CHAPTER 4

20.4K 932 403
                                    

Gaston

MALAYO pa lang kitang-kita ko na ang pagtatlong linya ng noo ng best friend kong si Zia Lynn. Tingin ko nagmisa na naman ang Papa niya bago siya pinayagang umalis ng bahay nila. Minsan talaga hindi ko maintindihan ang level ng pagkaistrikto ni Tito Rosendo, para namang mag-a-abroad ang anak niya kapag umaalis ng bahay nila. Kaya hindi ko madalas nakakasama sa mga lakad ko si Zia, eh, kasi lagi siyang hindi pinapayagan. Ngayon nga lang na gagawa kami ng group presentation mukhang katakot-takot na paalam pa ang ginawa ng BFF ko.

Hay, tingin ko talaga walang social life si Tito noong kabataan niya. Gumaganti sa mga anak niya, eh. Buti na lang talaga hindi gano'n kaistrikto ang Nanay at Tatay ko. Kung hindi nila ako papayagan, hindi rin ako maghuhugas ng mga pinggan para quits lang.

"Ang alam ko malayo pa ang undas, ah. Ano 'yan? Advance celebration?" untag ko nang makalapit na siya sa kinauupuan ko. Nandito kami sa kubo malapit sa bahay namin. Mas tahimik kasi rito kaya dito namin naisipang gawin ang power point presentation namin para bukas. May dala akong laptop, ibinili ako ni Tiyang Sol bago mag-enrolment sa college, para daw may gamitin ako sa mga research project ko.

Padarag na naupo si Zia sa pahabang upuan na nasa kabila ng lamesa. "Hay naku, si Papa pinaghinalaan pa akong may boyfriend at kikitain ko raw. Ayaw niyang maniwala na ikaw ang pupuntahan ko."

Natawa ako nang ngumuso siya. Maganda kasi ang best friend ko at ligawin ng mga boys, kaya hindi ko rin masisisi si Tito Rosendo kung higpitan siya. Sa school nga maraming pumuporma sa kanya pero ni isa ay wala siyang pinansin. Marami-rami rin naman ang pumuporma sa akin pero hindi ko na binilang, baka malula ako. Isa pa, nakalaan na ang puso ko para sa iisang lalaki lang, 'no.

"Ano, nasimulan mo na ba?" tanong niya sa akin.

Napakamot ako sa ulo sabay ngiti nang alanganin. "Saan ko naman kukunin ang ilalagay ko sa mga power point slides? Eh, na sa 'yo ang libro."

Napatampal siya sa noo. "Oo nga pala, pero 'di ba may libro ka rin?"

"Wala akong maintindihan, eh."

Napasimangot siya sa isinagot ko. Wala naman kasi talaga akong ma-gets. Nag-assign kasi ng topic ang professor namin sa Social Science. Hindi ko pa naman bet ang topic.

"Alam mo minsan gusto ko na talagang isipin na napilitan ka lang sa course natin," puna niya.

Napangiwi ako habang inilalapit sa kanya ang laptop para siya na ang gumawa. "Hindi, ah. Masaya naman ako sa BEED. Excited nga akong magturo sa mga bata someday."

"In fairness, halata sa mukha mong masaya ka nga," sarkastikong sabi niya. Napalabi ako.

Sa totoo lang Tourism Management sana ang gusto kong kunin. Gusto ko kasing maging flight attendant para makapunta ako sa ibang bansa. Pero walang gano'ng kurso sa state university na pinapasukan namin. Mayroon namang gano'n sa ibang eskuwelahan kaya lang private school, at nakakahiya naman kay Tiyang Sol, baka maubos ang ipon niya sa kagagastos sa akin. Mahal daw 'yong kurso na 'yon, eh. Siya na nga ang nagbabayad ng mga miscellaneous ko. Siya pa bumili ng mga uniform at libro ko. Hindi naman kasi subsidized ng government 'yong mga gano'n, tuition lang talaga ang libre sa akin. Siya rin nagbibigay ng allowance ko. Second choice ko naman talaga ang BEED. Buti na lang sana kung katulad ako ni Zia na matalino, may scholarship kasi siya.

Pangarap ko talagang makapunta ng ibang bansa, lalo na sa U.S. Gusto kong maka-experience ng snow. At saka gusto kong makita ang crush ko. Kailan kaya sila babalik?

Nangalumbaba ako sa lamesang gawa sa kawayan. Wala naman na yatang balak bumalik sina Señorito Gaston dito.

Tatlong taon na magmula nang bumalik sila sa Amerika pero hanggang ngayon wala pa rin akong balita kung kailan sila uuwi dito sa Pilipinas. Minsan naiisip kong baka nga nakalimutan na nila ako. Sinungaling din 'yong payatot na Timothy na 'yon. Irereto ko na lang talaga sa iba si Zia para wala na siyang babalikan.

Against the WindTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon