Lumingon ito saglit sa kaniya bago bumaling ang atensyon sa kalsada.

"ikaw 'yan, eh. Hindi ko ma-explain nang mabuti. Hot seat na naman ba 'to?"

"Bakit? Wala ka bang sineryoso noon? Ano 'yon puro insert coins ka lang para maglaro?"

"Arcade lang amputek. Oo, parang ganoon na nga. Isa pa, ganoon din naman hanap ng ibang babaeng nakasama ko. Hindi seryosohan. Hindi ko lang din siguro nakikita 'yong pangseryosohan talaga," todo paliwanag nito habang pasulyap-sulyap ng tingin sa kaniya. "Ikaw ba? Kung bumalik sa 'yo 'yong Pyer, lumuhod, umiyak, nangharana, kumain ng bubog, kumain ng apoy, patatawarin mo ba? Tatanggapin mo ba?"

"Gusto mo ng honest na sagot or 'yong showbiz?" Mapakla siyang tumawa. "Kung hindi ako buntis, siguro pagbibigyan ko siya basta na-explain niya nang maayos kung bakit iniwan niya ako. Kung single din siya tapos mahal pa niya ako, why not, 'di ba?"

Si Pierre ang una niyang nobyo. Bukod doon ay walang ibang lalaking nakapagpaibig sa kaniya.

Doon niya naranasan ang maraming bagay. Doon siya nagkaroon ng ideya kung paano i-handle ang pakikipagrelasyon.

Kaya noong nakipaghiwalay ito, sobrang nasaktan siya. Nasaktan saka umaasa at the same time.

"Tanga rin. Kung mahal ka pa n'on, kahit saang lupalop pa 'yan ng mundo, gagawa at gagawa 'yan ng paraan para kausapin ka."

Napalingon siya sa lalaki. Nakangisi ito at ang yabang pa ng awra.

Makapagsalita'y akala mo naman ay nagmahal na ito ng tunay, pagtataray niya sa isipan.

"O, buntis ka na ngayon, ano'ng gagawin mo kung mangyari nga iyon?" patuloy pa nito.

"Kung willing niya kaming tanggapin, puwede naman," napatigil siya sa panananalita nang bigla itong humikab nang malakas.

Hindi pa naman siya tapos sa sasabihin niya. Plano niya kasi itong asarin.

"Kaantok. Gutom na rin ako. Gutom na ba 'yang anak ko?"

Napangiti siya sa narinig. Binigyan pa nito ng emphasis ang salitang "ko".

Wala namang umaangking iba sa anak niya. Sa kaniya naman talaga ito.

"Medyo gutom na kami. Saan mo ba kasi kami dadalhin?"

Kanina pa kasi maneho nang maneho itong kasama niya pero hindi naman niya alam kung saan sila pupunta. Dami pang traffic lights sa dinaanan nila kaya lalong nagtagal ang biyahe.

"Hananapin natin 'yong Pyer mo. May picture ka pa n'on diyan sa phone mo? Patingin nga," pang-aasar nito sa kaniya. Tiningnan niya kung seryoso nga ito. "Akin na, patingin lang. Damot, ah?"

"Para saan pa? Ang weird mo! Magmaneho ka na nga," natatawa niyang sambit.

Sigurado namang lalaitin lang nito kapag nakita ang larawan ni Pierre. Hindi naman kasi nagpapatalo si Devin sa kahit kanino.

"Yee, mayroon pa nga siyang natatagong picture sa phone niya," panunukso nito habang ang dalawang kamay ay nasa manibela. Tinatapik-tapik pa iyon na animo'y acoustic box 'yon, sinasabayan pa 'yong kanta sa radyo.

Ang weirdo talaga nito.

"Wala na, binura ko na lahat iyon pero followed ko pa rin siya sa Instagram," walang malisya niyang sagot.

Siya naman ang matagal nang blocked ni Pierre sa Facebook pero sa Instagram, nakikita pa rin naman niya ito. Matagal na rin naman noong huli niyang ch-in-eck ang profile nito. Siguro ay naka-move on na siya. O baka wala na lang pakialam dahil buntis na nga siya sa iba.

Pagsinta (Unang Tamis)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon