Sa dinami-raming pagkakataon, lugar at oras ay ngayon pa niya nakita ang taong hindi niya inaasahang makita.

Halos mag-iisang taon na ang lumipas na wala siyang nabalitaan mula rito tapos dito pa niya mismo ito makikita.

Nakabalik na pala ito ng Pilipinas? Kailan pa?

Napatalikod siyang muli at biglaang isinara ang laptop dahil sa kabang nadarama. Kung aalis siya rito, malamang makikita siya nito. Kapag naglakad siya papunta sa loob ng opisina, mapapansin din siya nito.

Hindi niya tuloy alam kung ano'ng gagawin. Mas maayos siguro kung nakatalikod lang siya hanggang sa makaalis na ito.

Pasimple siyang lumingon ulit para hanapin kung saan naroon si Devin. Nandoon ang lalaki sa entrada ng talyer kaya hindi niya ito matawag. Ang cellphone naman nito ay nasa kaniya.

Sa sobrang lakas ng tibok ng kaniyang puso ay napainom na lamang siya ng tubig.

Relax, si Pierre lang 'yon, sa loob-loob niya.

Ilang minuto pa lang pero parang isang buong taon na 'yon para sa kaniya. Panalangin niya'y huwag sanang tawagin ni Devin ang kaniyang pangalan dahil siguradong mapalilingon din si Pierre sa puwesto niya.

"Ma'am, pinatatawag po kayo ni boss sa labas. May ipakikita raw po sa inyo," sabi ni Paslo.

Sinabi na lang niyang masakit ang kaniyang ulo kahit hindi naman. Wala naman siyang ibang maisip na dahilan.

Actually, sakit sa ulo naman talaga itong sitwasyon niya ngayon.

Wala pang isang minuto ay lumapit si Devin sa kaniya. Hinaplos muna nito ang likod niya bago lumuhod sa kaniyang harapan.

"Masakit ulo mo? Bakit? Gusto mo bang humiga muna? Paandarin ko muna makina ng kotse para may aircon tapos doon ka muna, gusto mo?"

Napangiti naman siya pero iyon na nga ang kaniyang problema, hindi siya puwedeng umalis sa puwesto niya.

"Ah, Sir, excuse me, may itatanong lang ako." Si Pierre.

Lalong dumoble ang kaba sa kaniyang dibdib.

Saan kaya siya puwedeng magtago ngayon? Ayaw niyang magpakita sa taong 'yon, wika niya sa isipan.

Patayo na sana si Devin nang biglang may kumulbit sa kaniyang kaliwang balikat.

"Au?"

Nanlamig ang kaniyang pawis at para siyang masusuka sa mga sandaling 'yon.

Napatingin siya kay Devin na mukhang nagtataka na rin. Nilingon na rin niya ang lalaking kanina pa niyang iniiwasan at ngumiti siya nang mapait.

"Uy," tanging lumabas sa kaniyang bibig.

"Kumusta? Nandito ka rin pala. Nagpapagawa ka rin?" nakangiting tanong nito.

Ang hayop na ito, nakuha pa ang ngumiti sa kaniya. Nagawa pa siya nitong kumustahin. Kung planong mangumusta, sana noon pa, 'di ba?

"Oh. Buntis ka na pala," dagdag pa nito.

Kita niya kung paano nagpabalik-balik ang tingin nito sa kaniyang tiyan pati sa kaniyanaang mismo.

"Misis ko, bro," si Devin ang sumagot bago siya hinapit sa may baywang. "Kakilala mo pala si Ser, Mommy?"

Sobrang awkward! pagpa-panic ng kaniyang isipan.

Tumango-tango na lang siya para matapos na. Hindi naman kasi niya puwedeng sabihing ito ang ex-boyfriend niyang nang-iwan sa ere.

Pagsinta (Unang Tamis)Where stories live. Discover now