Kabanata 34

138 13 3
                                    

Rendon's POV

Nasaksihan ko ang bawat araw na lumilipas sa pagbabago ng anyo niya. Nasaksihan ko kung paano siya lumaki at nagdalaga sa paglipas ng panahon.

Binabantayan ko ang bawat kilos at galaw niya para masiguro kong ligtas siya sa bawat araw na lumilipas. Iyon nalang ang tangi kong magagawa habang iniisip niya na nasa malayo akong lugar kahit na ang katotohanan ay nandito lamang ako sa paligid at hindi nagpapakita sa kaniya.

Lumipas ang napakaraming taon bago ako nagdesisyong magpakita na sa kaniya. Iniisip ko kasi na ngayon alam kong maiintindihan na niya ako. Masisiguro kong hindi na siya maguguluhan sa mga pinagsasasabi ko dati at maipapaliwanag ko na sa kaniya nang maayos lahat ng mga tinatago tago ko.

Sa muli kong pagpapakita sa kaniya ay maraming nagbago pero isang bagay lang ang masisiguro kong hindi nagbago. Iyon ay ang pagtingin at nararamdaman ko sa kaniya pati na rin ang anyo ko. Kung anong itsura ko noong una naming pagkikita, ganoon pa rin hanggang ngayon.

Ang samahan naming mga bampira sa loob ng kaharian ay mas lalong naging matibay sa paglipas ng mga taon. Maraming nawala sa bilang namin dahil sa mga hunter pero may mga nadagdag din. Isa na rito si Reevor, ang bampirang batang lalaki na napalapit sa 'kin dahil sa kadaldalan niya.

Nakikita ko kasi sa kaniya ang isa sa katangian ng babaeng minamahal ko pero sigurado akong sa muli kong pagpapakita ay hindi na siya ang batang babaeng iyon na nakilala ko dati. Sigurado akong marami na ring nagbago sa kaniya. Mas gumanda na ang itsura at hubog ng katawan niya. Mas mahaba na rin ang buhok niya kumpara dati.

Ang daming gumugulo sa isipan ko ngayon. Ang daming tanong ang pumapasok na hindi ko alam kung papaano ko sasagutin. Katulad ng, naaalala niya pa kaya ako? Nakalimutan niya na ba ako? Nagbago ba ang nararamdaman niya sa 'kin?

O baka naman kasabay ng mga pagbabagong naganap ay ang pagbabago niya rin ng trato at tingin sa akin.

Sa totoo lang, matagal ko na ring hinanda ang sarili ko para roon dahil at the very first place, ako ang may gustong hindi magpakita sa kaniya kaya hindi ko siya masisisi kung magagalit o maiinis ba siya sa muli kong pagpapakita.

"Kuya Rendon, bakit po tulala kayo diyan?" Tanong ni Reevor sa akin. Nang dahil sa presensya niya ay napabaling ang atensyon ko sa kaniya.

"May iniisip lang ako, Reevor."

Ibinalik ko naman ang atensyon ko unahan. Nandito kasi ako balcony ng kaharian namin at nakatulala lang sa kawalan. Madalas ko itong gawin lalo na kapag naiisip ko siya. Nag iisip isip lang ako ng mga bagay-bagay.

Naglakad si Reevor at umupo rin sa katapat kong upuan. May hawak-hawak din siyang baso na may lamang dugo. Paunti unti niya itong iniinom na para bang ayaw niyang ubusin. Agawan ko kaya ang batang 'to?

"Babae po ba 'yan?"

Bahagya akong napangisi sa naging tanong niya. Nababasa niya ba ang nasa isip ko? Pero imposible naman iyon dahil hindi naman siya isang royal blood vampire. I guess, hula niya lang 'yon kaya niya nasabi.

"Oo." Maikling sagot ko.

"Sino po ba 'yan? Si Ate Carren?"

"Hindi."

"Eh sino po?"

Okay lang naman siguro kung sabihin ko ang totoong pangalan niya dahil hindi naman siya kilala ni Reevor at isa pa, hindi naman nakakabasa ng isip si Reevor kaya hindi niya malalaman na tao ang tinutukoy ko.

Kaming dalawa nalang ni Dilan ay may kakayahang makakita ng hinaharap at makapagbasa ng mga iniisip nila dahil kami nalang dalawa ang natitirang royal blood vampire sa buong populasyon ng mga namumuhay na bampira ngayon.

The Untold Story Of Us (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon