Nagising ako at una kong napansin ang puting kisame. Tumingin ako sa tabi ko at nakita ko si mama na umiiyak habang nakahawak nang mahigpit sa kamay ko. 

Bumalik sa aking memorya ang mga nangyari at muli akong nasampal ng katotohanan na hindi panaginip ang mga nangyari sa gusaling 'yon. 

"Anak?" bigkas ni mama nang mapansin niya na gising na ako. Hinawakan niya yung pisngi ko at naiiyak na tumingin sa mga pasang natamo ng katawan ko. Hindi na ulit siya nagsalita dahil tanging hikbi ang lumalabas mula sa kanyang bibig.

"Ate . . ." mahinang sambit ng kapatid ko. Hinawakan niya rin yung kamay ko at nalilito siya kung bakit umiiyak si mama at kung bakit ako nasa hospital ngayon. Alam kong marami siyang katanungan. Ngunit bata pa siya, 'di niya kailangang malaman ang dahilan kung bakit ako nasa kalagayang ito.

Pinilit kong ngumiti at ginulo ko yung buhok niya, "Ayos lang ako. 'Wag ka na umiyak, ha?" Pinunasan ko yung luha niya. 

Pinilit ring magmukhang ayos kahit na para akong paulit ulit na sinasaksak sa loob. Hanggang ngayon natatakot pa rin ako pero pinipilit kong maging matapang.

"Anak . . ." malungkot na tugon ni mama. Nginitian ko lang din siya. Ayokong magmukhang mahina sa harapan nila. Ayokong nakikita nila ako na mahina. Ayokong kinakaawaan nila ako dahil mas lalo lang din ako naaawa sa sarili ko.

Niyakap na lang ako ni mama nang mahigpit. Hindi niya muna ako tinanong dahil alam niyang hindi pa ako handa ngunit alam kong may ideya na siya base sa mga impormasyon galing sa mga pulis na nagligtas sa amin.

Lumipas ang ilang araw at magmula noong araw na nasagip ako ay hindi na ako tinantanan ng mga bangungot. Napanaginipan ko ulit yung babaeng kasama ko sa tabing dagat. Emily. Emily ang pangalan niya kaya't tinanong ko yung mga nurse dito kung may pasyente bang nagngangalang Emily

Ang naalala ko lang nung araw na 'yon ay nakilala ko siya noon at nasa tabing dagat kaming pareho. Isa siya sa mga naging una kong kaibigan. Masaya kaming nagkukwentuhan at hindi namin namalayan na medyo napalayo na kami sa cottage namin nang bigla na lang may mga lalaking sumugod sa amin at sapilitan kaming pinaamoy ng chloroform.

Ngayon ko lang din nakumpirma na isa nga rin siya sa mga biktima ngunit na-transfer na siya sa ibang hospital. 

Hindi ulit ako makatulog at sa totoo lang, ayokong matulog dahil alam kong paulit ulit ko lang mapapanaginipan yung masalimuot na nangyari sa akin. Tumayo ako at maingat akong naglakad papalabas para hindi magising si mama. Kinuha ko yung jacket ko at naglakad lakad sa hallway ng hospital. 

Nakatulala lang akong naglalakad hanggang sa makarating ako sa rooftop ng hospital. Dumiretso ako sa railings at dahan-dahan akong umakyat rito. Humampas agad sa mukha ko ang malamig at malakas na simoy ng hangin. Dumungaw ako sa ibaba at ni kaba ay wala akong maramdaman. 

Makakatulog na ba ako nang payapa kung wawakasan ko ang buhay ko?

Napapikit ako at pinakiramdaman ko ang hangin. Kahit papaano ay nakaramdaman ako nang kakaunting gaan sa loob. Inangat ko yung isa kong paa ngunit naramdaman kong may humila sa braso ko kaya napamulat ako.

"What the hell are you doing?!" 

Napatingin ako sa lalaking nasa ibaba ko. Napalakas yata yung hila niya kaya natumba ako sa ibabaw ng katawan niya. Napadaing siya ng kaunti pero nakatingin siya sa akin na para akong nasisiraan ng bait.

Tumayo ako agad.

Hindi ako nagsalita. Hindi rin naman niya maiintindihan yung pinagdadaanan ko ngayon. Tumalikod ako at akamang aalis kaso hinawakan niya ulit yung braso ko.

It All Started With The Royal's BabyWhere stories live. Discover now