KABANATA XX: Ang Paglisan

58 8 1
                                    

Enero, 1866

[Pananaw ni Teresa]

Mula kagabi, hindi ko na nagawa pang makatulog, hanggang ngayon, tangan ko parin ang kaliwang sapin sa paa ni Inay at ang pitaka nito.
Umaasang ano mang oras ay kakatok siya ng pinto.

“Teresa...”

“Teresa si Dencio ito, buksan mo ang pinto.” Bulalas nito mula sa labas ng bahay. Animo’y nagmamaka-awang pagbuksan ko ng pinto.

“Hindi ko kailangan ng kausap.” Tugon ko naman.

Wala ako sa wisyo na makipag-usap. Wala akong ganang makakita ng tao at tumanggap ng simpatya mula sa kanila.

“Tungkol ito kay Lola Maura,” aniya.

Pinagbuksan ko siya ng pinto. Umaasang maayos na balita ang maibibigay niya sa akin.

“Hanggang ngayon iyan parin ang hitsura mo?” Nagtataka naman niyang banggit sa akin. “Ayusin mo ang sarilli mo, Teresa. Kahit ang iyong ina ay hindi matutuwa kapag nakita ka niya sa ganiyang lagay.” Pagdaragdag pa nito.

“Kung sesermonan mo ako, pwede ka nang umalis.” Bulalas nito sa akin.

“Teresa, hindi ba’t nakita ko si Lola Maura kagabi?” Pagbabago nito sa usapan. “Sinubukan ko siyang sundan, ngunit kataka-takang nawala siya sa gitna ng dilim. Pawang nilamon siya ng puting-puti na usok.” Pagdaragdag na nito sa akin.

“Likha lamang ng utak mo ang mga sinasabi mo, Dencio. Pinagbibintangan mo lamang si Lola Maura dahil iyon na ang sinasabi ng utak mo,” tugon ko naman sa kaniya.
“Pinabubulaanan ng mga ebidensiya ang mga sinasabi mo sa kaniya.” Pagdaragdag ko pa.

Samantala, sa kalagitnaan ng pag-uusap namin ni Dencio, hindi inaasahang dumating si Aling Sianing.

“Teresa...”

“Teresa?” Pagtatawag nito.

Agad ko namang pinalabas si Dencio sa likod ng bahay upang doon makapag tago. Nang buksan ko ang pinto, dala ni Aling Sianing ang isang misteryosong papel.

“Anong sadya ninyo?” Sambit ko sa mababang boses.

Biglaan ang pagdating ni Aling Sianing sa hindi ko maintindihang dahilan kaya hindi mawala sa akin ang mabigla, ngunit nanatili na lamang akong tahimik.

“Alam kong, nagdadalamhati ka sa nangyari sa iyong Ina,” sambit nito. “Iyon ang dahilan kung bakit napasadya ako dito.” Pagdaragdag niya pa.
Mababasa mo sa mukha niya ang pakiki-simpatya sa nangyari at nararamdaman ko rin iyon.

“Diretsohin niyo na lamang po ako Aling Sianing. Ano pong sadya ninyo?” Pag-uulit ko sa kaniya.

Samantala, ibinigay niya sa akin ang papel.

“Iyan ang titulo ng mga natitira niyong lupa,” aniya. “Naglalaman din ang papel na iyan ng kasunduan na ibinibenta na ng iyong Ina ang lahat ng hayop niyo sa bukid sa akin sa naaayong halaga.” Pagdaragdag pa nito.

“P-po?”
Tanging salita na bumulalas sa bibig ko. Pirmado ang mga papeles at alam kong lehitimo ang lahat ng iyon.

“Teresa, maniwala ka man o sa hindi, tutol ako sa gustong mangyari ng Inay mo, pero may huling habilin siya sa akin.” Wika nito sa akin sabay hawak sa aking mga kamay.

“Teresa, lilipat ang pamilya namin sa Maynila. Doon narin kami maninirahan. Nais ng iyong Ina na isama ka na namin. Kapalit ng lahat ng ari-arian niyo, pag-aaralin kita at susuportahan sa lahat ng naisin mo.” Pagdaragdag pa ni Aling Sianing.

Nabigla ako sa lahat ng sinabi ni Aling Sianing. Isa lang ang ibig sabihin noon, may kutob na si Inay na nasa kapahamakan ang buhay ko, kaya‘t bago pa man ako ang mawala. Isinakripisyo na niya ang kaniyang sariling kapakanan.

“Iyon ang hiling ng Inay ko. Ang kaligtasan ko,”  bigkas ko, kahit walang nararamdaman na emosiyon.

“Kailangan mong magdesisyon, Teresa.” Aniya. “Bukas ang nakatakdang-araw ng aming pag alis. Ngayon palang ay mamaalam ka na sa mga kaibigan mo. Alam kong malapit ka kay Cynthia.” Pagdaragdag pa nito sa akin.

Mabilis na umalis si Aling Sianing sa bahay. Iniwan niya ang titulo at ang sinasabing kasunduan. Naiintindihan ko ang nais ipahiwatig ni Aling Sianing sa akin.

Tama siya. Kailangan narin siguro na lisanin ko ang isinumpang baryo na ito. Hindi na ito ligtas para sa amin, sa akin.

Nang makalayo si Aling Sianing, muling nagpakita si Dencio. Bakas sa mukha niya ang lungkot at pangamba.

“Tumuloy ka, Teresa. Maiintindihan ko,” sambit niya sa mahinahong boses.

Tama ba ang narinig ko?
Ang inaasahan ko ay siya ang kauna-unahang tututol sa pag alis ko. Kung mawawala na ako, wala na siyang magiging katuwang para malaman kung ano ang katotohanan sa kaliwa't kanang patayan.

“Paano ka?” Tugon ko sa kaniya.

“Kaya ko ang sarili ko, Teresa. Nararamdaman ko ring malapit na ako sa katotohanan,” paliwanag naman nito sa akin. “Mainam narin ang umalis ka, hindi ko kakayanin kung ikaw naman ang mawawala.” Pagdaragdag pa nito.

Nilapitan ko ito, pinagmasdan ang mukha niya, pansin ko ang gumigilid na luha sa kaniyang mga mata.

“Tatagan mo ang sarili mo, Dencio. Alam kong matapang ka. Pakiusap, alagaan mo ang sarilli mo. Alagaan mo rin si Cynthia.” Pagsu-sumamo ko kaniya.

“Magpapakita narin ako kay Cynthia. Palagay ko ay mauunawaan niya naman ang aking mga sasabihin,” aniya.

Napatungo naman ako, hinawakan ang mga kamay nito at nagwika, “Kilala ko si Cynthia, hindi siya nagtatanim ng galit sa taong mahalaga sa kaniya.”

“Baka hindi ko na maabutan pa si Cynthia bukas, Dencio. Ang totoo ay ayoko ring makita siya. Tiyak na magkakaroon ako ng dahilan para manatili sa baryong ito kung sakaling makikita ko siya. Ipabatid mo na lamang sa kaniya ang aking pagmamahal.” Pagdaragdag ko.

“Teresa, aalis na ako,” pamamaalam ni Dencio sa akin. “Ipangako mong aalagaan mo ang sarilli mo at babalik ka kapag nasa ayos na ang lahat.” aniya.

Sa huling pagkakataon ay mahigpit niya akong niyakap at hinawakan ang dalawang kamay ko.
Tila ayoko nang matapos pa ang mga oras na iyon. Iniisip ko si Cynthia.
Sana ay maging mabuti ang kalagayan niya sa aking tuluyang paglisan.

Habang pinagmamasdan si Dencio na umaalis tinawag ko ang pangalan niya sa mahinang boses.

“D-dencio...”

“Huwag kang papalinlang.” Huling bilin ko sa kaniya.

Ang Lihim ni Lola Maura [PUBLISHED] Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon