa loob ng nakakatakot na bahay na iyon. Kundi, bahala ka sa buhay mo, hindi ka sasamahan nina Aeron, Oliver, Trese at Chad. Mga duwag pa kesa sa amin iyan, eh!" litanya ni Chin.

"Sino nagsabing hindi ko kaya pumasok mag-isa doon sa loob? Sino nagsabing duwag ako, ha?" maangas na tanong ni Trese.

"E'di si Chin! Kasasabi nga lang niya 'di ba. Hindi ka marunong makinig, Trese. Mahina ka umintindi," ani Gaile. Naghagikgikan kami ng mga kaibigan ko.

"Sige, para walang away! Pumasok tayong lahat sa loob ng bahay na 'yon!" suhestiyon ni Lorraine, na sinang-ayunan naman agad ni Trese.

Kating-kati talaga si Trese na patunayang matapang siya at kaya niyang pumasok sa loob.

Napilitang sumang-ayon na din sina Danilo at Oliver para kuhanin ang mga naiwan nilang mga bitbit na naka-plastic.

"Brian! Brian!" dinig naming tawag ng Yaya niya, palinga-linga itong lumabas ng gate ng bahay nila Brian.

"I'm here, Yaya Anna!" Kaway ni Brian sa Yaya niya. "Why?"

"Gusto ka makausap ng frenlalou mo!"

"O to the M to the G. It's Onyok!" Nagtatakbo na ito palapit sa Yaya niya pero bago ito pumasok. Kumaway ito sa amin at sumigaw ng, "Babalik ako! Sasama ako sa inyo sa bahay na itim!"

"Sasama na rin ako!" sabi ko rin agad na may kasamang taas ng kamay ko dahilan para magsitinginan sila sa akin na akala mong hindi makapaniwala, lalo na ang mga kaibigan ko.

"Sama rin ako!" anang bagong dating na si Aeron, kasabay nito ang bagong bihis na si Chad.

Mabuti naman at hindi na niya kasama si Felina.

Nagkasalubong ang mga mata namin ni Aeron, nginitian niya lang ako. Iniwas ko naman agad ang tingin ko sa kaniya.

Ayoko na sa kaniya, pinaiyak niya ako't pinaasa. Ayoko na sa kaniya dahil mayroon na akong bagong nakitang bagay maging crush ko. Iyon ay walang iba kundi ang kaagaw ko sa kaniyang si Brian.

Pero simula ngayon, siya na ang ituturing kong matindi kong karibal kay Brian.

"Sige, lahat tayong nandito ngayon papasok sa bahay na itim. Ang hindi sumama sa inyong mga babae, ibig sabihin, sa kaniya itong perwisyong panty!" anunsyo ni Danilo sabay wagayway sa panty ni Alyza habang nakatingin sa amin ng mga kaibigan ko.

Magandang LalakweWhere stories live. Discover now