Part 2

716 49 2
                                    

"WILL you marry me?" Jaypee proposed.

May ilang sandali na nakatingin lang si Ella sa kasintahan. Ang totoo ay hindi naman siya masyadong nagulat. Somehow, mula kaninang umaga na banggitin sa kanya ni Jaypee ang tungkol sa dinner nila ay malakas na ang kutob niya na tungkol sa bagay na iyon ang dahilan ng imbitasyon nito.

Ang marriage proposal ang sinasabi nitong sorpresa sa kanya. And with matching solitaire diamond engagement ring, it was a surprise indeed. Pareho lang sila ni Jaypee ng katayuan sa buhay na kailangan pang kumayod at magsumikap nang husto. Nangangahulugan na pinag-ipunan nito nang husto ang halaga ng singsing.

A while ago, he slid the ring to her finger. It was a perfect fit at aaminin niyang nagustuhan niya. Sa tingin niya ay bagay na bagay iyon sa kanyang daliri. At mula sa singsing ay nag-angat ang kanyang paningin kay Jaypee. When their eyes met, noon nito inusal ang gasgas na linyang: "Will you marry me?"

"Ano ka ba?" Pabiro ang mahinang tinig ni Jaypee. Alam niya, may bahid ng pagtatampo ang tono nito. "Parang ayaw mong mag-react."

Matipid siyang ngumiti. "Ang nipis mo naman," wika niya dito. "Saka huwag kang OA. Ikaw na nga ang maysabing no choice na tayo, so bakit pa ako tatanggi?"

Nagliwanag naman ang anyo nito. "Hay, salamat! Napanerbyos mo ako, akala mo. Nagsisimula na nga akong magduda sa nabasa ko sa isang article ng magazine natin. It said, hindi pa rin kumukupas ang epekto ng traditional marriage proposal no matter kahit gaano na kagasgas ang linyang iyon."

"So, that's it?" nagpipigil ng tawang sabi niya. "Kaya nag-dinner pa tayo dito at bumili ka ng singsing?"

"Hindi naman sa ganoon. Siyempre gusto ko ring maging memorable ang proposal ko sa iyo. After all, you're not just going to be my wife. We're best of friends."

She rolled her eyes at pagkatapos ay sumeryoso ang anyo. "I appreciate everything, Jaypee. Thank you."

"Thank you lang?" tudyo nito at pinatulis ang nguso.

"Stop it!" mahinang saway niya dito. "Huwag kang ganyan. Nakakahiya sa ibang naririto."

"Pakialam natin sa kanila?" he said carelessly. "Hindi ba't tama lang na sealed with a kiss ang isang engagement?"

"Yeah. But I have something wilder in mind." At misteryoso siyang ngumiti.

"Wilder?" ulit ni Jaypee. "Tama ba ang dinig ko, Drizella? How wilder is it?"

Nakatawang inirapan niya ito. "Binigyan ako ni Ma'am Maia ng trip for two to Boracay. All-expense paid. At hinihintay lang niya na magpasa tayo ng VL."

"Bakit hindi mo sinabi agad? Sana kanina pa lang, nagpasa na tayo. Sana hindi na tayo nag-dinner dito. I would make my proposal there at nakatipid pa ako."

Mangani-nganing batukan niya ito. "Kuripot ka talaga!"

"No. Practical lang," depensa nito.



"SIGURADO ka na ba, Ella?" tila manghang-manghang wika sa kanya ni Jessilyn. Ka-share niya sa apartment ang dalaga. Kasamahan niya ito sa dati niyang trabaho at naging kaibigan na rin niya.

Mula nang tumuntong siya sa college ay mag-isa na siyang namumuhay. Naulila siya sa ina noong elementary pa lang siya. After graduation niya noong grade six ay nag-asawa uli ang kanyang ama.

Her Tita Imelda was nice to her subalit dama niya na may pader sa pagitan nila simula't sapul. At napatunayan pa niya iyon nang mag-aaral na siya sa college at ipilit nito sa kanyang papa na sa Maynila siya pag-aralin. Kung ang papa niya ang masusunod, sa Davao siya pag-aaralin nito. May mga eskuwelahan din naman doon na mataas ang standard subalit nakumbinse ito ng Tita Imelda niya na sa Maynila siya ipadala.

Natutuhan niyang tumindig sa sarili niyang mga paa mula nang masalta siya sa Maynila. Kailangan sapagkat tila nawalan na rin siya ng pamilya mula nang mapahiwalay siya sa mga ito. Bihira ang komunikasyon nila. At kahit ang mismong papa niya ay dama niyang naging malamig sa kanya mula nang mapalayo siya. Tila sapat na rito ang mapadalhan siya ng perang panggastos niya sa pag-aaral.

Alam niya, nasalin na nang husto sa bagong pamilya ang atensyon nito. Dalawa ang naging kapatid niya sa asawang kauli nito.

At ngayon na inalok siya ni Jaypee ng kasal ay hindi man lang sumagi sa isip niya na konsultahin ang pamilya bago tinanggap ang alok ng kasintahan. Bakit pa, gayong tila wala namang pakialam sa kanya ang mga ito. Hindi siya dinadalaw sa Maynila at hindi rin naman siya naalalang iimbitahin kung anumang okasyon mayroon sa mga ito. Minsan pa lang silang nagkita ng papa niya mula nang lumuwas siya sa Maynila. Noong college graduation niya. At nagmamadali pa ito sapagkat recognition day naman daw ng isang kapatid niya at ito ang kasamang aakyat ng entablado upang magsabit ng medalya. Malamang, iimbitahin na lamang niya ang mga ito kapag may definite date na ang kanilang kasal.

Tumingin siya kay Jessilyn at nagpasyang mabuti pa na ituon na lang niya ang isip sa kasalukuyan kaysa alalahanin pa niya ang pamilya na malayo naman sa kanya.

"Bakit naman hindi? Saan pa ba kami papunta ni Jaypee kung hindi doon din? I don't see any point para tanggihan ko ang alok niya."

"Marriage is a serious thing. Sabi nga ng matatanda, hindi parang—"

"Kanin na isusubo at iluluwa kapag napaso," agaw na niya sasabihin nito at pagkatapos ay bumuntunghininga. "Kasing-gasgas na iyan ng linya ni Jaypee nang mag-propose kanina."

"But it's still true," pilit pa nito. "Bakit sumagot ka kaagad? Sana nanghingi ka muna ng kaunting time. Don't you think you need a long soul searching? Iba naman kasi iyong nagwo-work ngayon ang relasyon ninyo ni Jaypee doon sa talagang magiging mag-asawa na kayo. Siyempre, right now, mag-boyfriend pa lang kayo. Iyong mga differences ninyo, kung hindi man napagtitiisan, napapalampas ninyo. Pero kapag kasal na kayo, do you think it would be the same?"

Iniarko lang niya ang kilay. "You know, Jess, kapag ganyan ang naririnig ko sa iyo, hindi ko masyadong nami-miss ang mama ko. Kung nabubuhay siya, ganyan din siguro ang sasabihin sa akin."

"I'm not telling you what to do. I'm just giving you some things to think about," wika nito.

"Kung iniisip mong magpapakasal na kami bukas, hindi pa naman. Wala pang definite date. Kung mayroon mang definite date, iyong pagpunta namin sa Boracay. Pareho kaming excited na magbakasyon doon."

Ngunit sa narinig ay tila lalo nang na-shocked si Jessilyn. "Ano ang gagawin ninyo doon, advance honeymoon?"

Napabunghalit siya ng tawa. "Kung magsalita ka naman, parang panahon pa tayo ngayon ni Maria Clara. Jess, if we want to indulge ourselves in pre-marital sex, hindi na kailangang lumayo pa."

"Kahit na. Malaki ang nagagawa ng ibang paligid. Hindi ako nanghihimasok but—"

"Actually, Jess, bukas naman ang mga mata ko sa bagay na iyan. In fact, I don't think maghihintay pa ako ng wedding night namin ni Jaypee para gawin iyan. Ang gusto ko lang, kapag nangyari iyon, hindi iyong planado or scripted. Iyon bang parang sa mga romance book, iyong bigla na lang na-realize nila na ginagawa na pala nila."

Tumikwas ang sulok ng labi nito. "May romantic bone ka pala. How come na hindi ko iyon nakikita kapag magkasama kayo ni Jaypee?"

"Iba naman kami. We started as friends, kagaya ng nakikita mo. Long before na maging magkasintahan kami, sobrang komportable na kami sa isa't isa. Iyong pagbabakasyon namin sa Boracay, parang lakad lang ng barkada. But of course, hindi rin naman namin isinasantabi iyong possibility na may mangyari nga eventually. Hindi namin pinag-uusapan ang tungkol doon pero I know, ganoon din ang nasa isip niya. Besides, we're both consenting adults."

Bumuntunghininga si Jessilyn. "Bahala ka na nga. Pero sana, mag-isip ka munang mabuti. And don't forget to ask for God's guidance. Manghingi ka ng sign kung talagang kayo na nga sa isa't isa."

Na-touched naman siya sa huling tinuran nito. "Yes naman. Thanks!"

--- itutuloy ---

Maraming salamat sa pagbabasa.

Facebook Page : JasmineEsperanzaAuthor

Booklat | Dreame : Jasmine Esperanza

Instagram | Twitter | Tumblr : jasmineeauthor

My Shopee Shop : MicaMixOnlineDeals

Places & Souvenirs - BORACAY 4 - Passion And DestinyDonde viven las historias. Descúbrelo ahora