Chapter 4: The Falling-Out

10 3 1
                                    

"Pagod na pagod na ko, Cynthia." ang sumisigaw na boses agad ni Papa ang narinig ko pagtapak na pagtapak ko pa lang sa bahay namin. Siguro akala nila mamaya pa ako makakauwi. Akala siguro nila walang ibang tao sa bahay kaya nagtatalo na naman silang dalawa. "Sawang-sawa na ko sa iyo."

"Sa tingin mo ba hindi ako napapagod, Vergel? Puro sarili mo lang kasi ang iniintindi mo. Palibhasa nandyan ang anak mo kaya kahit hindi mo makita ang anak ko, okay lang."

"Naririnig mo ba ang sarili mo?" nakita ko kung paanong inirapan ni mama si papa. Hindi nito iniintindi ang paliwanag ni Papa. Itinutok nito ang paningin sa kuko nito at sinipat ang mga daliri. "Cynthia, anak ko rin si Mildred. Inaanak ko siya. Anak ko rin ang batang 'yon bago tayo lumayo. Sa tingin mo ba gusto kong magpakahirap na hanapin 'yong batang 'yon para lang sa iyo? Ginagawa ko rin ito para sa akin at para kay Ollie. Kailangan ng anak ko ang kapatid niya."

"Anak mo na naman? Si Ollie na naman? Vergel! Ikaw ba ang hindi nakakaintindi? Anak ko ang gusto ko hindi ang anak mo."

Kung talagang gusto mong makita si Ate Millie, bakit mo siya inilalayo sa amin? Hindi ko napigilan ang sarili kong mapaismid sa mga naririnig ko.

Mula noong nakaraang buwan, nang makilala namin ni Ate Millie ang isa't-isa, ay hindi na naputol pa ang ugnayan namin magkapatid. Patuloy ang komunikasyon namin sa isa't-isa at tulad ng ipinangako ko kay ate, hindi ito nakarating sa mga magulang namin. Lalo na kay Mama.

Sa totoo lang, natatakot ako sa maaaring gawin ni mama oras na malaman niya na nagkita at nagkakilala na kaming magkapatid. Aaminin ko, iba si Cynthia. Hindi ko kayang isipin kung ano ang natakbo sa utak niya. Masyado siyang tuso. Napakagaling niyang magpanggap tuwing nandyan si papa. Alam kong oras na malaman niya ang ugnayan namin ni Ate Millie ay ilalayo niya na naman sa amin si ate. Kaya ngayon pa lang ay gumagawa na ako ng paraan para unti-unting ipaalam kay Papa ang totoo. Kailangan masigurado kong maiuuwi ko ang ate sa bahay na ito bago pa malaman ni Cynthia ang lahat.

"Anak mo siya, Cynthia. Mag-asawa tayo."

"Anak mo, Vergel. Anak mo sa una mong asawa! Anak mo lang. Kahit kailan ay hindi ko magiging anak ang ampon mo." Kahit hindi ko nakikita ang sarili ko at ang reaksyon ko sa mga naririnig ko, alam kong nakalarawan ang sakit sa mga mukha ko. Natural naman siguro kahit papaano na masaktan ako sa mga iyon. Si Cynthia ang kinalakihan kong ina. Hindi man sa dugo, hindi man sa papel, siya pa rin ang nag-aruga sa akin habang lumalaki ako. Sa sarili niyang paraan, naging tunay na ina naman siya sa akin.

"Hindi ampon ang anak ko!"

"Kahit anong gawin mo, ampon lang ang anak mo. Ampon lang, Vergel! Dahil may problema ka. Dahil baog ka!"

Napasiksik ako sa pinagtataguan ko ng marinig ang malakas na kalabog hindi kalayuan sa pinagtataguan ko. Marahan akong sumilip para tignan kung anong nangyayari sa mga magulang ko. Nakita ko si mama na nakabagsak sa sahig habang hinihimas-himas ang kanang pisngi. "Hayop ka! Hayop ka, Vergel! Anong karapatan mong saktan ako?"

"Anong karapatan mo, Cynthia? Anong karapatan mong bastusin ako at ang anak ko sa sarili naming pamamahay?" nanginginig na sabi ni Papa. Pulang-pula ang mukha niya sa tindi marahil ng nadaramang galit. Kitang-kita ang mga ugat niya sa leeg pati na rin sa braso. Nakakuyom ang kamao na tila anumang oras ay handa muling saktan at sugurin si mama. "Minahal kita, Cynthia. Trinato kitang tunay kong asawa. Lahat ibinigay ko sa iyo, tapos ito ang igaganti mo sa akin? Babastusin mo ko at wawalanghiyain mo ang anak ko?"

Never The Love Of HersWhere stories live. Discover now