Chapter 21: Stars

Start from the beginning
                                    

Pinili niyang umalis nalang kaysa ang marinig pa ang pag-uusapan ng tatlo. Nais niyang malaman ang nangyayari. Ngunit nasisiguro niyang kapag bumukas ang mga bibig nito ay siguradong maguguluhan lamang siya.

Hindi rin naman magsasalita ang kaniyang amo upang ipaliwanag ang lahat sa kaniya. Kaya mas mainam na hindi na lamang niya marinig ang pag-uusapan nito upang hindi na madagdagan pa ang kaguluhan sa isipan niya.

Nang makalabas si Isko ay napabuga ng hangin si Sarina. Mugto pa ang kaniyang mga mata dahil sa pag-iyak. Ang ilong ay namumula. Ang dalawang kamay na may hawak na baso ay nanginginig.

"Ano ang iyong nakita?" Tanong ni Tandang Arus.

Huminga muna ng malalim si Sarina. Kalmado na siya. Ngunit tuwing naaalala niya ang nangyayari ay dinadapuan siya ng takot.

"N-Nakabalik ako sa totoo kong mundo. Pero nasa loob ako ng kabaong at inililibing na ako sa ilalim ng lupa." Pagkekwento ni Sarina at mabilis na umiling. "Ayoko na. Ayoko nang bumalik pa roon. I don't want to experience that again." Nanginginig at natatakot nitong sabi.

Ang dating mayabang na ngisi nito sa labi ay nawala. Ang mayabang at arogante nitong presensya ay napalitan ng takot at sakit. Ibang iba sa Sarina na kilala ni Mika.

Nagkatinginan na lamang si Mika at si Tandang Arus. Pareho ang kanilang iniisip.

"Isang lamang ang ibig sabihin noon." Saad ni Tandang Arus kaya napatingin sa kaniya ang dalawa. "Patay ka na at wala ka ng lugar sa mundong iyon, Binibini."

Natahimik nalang si Sarina. Hindi na niya alam kung ano ang sasabihin. Masyado pa siyang natatakot. Pakiramdam niya ay nasa loob parin siya ng kabaong na iyon at naghahanap ng hangin at umaasang huhukayin ulit

"Mabuti na lamang pala at naibalik ka namin agad dito," saad ni Mika at malungkot na napatitig sa kaniya. Naaawa sa naranasan ng kaniyang head chef.

"Nakausap ko si Azrael..." dadag pa ni Sarina. "Patay na siya. Pinatay niya ang sarili niya."

Nanlaki ang mga mata ni Mika sa narinig at napatitig sa kaniya. "Kung ganoon ay ayaw na talaga niyang bumalik sa katawan niya?"

"Ang sabi niya sa sa akin ay patay na siya at pinapaubaya na niya sa akin ang katawan niya." Naluluhang saad ni Sarina habang nakayuko parin at nakatitig sa tubig na nasa loob ng basong hawak niya.

Napatitig si Mika kay Sarina. Hindi alam kung dapat ba siyang matuwa sa balitang iyon dahil hindi na siya iiwan ni Sarina o malulungkot dahil hindi na ito kailanman makakabalik pa sa totoo nitong panahon.

Napabuga ng hangin si Sarina. Hindi niya maintindihan ang iba sa nangyari sa kaniya. Ngunit isa lang ang tumatatak sa isipan niya. Iyon ay wala na siyang lugar pa sa panahon niya at ang buhay na mayroon si Azrael ay kaniya na.

Napayuko siya. Hindi niya alam kung matutuwa ba siya sa balitang ito o malulungkot sa sinapit niya at sa sinapit ni Azrael. Naawa siya sa nangyari kay Azrael. Paano na ito? Paano na ang katawan nito? Ang buhay nito?

"Huwag ka nang mag-isip pa ng malalim, Binibini. Naintindihan mo naman na 'di ba ang sinabi ng may-ari ng katawang iyan. Ang katawan niya ay iyo na. Wala ka ng
dapat alalahanin pa dahil ang buhay mo sa iyong panahon ay wala na," saad ni Tandang Arus. Isinara na nito ang librong naglalaman ng ritual saka ito napabuga ng hangin. "Wala ka nang magagawa. Dito ka na mananatili, Binibining Sarina."

Hindi na lamang sumagot si Sarina dahil totoo ang sinabi ni Tandang Arus. Wala na siyang lugar pa sa panahon niya. Ang buhay ni Azrael dito ay kaniya na. Wala na siyang magagawa pa upang makabalik sa panahon niya. Ang magagawa nalang niya ay tanggapin ang buhay na binigay sa kaniya ni Azrael.

The Royal ChefWhere stories live. Discover now