Kabanata 2: Arrival and Departure Area

23 4 0
                                    

"Papa?" usal niya kasabay ng malakas na tibok ng kaniyang puso. Kitang-kita sa mukha niya ang labis na pagkagimbal. At naitanong niya sa sarili, ito ba ang mga dating panahon na marunong pa siyang matakot? Sapagkat sa kasalukuyan ay nakalimutan na niya ang pakiramdam. Ngunit dito, damang-dama niya ang hilakbot. Hindi para sa sariling kaligtasan ngunit para sa kapakanan ng ama.

"Umalis ka na, Mattia!" at narinig niya muli ang pamilyar na boses. Ang pagsigaw nitong punong-puno ng pangamba.

At katulad ng dati, nakita niyang hinigop ito ng kadiliman. Walang nagawa ang lalaki kundi tumili lamang at hindi rin niya nagawang makakilos mula sa pagkakatayo. Pagkatapos, muling sumara ang lumang pinto at naiwan siyang nakatulala sa harap nito.

Hinihingal na biglang bumangon si Mattia mula sa pagkakahiga. Natutulog lamang siya ngunit para siyang tumakbo ng ilang kilometro dahil sa tumatagiktik na pawis at paghahabol ng hininga. Napasapo siya sa ulo at pinahinahon ang mabilis na tibok ng dibdib. "Panaginip na naman..."

Paulit-ulit. Walang katapusan.

Lagi na lamang ganito ang laman ng kaniyang mga bangungot— isang pinto, ang kaniyang ama, at ang kadiliman. Hindi niya maunawaan ang simbolismong pinapakita ng guniguni ngunit inaamin niyang sa panaginip lamang siya nakakaramdam ng ganito.

Isang malaking misteryo para sa kaniya sapagkat sa pagkakaalam niya'y wala siyang kakayahan na matakot. Dahil sa pinsalang natamo niya noon sa isang bahagi ng utak— ang Amygdala, naapektuhan din ang kakayahan niyang makaramdam ng panganib. Wala siyang flight or fight response and perception of threat. Ang katangian niyang ito ang naging dahilan kaya nagkaroon ng interest sa kaniya sina Chubs at Joriz.

Ngunit bakit sa panaginip lamang siya nakakaramdam ng takot? Napakaimposible na madama niya ito sa tunay na buhay. Ang tanging totoo lamang sa mga bangungot ay ang biglaang pagkawala ng kaniyang ama noong siya'y musmos pa lamang.

Isa rin sa mga hangarin niya na muli itong makita. Kaya siya lumuwas sa Manila ay upang malaman ang nangyari sa kaniyang ama. Sapagkat, walang makapagsabi kung nasaan ito at tila naglaho lamang na parang bula.

Napabuntong-hininga siya bago tumingin sa bed side table. Naudlot ang malalim niyang pag-iisip nang makita ang kamay ng orasan. Namilog ang mga mata niya at napasinghap nang mapagtanto kung anong oras na.

Nagmamadali siyang bumangon sa kama at dumiretso sa banyo. Hindi ito ang tamang pagkakataon upang mag-isip ng kung ano-anong bagay dahil kailangan niyang makahabol sa takdang oras.

"Male-late ako sa flight!" bulaslas niya habang inihahagis ang mga hinubad na saplot sa labas ng palikuran. At dahil sa ingay niya, naalimpungatan din sina Joriz at Chubs na natutulog sa kabilang double deck bed. Pupungas-pungas na nagising ang mga ito at tumingin sa direksyon niya.

***

Inihatid siya nina Joriz at Chubs sa NAIA. Katulad ng inaasahan nila ay napakaraming tao at napakahaba ng pila kahit sa labas pa lamang ng gusali. Akyat panaog ang mga tao sa escalator, at may ilan pang mga dayuhan ang nagbla-vlog sa paligid.

"Salamat sa paghatid sa akin dito. Kung hindi dahil sa inyo, baka naligaw na ako," aniya sa dalawang kaibigan.

"Saan daw ang mga kasama mo?"

"Sabi nila ay bababa raw sila mula sa Service Bus. Saan ba babaan ng mga bus dito?"

"Kasama kaya nila si Mr. Clean?" imbis na sagutin ang tanong niya, bumaling si Joriz kay Chubs.

"Mr. Clean?" naguguluhang tanong niya.

"Malamang, Joriz. Hindi naman mawawala ang kalbo na 'yon," tugon ni Chubs na hindi siya pinansin.

Adrenaline Junkies: El CadejoWhere stories live. Discover now