Chapter 45: AMANG SUBA

Start from the beginning
                                    

"Sa napipintong digmaan ng mga elemental at selestyal, mawawasak ang Sanlibutan, Amang suba. Walang matitira sa tatlong mundo, ng mga elemental, ng mga selestyal at ng sangkatauhan. Nararapat lamang na pangalagaan siya at protektahan. Dahil siya ang magiging kinabukasan ng lahat ng nilalang ng Sanlibutan," ani Quebaluan.

"Pero, hindi niyo pa rin sinasagot ang tanong ko kung sino ang mga magulang niya, Quebaluan," ang may katigasang tono na wika ni Amang Suba sa engkantong puno.

"Ipagpaumanhin po ninyo, Amang Suba. Walang kasiguraduhan ang lahat sa ngayon. Maging ako ay nagulat dahil malabo at hindi ko maaninag ang kanyang pinagmulan," ang mabilis na tugon ng puno na lalong nagpanting sa tenga ng kapatid ni Bathala.

"Kalokohan!" ang halos pasigaw na wika ni Amang Suba kay Quebaluan.

Napatayo si Mariang Makiling sa pagsigaw ng matandang diyos kay Quebaluan.

"Walang nakapagsasadya sa hinaharap   Amang Suba, alam kong batid mo 'yan. Nakadepende ang hinaharap sa kasalukuyan. Ang nakaraan ay dulot ng kasalukuyan at ang hinaharap ay uugat mula sa kung ano ang kasalukuyan," ang matalinhagang tugon ni Quebaluan sa tanong ng matandang diyos.

Dahan-dahan ay ibinaba niya si Blake sa sahig na wala pa ring malay.

"Kakaiba siyang nilalang, Amang Suba. Hindi kaya ng aking kakayahang makita ang kanyang nakaraan at hinaharap, ang masasabi ko lamang ay pangalagaan siya dahil ang kinabukasan ng mundo ay nasa kanyang kasalukuyan," muling habilin ni Quebaluan kina Amang Suba at Mariang Makiling.

Halos patakbong nilapitan ni Mariang Makiling si Blake na nakahiga sa sahig. Marahang iniyugyog ng diwata ang bata para gumising ito.

"Kung inyong mamarapatin, Amang Suba ay kailangan ko munang kausapin ng personal ang diwatang si Mariang Makiling, bago ninyo gawin ang nararapat ninyong gawin," ang biglang sambit ni Quebaluan sa matandang diyos.

Napatingin naman si Mariang Makiling kay Quebaluan, pagkatapos ay inilipat niya ang paningin kay Amang Suba. Bakas sa mukha niya ang pagtataka kung bakit kakausapin siya ng engkantong puno. Binuhat ng diwata si Blake bago siya lumapit kay Quebaluan.

Nanatiling nakatayo naman si Amang Suba ilang metro ang layo mula sa kinatatayuan ni Quebaluan. Seryosong nakatingin ito kina Mariang Makiling na lumalapit sa puno habang karga-karga si Blake.

"Sandali, bakit kailangan mo pang kausapin ng personal si Makiling kung puwede mo naman sabihin na dito sa kanya?" biglang tanong ni Amang Suba sa engkantong puno.

Natigilan si Mariang Makiling pagkarinig kay Amang Suba. Dinig niya ang paglagutok ng katawan ni Quebaluan habang inililipat nito ang paningin sa matandang diyos.

"Amang Suba, batid kong alam din ninyo na hindi dapat marinig ng kahit na sino pang nilalang ang isang mensahe, lalo na kung ito ay nakatakda lamang para sa nagmamay-ari nito. Saka matagal ko na rin hinihintay at gustong makausap si Makiling, marahil ito na rin ang kahuli-hulihang pagkakataong makadaupang-palad ko siya," depensa ni Quebaluan sa kapatid ni Bathala. "Tulad ng nasabi ko, gawin mo na ang dapat mong gawin pagkatapos kong makausap si Makiling," dugtong pa niya.

Huminga ng malalim si Amang Suba at nagsabing, "kung yan ang makakabuti para sa lahat, sige. Maghihintay muna ako malapit sa bangin." Tugon niya sa engkantong puno. "Puwede mong iwan na muna si Batang Blake dito, Mariang Makiling. Hayaan na muna natin siyang magpahinga."

"Po?" tugon ng diwata sa matandang diyos.

Hindi maipaliwanag ni Mariang Makiling kung bakit bigla siyang kinabahan ng mga oras na iyon. Tumingin siya sa maamong mukha ng natutulog pa ring si Blake na karga pa niya. Tila may kung anong kutob ang pumipigil sa kanya na iwanan ang bata na kasama si Amang Suba.

"Pasensya na po mahal na Amang Suba, baka po kasi hanapin niya ako kapag nagising siya," dahilan ni Mariang Makiling.

"Walang mangyayari sa kanya, Makiling. Ligtas si Blake kay Amang Suba. Pangangalagaan niya si Blake dahil naiibang bata si Blake," ang biglang sabad ni Quebaluan sa nagdadalawang-isip na si Mariang Makiling na iwan ang bata.

Dahan-dahang ibinaba ni Mariang Makiling ang mahimbing sa pagtulog na batang lalaki. Tulad niya ang isang tunay na ina kay Blake na nakahandang proteksyonan ang bata sa ano mang panganib sa paligid. Pero, nawala ang lahat ng mga pangambang iyon sa kanya dahil sa paniniguro ni Quebaluan tungkol sa kaligtasan ng bata kay Amang Suba.

"Iwan mo na si Blake riyan, Mariang Makiling at ako na ang bahala sa kanya. Para na rin kaagad kang makausap ni Quebaluan, mukhang importante ang ihahabilin niya sa'yo," ang biglang sabi ni Amang Suba na halos magpalundag sa diwata dahil sa pagkabigla. "Kung inaakala mong may gagawin akong masama sa bata, nagkakamali ka. Importante sa akin ang kaligtasan ni Batang Blake," dagdag pa niya.

"H-hindi naman po sa ganon, mahal na Amang Suba, napamahal na po kasi sa akin ang bata. Masyado na rin po kasing matagal ang aming pagsasama kaya para ko na rin po siyang naging anak-anakan dito sa Sinukluban," ang paliwanag na tugon ni Mariang Makiling sa kapatid na diyos ni Bathala.

Kung tutuusin bakit nga ba siya masyadong nag-aalala na may gagawing hindi maganda si Amang Suba kay Blake? Saka kung may balak siyang patayin ang bata, madali lang para sa kanya na gawin iyon sa alaga niya. Tulad ng sabi ni Quebaluan, mahalaga si Blake kay Amang Suba kaya poprotektahan din ng matandang diyos ang kanyang napamahal ma alaga.

"Salamat po Amang Suba, salamat po." ang nawika ni Mariang Makiling nang masigurong walang mangyayaring masama kay Blake na ayon na rin sa kapatid ni Bathala.

Tumango lamang si Amang Suba bilang tugon kay Mariang Makiling, saka inilipat ang mga mata sa natutulog pa ring si Blake. Mabilis namang nilapitan ni Mariang Makiling si Quebaluan para makinig sa mensaheng gustong iparating nito sa kanya.

Tulad ng sinabi ay nagtungo muna si Amang Suba malapit sa bangin. Nakatikom ang magkabilang kamao na nanginhinig. Sa huling pagkakataon ay liningon niya si Quebaluan na kasalukuyang nakikipag-usap kay Mariang Makiling. Gusto sana niyang marinig ang usapan ng dalawa dahil napakadali lang niyang gawin ito kung gugustuhin lamang niya. Pero, pinili na lamang ni Amang Suba na huwag ng alamin pa ang  pag-uusap ng dalawa. Iginala niya ang kanyang mga mata at napadako kay Blake, na kakagising pa lamang mula sa pagkakatulog. Nakaupo ito sa madamong sahig kung saan siya iniwan ni Mariang Makiling para kausapin ang engkantong puno.

"Batang Blake-" ang mahinang sambit ni Amang Suba sa pangalan ng bata. Ikinuyom niya ang nanginginig na kamao saka ito lumagutok ng ilang ulit.

ODESSA'S REDEMPTION: Games Of The Gods (Odessa's Redemption Trilogy Book 3)Where stories live. Discover now