KABANATA XXII: Nasaan si Lola?

58 8 3
                                    

Enero, 1866

[Pananaw ni Cynthia]

Hindi ko alam, nitong nagdaang araw, nawawala ako sa sarili ko. Tanging si Lola Maura na lamang ang tumatakbo sa isip ko na pawang nag sasabing wala akong dapat pagkatiwalaan kung hindi ang sarili ko. Kung ano pa man ang mangyayaring masama sa ibang tao, labas na iyon sa kung ano ang kalagayan namin ng Lola Maura.

“Hindi ka pa ba uuwi, Dencio?” Bulalas ko kay Dencio na walang pagod na sumusunod sa akin mula sa kakahuyan hanggang sa makauwi. “Mukhang malakas ang magiging ulan. Aabutin ka.” Pagdaragdag ko pa.

“Hindi alintana sa akin, Cynthia,” tugon nito sa akin. “Ikaw talaga ang sadya ko, gusto ko lang naman sabihin na—”

“Humihingi ka ng patawad sa nangyari? Ayos na sa akin, Dencio. Hindi mo kailangang gawin iyan.” Pagpuputol ko naman sa mga sasabihin niya.

Ayoko nang marinig pa ang mga susunod niyang sasabihin. Pawang nawalan na rin ako ng tiwala sa kaniya buhat ng umalis siya at isawalang-bahala ang lahat ng pangako niyang mananatili siya.

“Hindi lang iyon ang ipinunta ko rito, Cynthia,” aniya. “Umalis na si Teresa ng nayon at hindi alam kung may kasiguraduhan ang kaniyang pagbabalik.” Pagdaragdag pa nito.

Bahagya naman akong napatigil sa mga nasabi niya.

“Hindi magagawa ni Teresa ang umalis at iwan ako,” bigkas ko naman sa kaniya. “Imposible.”

“Hindi mo ba nabalitaang nawawala ang kaniyang ina?” Tugon naman nito sa akin.

Pinagmasdan ko naman si Lola Maura ng malaman ito. Nabasa ko sa hitsura ng matanda ang pangamba.

“H-hindi pa ba nakikita si Rosy?” Wika ni Lola Maura. “Hanggat walang bangkay na nakikita, nasisiguro kong buhay pa siya.” Pagdaragdag pa niyo sabay tayo mula sa kaniyang tungga-tungga.

Hindi pa man kami nagtatagal sa pagpupulong, sunod-sunod na tama ng maliliit na bato naman ang bumulabog sa amin mula sa labas ng tarangkahan.

“Bakit ang daming tao sa labas?” Wika ni Dencio na siyang malapit sa pinto ng bahay. “Anong mayroon?” Pagdaragdag pa nito.

“Ilabas niyo ang matandang iyan!”
“Salot!”
“Labas!”

Palahaw ng mga ito sa labas. Gustuhin man naming kausapin ang mga tao, nangangamba parin kami sa maaaring mangyari. Galit na galit ang mga ito at hindi namin mawari kung ano ang kasukdulan ng kanilang galit.

“Lola, sa loob ka nalang muna ng silid. Kami na ang bahala ni Cynthia.”   nag-aalalang bigkas ni Dencio kay Lola at agad na inalalayan ang matanda patungo sa kwarto nito.

Lumabas kami ng bahay at agad na hinarap ang mga tao. Takot at pangamba ang nangingibabaw sa akin, ngunit kasama ko naman si Dencio, sa tingin ko’y magiging maayos ang lahat.

“Ano po bang ipinunta ninyo rito at galit na galit pa kayo?” Walang prenong pagtatanong ko sa kanila.

“Ilabas mo Cynthia ang Lola mo!” Agad na bulalas ni Mang Gimo na siyang nangunguna sa kanila.

“Mang Gimo, ano bang kahibangan ito? Anong kailangan niyo sa Lola ko?” Agad ko namang tugon kay Mang Gimo habang tila isa-isang pinagmamasdan ang lipon ng tao.

“Marahil ang Lola Maura mo ang utak sa lahat ng mga kamalasan sa baryo na ito, Cynthia,” aniya. “Wala ka nang maitatago pa sa amin, napag-alaman naming galing sa pamilya ng kulto si Lola Maura.” Pagdaragdag pa nito.

“Iyon na ba ang basehan ninyo, Mang Gimo?” Bulalas ni Dencio sa harapan ni Mang Gimo. “Amoy na amoy parin namin ang alak sa inyo. Paano namin kayo paniniwalaan at pagtitiwalaan?”

“Dencio, huwag kang magpabulag sa mag-lolang iyan, anong malay namin na nakipagkasundo na pala ang mga iyan sa demonyo,” mariing bintang ni Mang Gimo. “Hindi ka ba nagtataka, Dencio? Sa lahat ng tao rito sa nayon, ang mag-lola lamang ang natitirang pamilya na hindi manlang ginambala ng diyablong hanggang ngayon hindi natin matukoy?” Pagdaragdag pa nito.

“Mang Gimo, pasensya ka na. Ngunit lumaki akong kasama ang mag-lola. Hindi sumagi sa isip ko na kayang gawin ni Lola ang bagay na ipinaparatang mo,” tugon ni Dencio sa kanila.

“Bakit hindi siya ang iharap mo sa amin?” Patuloy na pamimilit ni Mang Gimo.

Nagkatitigan na lamang kami ni Dencio. Hindi namin alam kung paano ipapaliwanag sa kanila na ang lahat ng kanilang paratang ay hindi tama at pawang kasinungalingan lamang.

“Wala kaming dapat pang patunayan sa inyong lahat, lalo na sa inyo Mang Gimo. Alam naman namin na hindi parin tapos ang inyong pagluluksa sa pagkawala ng anak niyong si Asunta. Kaya kung maaari lamang sana ay huwag niyo nang gambalain ang matiwasay naming pamumuhay. Maaari na kayong umalis.” Natatangi kong paliwanag sa kanila.

Lumingos ako at agad na tumungo sa direksiyon na nakatuon sa loob ng bahay. Iniisip ko na sana ay naging malinaw sa kanila ang mga sinabi ko. Lalo akong naguluhan sa mga sinabi ni Mang Gimo.

Samantala, naiwan naman sa labas si Dencio, pinipilit na ipaunawa sa mga tao ang mga pangyayari. Napakabilis na nabilog ni Mang Gimo ang ulo ng taong-bayan ukol sa mga paratang nito. Ang mas lalong ipinagtaka ko ay saan naman galing ang impormasiyon niya.

Nang lingusin kong muli si Dencio, sumaktong nakatingin ito sa akin, bahagyang ngumiti ang binata kasabay ng pangungusap ng mga mata nito.

Talagang napakatapang ni Dencio, bumabawi ba talaga siya sa amin ni Lola Maura? O talagang may ninanais siyang kakaiba? Isa lang ang sigurado sa ngayon, gusto kong nakikita siya at masaya na muli ako sa pagbabalik niya.

Sa kalagitnaan ng aking pantasiya, bumulabog sa buong bahay ang isang napakalakas na kalabog. Na pawang may bumagsak na kung ano. Dali-dali naman akong pumasok sa loob ng kwarto ni Lola Maura kung saan nagmula ang malakas na tunog.

Nang buksan ko ang pintuan ng kaniyang silid, ang magugulong gamit ni Lola, basag na lampara at tanging nagkalat na puting tela ang makikita mo sa buong silid.

Ngunit nasaan...

Nasaan si Lola Maura? Kataka-taka.

Ang Lihim ni Lola Maura [PUBLISHED] Where stories live. Discover now