"Sorry naman. Para kasing mawawalan ako ng ulirat sa sinabi mo. Seryoso ka ba talaga diyan?" eksaheradang bulalas niya.

Alanganing tumango ako. "Iyon ang dahilan kaya nakipaghiwalay ako sa kanya, Ate. Pero hindi ko naman akalain na mabubuntis ako."

"Aba, anong klaseng lalaki siya? Ikaw ang inasal pero sa iba siya magpapakasal? Gago ba siya?"

Napangiwi ako.

"Ate naman. Hindi siya masamang tao. Ang totoo niyan ayaw niyang maghiwalay kami. Ako lang ang nakipagkalas sa kanya nang sapilitan."

Naguguluhang sinablubong niya ako ng tingin. 

"Pero paanong may nangyari sa inyo gayong may fiancée pala siya?"

Umiling-iling ako. "Masyadong komplikado ang sitwasyon, Ate. Saka ko na ipapaliwanag. Pero tinitiyak ko sa 'yong hindi siya masamang tao."

Tila pagod na sumandal si ate sa sofa saka hinilot ang sentido niya.

"Hay naku! Hindi ko na alam ang gagawin ko sa 'yo, Divine. Kailangan ko munang kumalma!"

Niragasa ako ng konsensya. Kawawa naman ang pinsan ko. Nadamay pa sa problema ko. Ayaw kong magsinungaling kay Ate Angelica kaya sinabi ko ang maliit na detalye tungkol kay Puppy. Pero hinding-hindi ko sasabihin ang pangalan niya sa kanya.

"Huwag kang mag-aalala, Ate, alam ko ang ginagawa ko."

Umismid siya habang nakapikit ang kanyang mga mata.

Hinayaan ko na lang muna siya. Kumuha ako ng tinidor para kainin ang baked mac na dala niya. Medyo mainit pa kasi kaya tamang-tama.

"Kung balak mong maging single mom habang buhay, puwes manghingi ka kahit sustento man lang. Kapag malaman nina Tiyang Solome ang sitwasyon mo, ewan ko na lang sa 'yo."

"Kaya nga 'wag mo munang ipaalam hangga't hindi pa ako nakakapanganak, ate."

Nagmulat siya at sinamaan ako ng tingin.

"Ginawa mo naman akong sinungaling. Sa tingin mo ba ay hindi nila ako pagagalitan na pinagtakpan kita? Tiyak na araw-araw akong magbabanlaw sa kasasabon nila sa akin. Alam mo naman ang magkapatid na 'yon, parang mga machine gun ang bunganga," aniya na ang tinutukoy ay ang mga nanay namin.

Ngumisi lang ako. Tama naman kasi siya.

"Huwag kang mag-alala kay Nanay, iniiwasan pa niyang tumawag sa akin kasi ayaw niyang usisain ko siya tungkol sa aso ko."

Mahigit dalawang buwan na ang nakalilipas pero hindi pa rin nahahanap si Bambi kaya sumuko na lang sila. Hanggang ngayon ay hindi ko pa rin matanggap na nawala siya. Pero nakakahinga naman ako nang maluwag dahil wala pa naman daw silang nababalitaang namatay na aso. Sana lang talaga may nakatagpo kay Bambi at inalagaan siya. Pero hindi ko maiwasang malungkot nang sobra sa tuwing naaalala ko siya. Si Bambi pa naman ang naging karamay ko sa lahat ng pinagdaanan ko noon.

Hindi ko man lang matutupad ang pangako ko kay Bambi na babalikan ko siya after 3 months.

Malalim akong bumuntonghininga. Pansin ko namang pinagmamasdan ni Ate Angelica ang bawat galaw ko.

"Ano ba kasi talaga ang pangalan ng ex mo? Bakit ba ayaw mong sabihin sa 'kin? Hindi ko naman ikukuwento sa iba."

Hindi ko sinagot si ate. Alam ko naman pasimple lang siyang kumukuha ng info para mahanap si Puppy.

"Makilala mo rin siya, 'te. Huwag kang magmadali."

"Kailan pa? Kapag lumaki na 'yang pamangkin ko? Hindi ako uupo sa tabi lang at walang gagawin, 'no. Hindi ako makapapayag na aakuin mong mag-isa ang pagpapalaki sa batang 'yan," aniya sabay tayo para magpunta sa kusina.

Against the WindWhere stories live. Discover now