"Sabi sa inyo, ma, pa, ang bagal niyan palagi. Pati tuloy ako nale-late sa klase minsan." Pagrereklamo ni Kuya Edward sa akin.

"Tama na 'yan, Edward. Kunin mo na 'yan gamit ng mama mo. Tara na." Saway sa kaniya ni papa na ikinangiti ko. Tumingin siya sa akin at sinamaan ako ng tingin.

"Tara na, Ki." Sabi ni mama at sabay kaming dalawa na lumabas ng bahay.

Sasakyan ni papa ang gagamitin namin at hindi rin pinayagan si Kuya Edward na bumiyahe mag-isa. Kaya ang kalalabasan ay iisang sasakyan lang kami lahat.

Si papa ang magda-drive at si mama naman ang nasa front seat. Habang kami ni Kuya Edward ay nakaupo sa back seat. Ipinikit ko ang aking mga mata dahil kulang na kulang talaga ang tulog ko.

"Saan natin susunduin si Jack, Edward?" Tanong ni papa habang bumabiyahe kami.

"Sa pangalawang kanto, pa. Nasa labas na 'yon naghihintay." Tugon ni kuya sa tabi ko.

Ilang sandali pa ang naging biyahe namin bago ko naramdaman ang paghinto ng kotse na sinasakyan namin. Kaya napamulat ako ng mga mata at agad kong nakita si Jack Jendrick sa gilid. Umisod ako palapit kay Kuya Edward dahil saktong nasa side ko siya nakatayo sa labas.

Binuksan niya ang pinto sa gilid ko at agad kong nakita ang mukha niya ng malapitan. Tumingin siya sa akin at ngumiti na mas lalo nagpahanga sa akin. Hindi ko alam kung bakit hindi ko maalis ang tingin ko sa kaniya habang inaayos niya ang dala niyang bag at umupo sa tabi ko. Kaya ang kinalabasan ay nasa gitna ako ni Kuya Edward at ni Jack Jendrick.

Hindi ako konportable sa puwesto ko. Hindi ako makagalaw nang maayos dahil nahihiya ako. Ayokong tingnan niya ako sa bawat galaw na gagawin ko. Hindi ko alam pero ngayon lang ako nahiya nang ganito.

"Umisod ka nga roon, Ki. Masyado mo na akong iniipit dito." Reklamo ni Kuya Edward. Kanina pa kasi ako nahihilo at nagpipigil lang akong sumuka. Hindi ako sanay bumiyahe nang malayo at naka-aircon pa. Nakalimutan kong dalhin ang menthol na pinapahid ko. Umisod ako nang kaonti palapit kay Jack Jendrick.

"Ayos ka lang ba, nak?" Nag-aalalang tanong ni mama habang nakatingin sa amin gamit ang rear view mirror.

"Nahihilo po ako." Mahina kong sabi. Nakita kong napatingin sa akin si Jack Jendrick na mas lalo kong ikinahiya.

"Wala tayong dalawang gamot mo. Dala mo ba Ang menthol na pinapahid mo?" Tanong ni mama. Agad akong umiling.

"Kaya mo pa ba? Buksan niyo na lang ang bintana kapag susuka ka." Wika ni mama. Walang gana akong tumango.

Sumandal ako sa head rest at nakita kong binuksan ni Jack Jendrick ang bag niya at narinig ko ang plastic na kinuha niya roon. Sinulyapan ko siya at may lamang candy iyon at kinuha niya ang mga iyon sa loob ng plastic.

"Here. Kapag sumuka ka ay dito na lang. Gusto mo ba nito?" Tanong niya at inalok ako ng dala niyang candy. Tiningnan ko muna siya saglit at nginitian ako at mas inilapit pa ang candy na sa kaniyang palad.

"Salamat." Nahihiya kong sabi at kumuha ng isang candy. Ngunit nagulat ako nang kinuha niya iyon sa akin at siya na mismo ang nagbukas para sa akin. Nahihiya akong ngumiti sa kaniya at agad na kinuha ang candy.

Hindi niya binigay sa akin ang plastic ngunit hawak niya iyon. Muli kong ipinikit ang mga mata ko at nanalangin na sana huwag akong sumuka hanggang sa makarating kami ng Baguio.

Halos limang oras din ang naging biyahe namin simula Cavite patungo sa Baguio. Nahihilo pa rin ako ngunit hindi na ako nakaramdam pa ng pagsuka.

Huminto kami sa isang hotel kung saan kami tutuloy mamayang gabi. Mayroon itong malaking swimming pool at may sariling pagkainan sa loob.

Naunang lumabas si Kuya Edward at sumunod naman si Jack Jendrick sa kabilang side. At susunod na sana ako sa pagbaba sa binabaan ni Kuya Edward nang agad niyang isinarado ang pinto na ikinainis ko. Kaya sa kabila na lang ako lumabas dahil bukas pa iyon at naroon si Jack Jendrick na hinahawakan ang pinto.

"Salamat." Sabi ko at ngumiti lang siya at agad na isinarado ang pinto.

Napatingin ako sa paligid dahil ramdam ko agad ang lamig. At ngayon ko lang naalala na wala akong nadalang jacket man lang kahit isa.

Naunang naglakad si mama at papa habang nakasunod ako. At ang dalawa naman ay nasa likuran ko at nag-uusap.

Pagpasok namin sa loob ay agad kaming binati ng security guard at ng babaeng receptionist.

Ilang sandali lang ay binigay na kay mama ang isang card. Nauna muli silang naglakad at nakasunod kaming tatlo. Sumakay pa kami ng elevator at nang bumukas iyon ay hinanap na namin ang binigay na room number.

Itinapat ni mama ang card sa may pinto at agad na tumunog iyon hudyat na pwede ng buksan. Medyo malaki ang room na pinili nina mama dahil lima kami. Agad kong nakita ang tatlong pinto.

"Dalawa ang kuwarto dito. Edward at Jack ay magkasama kayo sa iisang kuwarto. Kami namang tatlo ay sa kabilang kuwarto." Paliwanag ni mama.

"Sige po." Sagot ni Kuya Edward. Agad  naman silang naglakad patungo sa kuwarto na itinuro ni mama.

"Nahihilo ka pa ba, Ki?" Tanong ni mama. Tumango lang ako bilang sagot.

"Halika, matulog ka muna roon sa kuwarto. Mamaya na tayo mamasyal." Sabi ni mama at niyakap ako. Pagkaraan ay sabay kaming naglakad patungo sa kuwarto.

"Ipahinga mo muna 'yan." Sabi pa ni mama at kinuha sa akin ang dala kong bag. Agad akong humiga sa kama habang yakap ang isang unan at pumikit.


Nagising ako dahil sa ingay na nagmumula sa labas ng kuwarto. May nagtatawanan at minsan ay nagsisigawan. Agad akong gumising at inayos ang nagulo kong buhok. Pagkaraan ay naglakad na palabas ng kuwarto at bumungad sa akin si Kuya Edward at Jack Jendrick na naglalaro. Abala sila sa paglalaro at hindi nila namalayan na nakalapit na ako sa kanila.

"Top, Edward. Sira na ang tore doon." Malakas na sabi ni Jack Jendrick.

"Ehem." Pag-agaw ko sa atensiyon nilang dalawa at sabay silang napatingin sa kinatatayuan ko.

"Si mama?" Tanong ko.

"Umalis. Bumili ng mga kakainin natin dito." Mabilis na sagot ni Kuya Edward at bumalik na ulit sa paglalaro.

"Upo ka muna, Ki. Pauwi na rin yata sina tita at tito." Wika ni Jack Jendrick habang naglalaro.

Nakaupo lang ako kaharap sila at talagang hindi sila makausap habang naglalaro. Kaya binuksan ko na lang ang tv at nanuod ngunit hindi ko naman gusto ang palabas kaya agad ko ring pinatay ang tv.

Ilang minuto rin akong nakatingin lang sa kanila bago dumating si mama at papa. Agad ko silang sinalubong at kinuha ang ibang dala nila. Sakto namang pagkain ang nakuha ko na ikinangiti ko. Kumuha ako roon at binigay na ang iba kay kuya na tapos ng maglaro.

"Jack, kumuha ka na rin doon ng makakain mo." Sabi ni mama. Tiningnan ko naman si Jack Jendrick na abala sa paglabas ng mga pinamili ni mama sa plastic.

"Sige po. Thank you po." Sagot niya at ngumiti.

Pagkatapos nilang mag-ayos ng mga pinamili ay napagpasyahan na naming lumabas. Kaya bumalik ako sa kuwarto upang magbihis.

At paglabas ko ng kuwarto ay ako na naman ang hinihintay nilang lahat.

"Let's go?" Tanong ni mama. Agad naman silang tumayo. Nagpahuli ako sa paglalakad dahil inaayos ko pa ang suot ko.

"Okay ka lang?" Napaangat ako ng tingin nang makita kong kasabay ko maglakad si Jack Jendrick.

"Oo." Maikli kong sagot at tinapos na ang pag-aayos ng damit ko.

••••

Thank you for reading!

Miss_Terious02

Be My Endgame Where stories live. Discover now