Chapter 3: No To Kuya

102 6 4
                                    

Hindi ko alam pero nang mga sumunod na linggo pagkatapos ng panunukso ng mga kababata ko sa basketball court ay binihisan na lang ako ni Mama Dorina ng isang napakagandang bestida na lavender, ang kulay na paborito ko, saka pinaresan ng puting sapatos na bago rin. Napangiti siya sa 'kin pagkasuot niyon at pinisil ang aking ilong.

"Pagkaguwapa jud sa akong anak uy! (Ang ganda talaga ng anak ko!)" puri sa 'kin ni Mama saka nilagyan pa ako ng baby cologne sa leeg.

Siyempre napangiti ako. Dahil wala nga akong ama at wala ring pamilya si Mama, siya lang ang nagsasabi sa 'kin niyon.

"Talaga, Ma? 'Di ba ang pangit ko dahil may maliit akong nunal sa tungki ng ilong ko? Parang lagi akong may dumi sa ilong, eh." Bumusangot pa ako.

Napatawa siya. "Uy, hindi, ah! Ang cute mo nga, Det anak. Mestiza ka at isipin mo na lang na parang freckle 'yang nunal mo. Medyo brown pa nga, eh. Hindi naman 'yan ang tipong tutubo, eh."

Pagkatapos ay hinalikan niya ako sa dalawang pisngi at napasulyap ako sa suot niyang isang magandang bestida rin, kulay pula na siyang paborito naman niya. Wala iyong manggas kaya litaw ang magandang kutis ni Mama.

Habang isinusuot niya ang itim na sandals na may malaking takong, napatingala ako sa kanya. "Siyanga pala, Mama, saan tayo pupunta? Kasisimba lang natin kahapon, 'di ba?"

"Ah, oo, pero may pupuntahan tayo, Det anak."

Hindi niya sinabi sa 'kin kung saan pero namangha na lang ako nang sinundo kami ng isang magarang kotse kaya napatingin sa 'min ang lahat ng kapitbahay.

Dumating kami roon sa destinasyon namin ilang minute ang lumipas. Isa iyong mansion na may tatlong palapag, malapit sa dagat. Sobrang lawak ng lawn na malinaw na inalagaan ang napakaberdeng damo. May mga tanim na bulaklak na iba't iba ang kulay. Nakapormang half-moon. Tanging kilala kong nandoon ay rosas. Tumakbo ako roon para amuyin ito.

"Det! Halika! Huwag mong galawin 'yan at baka matinik ka pa o kaya'y pagagalitan ka ng may-ari, sige ka!" pananakot ni Mama sa 'kin.

"Aray!" Dumugo ang maliit kong daliri nang mahagip ang tinik ng rosas.

Agad akong dinaluhan ni Mama. "Ayan tuloy. Hindi ka kasi nakinig, eh!" Kinuha niya ang panyo at saka pinadugo ang sugat ko hanggang sa wala nang lumabas.

Samantalang iginala ko ang paningin ko sa hardin. Sa bandang kaliwa nito ay naroon ang isang malaking swimming pool na hugis na oval, may mga mahahabang upuan na puwedeng higaan. Mukhang mas mamahalin iyon kaysa luma na naming sofa sa bahay.

May nakita akong isang batang lalaki na lumalangoy roon pero mukhang hindi kami napansin. Hindi ko na lang din siya pinansin. Siya lang ba marunong?

Nalulula talaga ako sa laki ng nasasakupan ng mansion. May mga punong-kahoy akong nakita, malapit sa napakataas na pader na gawa sa semento at may mga basag na mga piraso ng bote ng softdrinks na nakalagay sa tuktok. Napansin ko rin ang ilang mamahaling sasakyan doon sa may garahe, maraming metro ang layo mula sa pool.

Hindi kami nagtagal doon sa lawn at sinalubong kami ng isang matandang lalaki na Amerikano na malaki ang ngiti sa amin ni Mama.

"Dorina, my sweet!" Niyakap niya pagkahalik kay Mama sa labi na ikinagulat ko. "I should've picked you up myself."

"Ayos lang. Mabait naman ang driver mo, my sweet," ang tugon ni Mama sa lalaki na nakangiti nang matamis. "Heto nga pala si Det. Diletta ang buo niyang pangalan."

"Oh, it's great to finally meet you, Det!" Bahagya siyang dumukwang para magkalebel ang paningin namin. Halatang nakakaintindi siya ng Bisaya. "I'm Mr. Greg Moore."

Mantovani Maids: DilettaWhere stories live. Discover now