Noong una kitang makilala, namumuhi ako sa iyo.
Walang mga paru-parong nais dumapo.
Hindi ikaw ang tipong nilulunod ako sa mga malalalim o di kaya'y mabulaklaking mga salita
na kung tutuusin ay ang unang hakbang upang ako'y mapaibig.
Hindi rin ikaw ang tipong pupuntahan ako sa kabilang sulok ng mundo upang ako'y makita.
Hindi rin ikaw ang tipong mag-aaalay ng mga regalo upang ako'y iyong mabihag.
Lahat ng ito ay katangian ng mga dati kong mangingibig . . .
Ngunit bakit ikaw ang nais ko?
Naiiirita ako sa aking sarili kung paanong hindi ko naitatanong kung ikaw na ba ang nararapat para sa 'kin,
di tulad no'ng mga nakaraan na lagi akong puno ng tanong, puno ng pangamba.
Tila hinahayaan ko lang na dumaloy ang oras na kapiling kita
na tila ba sigurado na ako sa 'yo.
Kaya ngayon, ako'y nagtataka
kung bakit hindi ako nagtataka sa 'yo.
YOU ARE READING
Mga Lihim na Liham ni Maria Kina Juan at Juana
PoetryKatulad ng pamagat, nakikiusap ang manunulat na panatilihin munang lihim ang tipon ng mga tula na ito. Nais muna niyang magulumihanan, sumaya't masaktan habang unti-unting hinuhulma ang hindi tiyak na hinaharap ng kanyang pag-ibig. Kasing gulo ng...