Hinalikan niya ulit ako sa noo.

"I love you."

"I love you too, Puppy! Ingat ka."

Napangiti siya dahil sa sinabi ko. Tinanaw ko na lang siya habang palabas ng pinto. Paatras pa nga siya habang palabas.

Napabuntonghininga ako nang mawala na siya sa paningin ko. Hindi ko alam kung papaano ko palilipasin ang limang araw nang hindi ko siya nakikita at nahahawakan.

Ganito pala ang pakiramdam kapag nalalayo ka sa mahal mo. Ngayon ay naiintindihan ko na kung bakit sobrang makulit si Zia Lynn noong nagkalayo sila ni Timothy. Halos araw-araw niya akong kinukulit no'n kung may balita na kay Payatot.

Hindi na lang ako bumalik sa pagtulog dahil nawala na ang antok ko. Kaya naisipan ko na lang na magluto. Siyempre 'yong basic lang ang niluto para sa almusal. Pagkatapos ay naligo na ako bago bumaba ulit para kumain.

Alas siyete pa lang ay nasa office na ako. Maliban sa mga guard ay walang katao-tao. Usually kasi 7:45 ng umaga silang lahat dumadating.

Pumasok ako sa office ni Puppy. Nakaramdam ako ng ginhawa dahil pakiramdam ko ay naiwan ang amoy niya rito. Kinuha ko ang mga folder na may lamang disbursement vouchers. Napirmahan niya na yata kagabi dahil sumaglit pa siya rito. Napaka-workaholic talaga ni Puppy. Kabaliktaran ko na chill-chill lang sa buhay.

Sinilip ko ang cellphone ko pagkalabas ko ng opisina niya. Pero wala pang text. Ayaw ko namang pangunahan siya dahil baka nasa biyahe pa siya. O baka nga nasa ere pa siya. Hihintayin ko na lang na mag-text siya.

Nang dumating na si Vanessa ay napuno ng boses niya ang buong floor. Lahat kasi ng staff ay nasa ibaba. Kami lang dito sa itaas, kasama si Sir Joefel.

"Good morning, Madam Divine!" nakangising bati niya sa 'kin.

Kapag wala si Puppy ay tinatawag nila akong madam. Lagi nila akong tinutukso at inuusisa tungkol sa amin ni Puppy. Tinanguan ko lang si Vanessa saka itinuon ang pansin kay Sir Joefel na nakasunod sa kanya.

"Good morning, Sir Joefel!"

"Good morning, Divine. Nakaalis na ba siya?" aniya na ang tinutukoy ay si Puppy Gaston.

"Opo, kanina pang alas-singko ng umaga."

"Ah, kaya pala parang pasan mo ang daigdig," banat ni Vanessa.

Nanguso ako. Nakita kong pinandilatan ni Sir Joefel si Vanessa.

"Kinakabahan ka, 'no? Na baka may makitang chicks si Sir Gaston sa Maynila. Sa gandang lalaki ba naman niya, hindi malayong marami kang kaagaw. Baka pagkauwi no'n ay may dala siyang—"

"Vanessa, stop it. Tanga lang ang lalaking pakakawalan pa si Divine," pagtatanggol ni Sir Joefel habang nakatitig sa akin.

Napaiwas ako ng tingin dahil bigla akong kinabahan sa sinabi ni Vanessa. Ngayon ko lang kasi napagtanto kung gaano kalaki ang mundong ginagalawan ni Puppy Gaston.

"Joke lang, girl. Huwag kang mag-alala, kapag ikaw niloko pa ni Sir Gaston, magre-resign ako para support sa 'yo," ani Vanessa sabay kindat.

Napairap ako. As if naman papayag akong maloko. Isa pa, hindi naman gano'n ang pagkakakilala ko kay Puppy Gaston. Kasi kung hindi niya talaga ako mahal, bakit niya pa ako hihintay, 'di ba?

Itinutok ko na lang ang atensyon ko sa trabaho para makalimutan ko ang mga agam-agam sa isip ko. Panay pa rin ang silip ko sa cellphone, sakaling tumawag si Puppy. Pero buong araw siyang hindi nagparamdam.

Mabibigat ang mga hakbang ko habang pabalik sa unit kinahapunan. Ipinagluto ko muna ng pagkain si Bambi pagkatapos kong maglinis ng katawan. Pati ang aso ay tahimik, hindi siya kumakahol. Mukhang nalulungkot din siya na wala si Puppy Gaston.

Against the WindTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon