Kapangahasan

264 19 5
                                    

Naligaw ako sa isang daang matagal ko nang tinatahak.

Kung ako'y dumeretso, nakakandado na ang aking hinaharap.

Ngunit hindi na ito ang nais ko. Ayaw kong makulong sa komportable nga ako ngunit hindi ko na nais.

Kaya't ako'y lumiko.

At kahit na ako'y mag-isa na lamang, may kapayapaan sa loob ko.

Hindi na ako lumingon pagkatapos.


Doon kita nakita—isang pamilyar na mukha.

"Bakit ka nandito?" tanong ko sa 'yo.

"Wala lang," sagot mo, kahit bakas sa mukha mo na may hinihintay ka.

"Naliligaw ako," sabi ko na lang.

"Samahan na lang kita," tugon mo.

Kaya sinamahan mo ako.

Ngunit doon yata tayo nagkamali

dahil pareho tayong may kinukulong na lungkot

na hindi rin naman natin masabi sa pamamagitan ng mga salita

sa takot na baka tayo ay magkamali.


Tila unti-unti tayong nasasanay sa presensiya ng isa't isa.

Mukhang walang nasasaktan dahil wala naman tayong sinasabi.

Ngunit paano kung mayroon na?


Mabilis ba? Hindi ko alam.

Mali ba? Hindi ko alam.

Ang sagot ba na "hindi ko alam" sa tanong na "mali ba" ay mas malapit sa oo kaysa sa hindi?


Gusto ko lang naman malaman kung kailan ka mawawala para makapaghanda ako,

para makahanap ako ng lilikuang daan kung saan sigurado talaga akong ako na lang ang mag-isang tatahak . . .

habang kaya ko pa lumingon.

Mga Lihim na Liham ni Maria Kina Juan at JuanaWhere stories live. Discover now