16: Argue.

19 9 0
                                    

Hazie's POV

Nakaupo kaming tatlo ngayon dito sa dining area habang nakapalibot kami sa mahabang mesa na puno ng mga masasarap na pagkain.

"Bakit ayaw niyong kumain?" untag ni Zeus kaya naman binigyan ko siya ng malamig na tingin.

"Busog na kami. At saka kahit na mamatay na ako sa gutom ay hindi ako kakain ng pagkain na nagmula sa pera mo," diretsahan kong sagot na tinawanan nito.

"Huwag ka namang masyadong masama sa akin lalo na't kasama natin ang babae mo. Siya ba ang babaeng pakakasalan mo? Kung ganu'n ay—"

"Shut up," mabilisan kong pagpapatigil sa kaniyang sinasabi na ikinatahimik nito. "Kung ano man ang sasabihin mo ay sabihin mo na. Hindi ko kayang magtagal dito, nangangati ako."

Hinawakan ni Coco ang braso ko upang pakalmahin ako pero hindi matigil-tigil sa pagkulo ng dugo ko habang iniisip na nasa loob ako ngayon ng bahay na nabuo gamit ang perang nakuha niya sa kagaguhan niya.

Bumuntong-hininga naman si Zeus at sumeryoso na ring tumingin sa akin na ikinakilabot ko pero hindi ko iyon pinahalata.

"Pinatawag kita rito para samahan akong maghapunan. Natutuwa akong isinama mo pa ang kasintahan mo rito, pero bukod doon ay may isa pa akong sasabihin," pahayag niya at tumikhim. "Ngayon ko lang nalaman na iniimbestigahan mo na at ng mga kasamahan mo ang pangalan at kumpanya ko. Kung ako sa'yo ay tumigil ka na, ngayon na Hazie."

"Paano kung ayoko?"

Suminghap ito at mukhang ipinapakalma ang kaniyang sarili. "Hazie, ikaw lang ang nag-iisa kong anak at kahit na hindi maganda ang relasyon natin sa isa't isa ay nag-aalala ako sa'yo. Itigil niyo na ang paghahanap ng ebidensya dahil hindi lang ako ang kinakalaban niyo rito, maraming mga mas masamang taong konektado sa akin at hindi nila hahayaang bumagsak ako kaya tumigil na kayo bago pa nila malaman," mahaba nitong lintana.

"Isaksak mo sa baga ko ang pag-aalalang tinutukoy mo. Isa pa, huwag kang mag-alala dahil iisa-isahin namin ang mga konektado sa'yo—"

Natahimik naman ako nang malakas nitong ihampas ang kaniyang palad sa mesa, maging nga si Coco ay nagulat sa ginawa nito.

"Hazie. Hahayaan kitang ikasal sa babaeng 'yan at bigyan ka ng ibang trabaho, isang mas matinong trabaho basta tumigil ka na sa pagiging pulis," mariin nitong hayag kaya kinalampag ko rin ang mesa.

"Do you think I'll let you control my decision and life just because you said so? Who do you think you are and what can you do?"

Masama lang ako nitong tinignan at huminga ng malalim kasabay ng pagkalma ng kaniyang mukha.

"Meron, Hazie. Marami akong magagawa para matanggal ka sa trabaho mo."

"Bakit ba kasi pinapakialaman mo pa ako? Kalimutan mo na lang na may anak ka at ganu'n din ako. Pinag-aral ko ang sarili ko para rito pero babawiin mo lang? Anong karapatan mo?"

"Maraming trabaho na mas nababagay sa'yo kaya tumigil ka na."

"Wala kang karapatan para sabihing tumigil na ako sa trabaho ko. Desisyon ko ito. Buhay ko ito. Kung ayaw mong maging pulis ako, bahala ka sa buhay mo," pahayag ko at hinawakan na ang kamay ni Coco sabay hinila ito patayo.

"Sandali," pahabol pa ni Zeus kaya huminto ako sa paglalakad. "Gagawin ko ang lahat para maprotektahan ka, pero hindi ko pwedeng kalabanin ang mga magtatangkang pumatay sa'yo na labas sa mga taong napapaikot ko," lintana nito kaya naman hinarap ko siya at yumuko upang magbigay ng galang.

Remember Me, Binibini?Where stories live. Discover now