Mga Kakayahang Nalilinang ng Pagbabasa at Pakikinig ng Kuwento

41 1 0
                                    

"Kuwento nang kuwento, wala namang 'wenta!" Iyan ang minsang narinig ko sa isang estudyante. Nakalulungkot.

"Patawarin mo sila dahil hindi nila alam ang kanilang sinasabi."

May kuwenta ang pagbabasa ng kuwento. Maraming pag-aaral ang nagpapatotoo na ito ay mga mabubuting dulot sa nagbabasa o nakikinig. Maraming kakayahan ang maaaring malinang sa pagbabasa at pakikinig ng kuwento.

Ang mga sumusunod ay mga kakayahan nalilinang dahil sa kuwento. May tips na rin para sa mga guro upang magkaroon ng makulay at makabuluhang gawain ang mga mag-aaral.

Una. Nagagamit ang nakagisnang kaalaman. May mga bahagi sa kuwento na maiuugnay niya sa kanyang mga karanasan, lalo na kapag naibahagi niya ito.

Gawain: Sumulat ng maikling salaysay na katulad ng nangyari sa tauhan sa kuwento.

Ikalawa. Nakapagtatanong. Ang pagtatanong ang isang kakayahan. Kung ang mambabasa o tagapakinig ng kuwento ay magtatanong, matututo siya nang husto.

Gawain: Maglista ng mga tanong habang binabasa o pinakikinggan ang kuwento, na sasagutin pagkatapos.

Ikatlo. Natutukoy ang layunin ng may-akda. Hindi lang kaalaman at kasiyahan ang naibibigay ng kuwento, kundi pati mensahe. Ang matukoy ito ay nangangahulugang mahusay ang nagbasa o nakinig ng kuwento dahil ang iba nito ay nakatago.

Gawain: Alamin ang mensaheng nais iparating ng may-akda.

Ikaapat. Natutukoy ang pangunahing diwa. Ang mambabasa o tagapakinig ng kuwento ay nararapat na mahusay tumukoy ng pangunahing diwa upang maipaliwanag niya isa sa sarili niyang pangungusap--pasalita man o pasulat.

Gawain: Isulat ang pangunahing diwa ng mga sumusunod na bahagi ng kuwento

Ikalima. Nakikilala ang pagkakasunod-sunod ng mga pangyayari. Kapag naintindihang maigi ang binasa o napakinggang kuwento, kayang-kaya nang pagsunod-sunurin ang mga pangyayari, pasalita man o pasulat. Kaya na niyang ikuwentong muli sa sarili niyang pangungusap.

Gawain: Lagyan ng 1 hanggang10 ang mga pangyayari sa kuwento ayon sa tamang pagkakasunod-sunod ng mga ito.

Ikaanim. Nakikilala ang sanhi at bunga. Nahahasa ang kakayahan sa pangangatwiran dahil dito. Kadalasan, nagkakaroon din ng reyalisasyon ang mambabasa o tagapakinig dahil nababanggit ang sanhi at bunga ng bawat kilos ng tauhan.

Gawain: Isulat kung ang sinalungguhitang parirala ay 'sanhi'o 'bunga.'

Ikapito. Nakabubuo ng hinuna. Hindi ito pagiging 'judgemental.' Mahalaga itong bahagi sa pagbabasa at pakikinig ng kuwento upang manatili ang interes.

Gawain: Bigyan ng opinyon ang mga sumusunod na kilos ng mga tauhan.

Ikawalo. Nahuhulaan ang susunod na pangyayari. Tulad nang pampito, mahalaga rin ito upang sundan at tapusin niya ang kuwento.

Gawain: Lagyan ng wakas ng kuwento.

Ikasiyam. Nakakapagbuod. Ang mambabasa o tagapakinig ng kuwento ay may kakayahang bumuo ng sinopsis kapag naunawaan niya ito. Naisusulat o masasabi niya ito sa iba, gamit ang sarili niyang mga salita, nang hindi lumalayo sa tunay na ideya.

Gawain: Sumulat ng buod ng kuwentong nabasa o napakinggan.

Ikasampu. Pagtukoy sa opinyon at katotohanan. Dahil ang kuwento ay maaaring piksyon at di-piksyon, mainam na may kaalaman ang nagbabasa o nakikinig ng kuwento na tukuyin ang katotohanan at opinyon upang mapili niya ang dapat na paniwalaan.

Gawain: Isulat sa patlang kung ang pahayag ay 'Opinyon' o 'Katotohanan.'

Ikalabing-isa. Nakakakalap ng mga detalye. Sa pananaliksik, mahalaga ang mga detalye, datos, at impormasyon, kaya sa pagbabasa at pakikinig pa lang ng kuwento ay dapat ginagawa na ito. Ito rin kasi ang mga sagot na tanong sa kuwento.

Gawain: Tukuyin ang mga 'tauhan,' 'tagpuan,' 'suliranin,' 'solusyon,' o 'wakas,' ng kuwento.

Ikalabindalawa. Nakapaghahambing at nakapagkukumpara. Sa pagbabasa at pakikinig ng kuwento, nasasanay ang sinoman na paghambingin ang mga tauhan, lugar, bagay, pangyayari, at gawain. Naikukumpara rin nila ang mga ito, kaya mas lumalawak ang kamalayan nila, gayundin ng lohika.

Gawain: Gamit ang Venn Diagram, ibigay ang mga katangiang magkaiba at magkatulad ng dalawang tauhan.

Ikalabintatlo. Nakakabuo ng koneksiyon. Sa pagbabasa ng kuwento, naikokonekta ng mambabasa ang sarili sa mgabtauhan sa kuwento. Nakakabuo siya ng sariling mundo, gayundin sa pakikinig. Maliban dito, nakabubuo ng koneksiyon ang nagbabasab at nakikinig ng kuwento. Nawawala ang harang sa pagitan nila, kaya nga mainam ang kuwento sa mga magulang at mga anak, gayundin sa mga guro at mga mag-aaral.

Gawain: Gayahin si Lola Basyang sa pagbabasa ng kuwento, habang nakikinig ang mga kaklase.

Ikalabing-apat. Nakakabuo ng imahe. Naeensayo ang isip ng nagbabasa at nakikinig ng kuwento lalo na kapag ang binabasa ay walang larawan. Iniisip nila ang larawang nabubuo sa bawat bahagi ng kuwento, kaya mas madali nila itong unawain.

Gawain: Iguhit ang mga sumusunod na bahagi ng kuwento.

Next time, kapag may narinig ako na walang kuwenta ang pagbabasa at pakikinig ng kuwento, bubusalan ko ang bibig niya. O kaya, ipakikilala ko sa kanya ang mga kapitbahay kong tsismoso at tsismosa. Sila yata ang gusto niyang pakinggan. At fake news yata ang mga gusto niyang basahin. 

ABNKKSuLatNPLAKoWhere stories live. Discover now