Kabanata 21

286 12 5
                                    

"Buo na ba talaga ang desisyon mo, Desiree?"


Marahang umupo sa aking tabi si Ate Jona. Kitang-kita ang malaking pagbabago sa kulay ng kanyang balat matapos ang halos isang buwan at kalahati naming pagbabakasyon sa probinsiya.


"Opo, Ate." Nakangiti kong tugon sa kanya.


Tumango muli siya sa akin habang pinagmamasdan ang mga damit kong maayos nang nakalagay sa malaking bag na dadalhin ko bukas.


"Kumusta naman kayo ng Papa mo? Nakausap mo na ba ulit siya?"


Napaiwas ako ng tingin at umiling sa kanya.


"Ayoko na po na magpaliwanag pa ng paulit-ulit. Kunsabagay, mahigit isang dekada ng buhay ko ay wala naman siya sa tabi ko, kaya paano niya ako maiintindihan? Ni-hindi ko nga saulo ang mukha niya o kahit hulma man lang ng katawan niya."


Napabuntong-hininga si Ate Jona. Lumapit siya sa akin at marahang tinapik ang likuran ko.


"Tulungan na kitang mag-ayos ng mga gamit mo," Nakayuko nitong sabi. Halo-halong emosyon ang makikita sa mukha ni Ate Jona. Napangiti ako sa kanya.


Marahan ko siyang kinurot sa tagiliran.


"Ma-mi-miss mo ako 'no?"


"Hindi," bulong niya, hindi makatingin ng maayos sa akin.


"Grabe naman, Ate Jona. Mag-aaral lang ako doon, uuwi pa rin naman ako dito. Sana pag umuwi ako dito, may boyfriend ka na!" Pang-aasar ko sa kanya.


"Hindi ako mag-bo-boyfriend hangga't di ka umuuwi dito."


"Wow!" Natatawa kong sabi saka tumayo na at hinarap siya. "Bakit parang responsibilidad ko pa ang pagkakaroon mo ng boyfriend? Porket naunahan kita?" I laughed.


"Sa pagkakaaalam ko, wala kayong label diba?" Pagpapaalala niya.


Sabay kaming natawa.


"Wala ngang label pero sasama na sa Maynila!"


"Ate!"


"Biro lang!"


Natatawa akong umiling na lang sa kanya.


"Pero seryoso, Desiree. Mag-iingat ka doon, mag-iingat kayo doon. Ibang-iba ang buhay Maynila kaysa dito sa atin."


"Alam ko naman po iyon, Ate..."


"Alam kong magaling kayong dalawa ni Bryle, kayang-kaya niyong makipagsapalaran sa Maynila, kaya ganoon din kalaki ang tiwala namin sa inyo..."

Above The Sky Limits (SHS Series #3)Where stories live. Discover now