KABANATA XXV: ANG LIHIM NI LOLA MAURA

22 1 0
                                    

Enero, 1866

[Pananaw ni Dencio]

Hindi na kami nagdalawang-isip pa at kaagad narin naming tinungo ang kakahuyan. Kahit na alam kong matapang si Cynthia, pinilit ko paring manguna.

“Saan ba tayo magsisimula?” Agad kong tanong sa kaniya. “Masyadong malawak ang kakahuyan, Cynthia. Gagabihin tayo kung pipilitin nating matapos ang paghahanap ngayon.” Pagdaragdag ko pa kay Cynthia.

“Dencio, sa ayaw at sa gusto natin, kailangan natin siyang makita. Kung mauunahan tayo ng mga taong umuusig sa kaniya, mapapahamak si Lola Maura. Mas lalo nating hindi malalaman ang totoo.” Saad ni Cynthia sa akin.

May punto si Cynthia, mapapahamak si Lola Maura kung sakali mang maunahan kami ng mga taong umuusig sa kaniya, lalo na si Mang Gimo.

“Upang mapadali tayo, kailangan nating maghiwalay ng direksiyon.” Mahinahong wika sa akin ni Cynthia.

“Hindi,” tugon ko naman sa kaniya. “Mahirap na ang mapahamak ka pa.” Pagdaragdag ko pa sa kaniya.

“Dencio, mas kabisado ko ang sikot-sikot dito sa kakahuyan. Kaya ko ang sarili ko. Hindi mo rin ako mapipigilan sa gagawin ko.” Mariing saad sa akin ni Cynthia. Mukhang walang magagawa ang mga sasabihin ko kaya hinayaan ko na lamang ang mga hakbang na gusto niyang mangyari.

“Sa kaliwang parte ka ng kakahuyan, ako naman sa kanang parte. Sa pagkakataong kapwa na nating narating ang ilog, doon lamang tayo makakauwi,” paliwanag niya sa akin. “Naiintindihan mo ba ako?” Pagdaragdag pa nito.

“Malinaw ang lahat, Cynthia.” Agad ko namang tugon sa kaniya. 

“Kung ganoon, mauuna na ako,” wika niya sa akin sabay tungo sa direksiyon na kaniyang sinabi.

Bago pa man siya makalayo, muli ko naman siyang sinundan at niyakap ng patalikod.

“Mahal na mahal kita, Cynthia. Pakiusap, ingatan mo ang sarili mo.” Mga habilin ko sa kaniya.

“Uulitin ko, kaya ko ang sarilli ko, Dencio. Mag ingat ka rin.” Tugon naman ni Cynthia sa akin.

Mag-isa, sinimulan kong suyurin ang kaliwang parte ng kakahuyan. Patuloy kong sinisigaw ang pangalan ni Lola Maura, ngunit wala ni isang tumutugon kung hindi ang huni ng mga ibon. Malapit na naman dumilim, hindi ko parin nakikita ang mga bakas na magbibigay ideya na nasa kakahuyan si Lola Maura.

Malapit ko nang marating ang ilog. Dinig ko na ang malakas na pag-agos ng tubig mula rito. Mamadaliin ko na sana ang makapunta sa ilog upang maghilamos nang may kung anong tinig ang aking narinig. Isang kanta ngunit hindi ko naiintindihan ang mga liriko nito. Nang lingusin ko ang direksiyon kung saan nagmumula ang tinig, nagpakita sa akin si Lola Maura. 

“L-lola...”

“Dencio, apo,” tugon naman nito sa akin.

Sa wakas ay nagpakita na rin sa akin si Lola ngunit hindi ko kasama si Cynthia. Kinakabahan man, hinarap ko si Lola. Ang ipinagtataka ko lamang, bakit wala siya ni isang saplot?

“Sinadya kong sa iyo muna magpakita, Dencio,” saad ni Lola Maura sa akin. “Kampante na ako kung sakaling isama na ako sa hukay ni Santelmo. Natagpuan na ng apo ko ang taong siyang magiging katuwang niya sa buhay.” Pagdaragdag pa ng matanda sa akin.

Wala akong maitugon sa kaniya. Tila naubusan ako ng laway para makipag-usap sa kaniya. Namanhid din ang buo kong katawan at hindi ko na nagawa pang gumalaw mula sa aking kinatatayuan. Ang mga tanong na dapat kong ililinaw sa kaniya ay nawala na lamang bigla.

Mula sa malayo, nakita ko kung paanong bigla na lamang siyang nawala matapos magtungo sa likuran ng isang malaking puno.

Inisip kong guni-guni ko lamang ang aking nakita kaya’t tinakbo ko ang ilog na siyang malapit sa akin at kaagad na naghilamos.

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Oct 12, 2022 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

Ang Lihim ni Lola Maura [PUBLISHED] Where stories live. Discover now