Then out of the blue, just like my prayer has been answered, I suddenly heard a tingling sound of a bell. Bigla akong napalingon dahil para bang tinatawag ako niyon. Nagpalinga-linga ako sa paligid at noon ko napansin ang makapal na hamog na bumabalot sa buong lugar. Bahagya akong kinilabutan nang mapansin kong walang ibang tao maliban sa akin.

Noon ko muling narinig ang mahinang kalansing ng mga kuliling. Hinanap ko kung saan iyon nanggagaling hanggang makarating ako sa isang antique shop. Napahinto ako sa harapan ng shop at mataman itong pinagmasdan. Sinuri ko ang disenyo ng tindahan na floor to ceiling ang dingding at gawa sa salamin. Maliban sa itim na paru-paro na nakaguhit sa sign board ay wala nang ibang kapansin-pansin sa antique shop na iyon kaya nagpasya akong umalis na.

Nang akmang hahakbang na ako noon biglang bumukas ang pintuan na tila ba inaanyayahan ako nitong pumasok sa loob. Hindi ko alam kung ano bang nag-udyok sa akin, ngunit lakas-loob akong naglakad papasok upang alamin kung ano'ng mayroon sa loob. Malakas ang kutob ko ng mga oras na iyon na tila ito na ang sagot sa aking mga dalangin.

Maginaw nang makapasok ako sa loob, malamig na dapyo ng hangin ang agad na sumalubong sa akin. Napakahimik. Walang anumang ingay ang maririnig sa buong paligid. Inilibot ko ang aking tingin sa mga eskaparate ng salamin na nakahanay sa dingding. Puno iyon ng iba't ibang klase ng mga antigong alahas katulad ng singsing, hikaw, pulseras at kuwintas. Mayroon ding tiara at korona.

Sa isang sulok naman ng shop ay may mga kagamitang pandigma mula sa iba't ibang lupalop ng daigdig katulad ng lumang espada, kris, palakol at katana na mula pa yata noong unang panahon.

May mga painting ding nakasabit na tila mula pa noong ikalabing-anim na siglo at iba't ibang klase ng banga na kakaiba ang mga hugis at disenyo. Umikot ako para maghanap ng mapagtatanungan ngunit walang tao sa paligid. Akmang uusisain ko ang naka-display na globo na nasa ibabaw ng eskaparate nang biglang may nagsalita sa aking likuran.

"Hello, Miss Customer! Ako ang assistant shopkeeper, ano'ng maipaglilingkod ko sa inyo?" Masayang bati ng isang babae na balingkinitan ang pangangatawan at maikli ang buhok. Malapad ang ngiting nakapaskil sa manipis nitong mga labi.

Napatalon ako sa sobrang gulat kaya hindi sinasadyang nasagi ko ang globo. Maagap naman iyong nasalo ng babae bago pa bumagsak sa marmol na sahig.

"S-sorry, hindi ko sinasadya. Ginulat mo naman kasi ako." Hingi ko ng dispensa.

Ngumiti ito habang nangingislap ang mga matang nakatingin sa akin. Bigla akong naasiwa kaya napaatras ako.

"Huwag po kayong mag-alala sapagkat hindi basta-basta nasisira ang mga item namin dito. May nagustuhan na ba kayo sa mga paninda namin?" tanong nito.

Tumayo ang babae at hinatak ako para sumunod sa kanya. Inilibot niya ako upang ipakita ang iba pang laman ng tindahan. May mga libro, sapatos, damit, aparador, upuan at kung ano-ano pa na hindi ko na matandaan sa sobrang dami. Bigla akong napaisip, kung titingnan sa labas maliit lang ang tindahan kaya paanong nagkasya ang lahat ng kagamitan sa loob ng shop?

"Ano sa tingin n'yo? May nagustuhan ba kayo sa mga item na pinakita ko?"

"P-pasensiya ka na ha. Pero wala akong balak na bumili ng kahit na ano dito. Nagkataon lang na napadaan ako at bukas ang pintuan kaya pumasok ako." Nagpaalam na ako para umalis. "Sige, salamat na lang alis na ako, Miss."

"Nakasisigurado ba kayong wala kayong kailangan na kahit ano? Maaaring nandito ang sagot sa problema n'yo."

Napatda akong bigla sa kinatatayuan ko kasabay nang paggapang ng kakaibang kilabot sa buo kong katawan.

"Kung hindi n'yo pa naitatanong, pero espesyal ang shop na ito. Nahanap n'yo ito dahil may nais kayong hilingin."

Noon kumabog ng malakas ang aking dibdib. "Ano'ng ibig mong sabihin?"

"Kung nakapagpasya ka na, sumunod na lang kayo sa akin. Si Bossing na ang bahalang magpaliwanag sa inyo ng lahat." Malapad siyang ngumiti at saka nagpatiunang naglakad paalis.

Bagaman kinakabahan, nanaig pa rin sa akin ang kagustuhan kong mailigtas si Dominic. Wala akong pakialam anuman ang mangyari sa akin. Ang mahalaga ay makahanap ako ng lunas para magising siya. Inipon kong lahat ng lakas ng loob na mayroon ako at sinundan ang babae.

Mayamaya pa ay tumigil kami sa tapat ng cash register. Malakas na tinoktok ng babae ang ibabaw ng lamesa. "Bossing, may customer tayo," wika nito.

Isang lalaki ang bigla na lang lumitaw sa aming harapan. Matangkad, guwapo at kasing-putla siya ng isang bangkay. May kakaibang panglaw sa mga mata niya na matamang nakatitig sa akin.

"Ano'ng nais mong hilingin, Binibini?" kaswal na tanong ng lalaki sa akin.

"Hindi ko kayo maintindihan ano bang pinagsasasabi n'yo?" tanong kong labis na naguguluhan sa nangyayari.

"Isa lamang ang dahilan kung bakit ka narito ngayon. May nais kang hilingin."

"Hindi talaga kita maintindihan?"

"Hindi pangkaraniwan ang shop na ito. Tanging mga kagaya mong tao lamang ang nakakahanap sa aming munting tindahan. May kakayanan ang lugar na ito na tuparin ang anumang hiling mo."

"Niloloko mo ba ako?" Nagdududa kong tanong bagaman gusto kong paniwalaan ang mga sinasabi niya. Kabaliwan mang isipin kahit imposible, nais kong umasa, gusto kong maniwala sa sinasabi niya.

"Puwede mong hilingin ang kahit na ano, basta ang katumbas na kapalit ay kasing-halaga ng 'yong hiling." Biglang tumalim ang kanina ay mapanglaw na mga mata ng lalaki. "Sabihin mo lamang sa 'kin kung ano ang 'yong hiling."

I was so desperate, at saka ko na lamang iisipin ang consequences. Importanteng mailigtas ko ang buhay ni Dominic.

Inipon kong lahat ng lakas ng loob na mayroon ako. "Gusto kong iligtas ang buhay ng fiancé ko, limang taon na siyang comatose at bukas tatanggalin na nila ang kanyang life support. Gusto kong magising na siya." Hindi ko napigilan ang biglang pangingilid ng luha sa magkabila kong mata.

"Kung gayon, ano'ng maibibigay mong katumbas na kapalit ng 'yong hiling?"

to be continued...

Forget-Me-NotWhere stories live. Discover now