6

29.8K 698 33
                                    


"AnO'NG...!" Gulat na napahinto sa paghakbang papasok si Franco Navarro sa nakita.

Si Alaina ay biglang inabot ang duster sa di-kalayuan at itinakip sa sarili. Gusto niyang mag-panic. Mabuti na lang at ang kabuuan niya'y natatakpan ng katawan ni Nick.

"Lumabas ka," marahang utos ni Franco bagaman naniningkit ang mga mata. Nang mag-atubili si Alaina ay umatras ito at hinintay ang dalaga sa labas ng pinto upang bigyan ng panahong makapagbihis.

Si Alaina na halos mawalan ng kulay ang mukha ay hindi malaman ang gagawin nang lumabas ng pinto. Sinilip ni Franco si Nick. Tulog pa rin ito. Muling banayad na isinara ang pinto at hinabol si Alaina na nasa labas na.

"Gusto kitang makausap!" galit nitong sigaw.

Lalong natakot ang dalaga. Takot na lalong nadagdagan nang matanaw si Nana Tonia na bumababa mula sa isang karomata.

Ang matanda man ay nagulat nang makita si Franco.

"Senyor Franco..."

"Kung hindi ako nagkakamali ay ikaw si Antonia," baling ni Franco sa matanda.

"Opo. Napasyal po kayo," sagot ni Nana Tonia.

"Kaano-ano mo ang babaeng ito?" Itinuro nito si Alaina na halos wala nang kulay ang mukha. Ganoon na lang ang pagnanais ng dalaga na bumuka ang lupa at lamunin siya.

"B-bakit po, Senyor?"

"Siya ang tanungin mo kung bakit, Antonia," nakatiim ang mga bagang na sagot ni Franco. 


"Hindi ko alam kung gaano katagal na ninyong ginagawa ni Nick ang bagay na iyon, babae. Pero titiyakin ko sa iyong ito na ang huli."

"A-ano po ba ang sinasabi ninyo?" patuloy ni Nana Tonia na nalilito at pinaglipat-lipat ang tingin sa matandang Navarro at kay Alaina.

"Paalisin mo siya ngayon din sa asyendang ito, Antonia!"

Parehong nanlaki ang mga mata ng dalawang babae. "S-Senyor, h-hindi po maaari. Wala po siyang matutuluyang iba. P-pinahintulutan siya ni Nick na dumito."

"Natural." halos umismid si Franco sa narinig. But he couldn't fault his son's taste, maganda ang babae. May dinukot ito sa bulsa. Pagkatapos ay iniabot sa natilihang matandang babae ang nakatuping salapi.

"Tanggapin mo ang halagang ito at ibigay sa kanya. Gamitin mo sa tamang paraan." sinulyapan nito si Alaina na naningkit ang mga mata sa matinding galit na naramdaman. Pero hindi nagsalita gaputok man. "At huwag ka nang pakikita pa kay Nick!" Pagkasabi niyo'y tumalikod si Franco.

Si Nana Tonia ay hindi makapaniwala sa nangyari nang marinig ang lahat kay Alaina.

"Ikinalulungkot ko po, Nana Tonia. Patawarin ninyo ako," pahikbing wika ng dalaga.

"Ang anak na ire," nanlumong wika ng matandang babae na napaupo sa silya. "Paano ka ngayon? Hindi gusto ni Senyor Franco na manatili ka pa rito. At ano ang gagawin ko, Alaina? Hindi ko maaaring iwan ang gawain ko dito. Kailangan ng Tata Resting mo ang pensiyong ibinibigay ng mga Montaño sa kalagayan niya," naguguluhan at nag-aalalang wika ni Nana Tonia.

"Patawarin ninyo ako sa suliraning ito, Nana Tonia. Pero huwag po kayong mag-alala. Luluwas po ako ng Maynila. Hahanapin ko ang kapatid ng Inay. Hindi ho sinasadyang matuklasan kong may kapatid ang Inay." Hindi na niya sinabing hindi siya nakatitiyak na tatanggapin siya ng tiyahin matapos ang ginawa ng mga magulang niya.

Si Nana Tonia ay nanlulumong tinitigan ang dalaga. Gusto nitong panhikin sa itaas si Nick sa pagsasamantalang ginawa nito kay Alaina.

"Wala kayong alam, Nana Tonia. Nakikiusap ako. Sapat na ang kahihiyang dinanas ko ngayon." pinigil niya ang mapahikbi. Sa kabilang banda'y kasalanan niya. Nagpatangay siya.

"Gamitin mo nang matalino ang perang ito, Alaina. Gamitin mo sa pag-aaral mo. Malaking halaga din ito." ibinaba ng matanda ang bungkos ng salapi sa ibabaw ng mesa.

Sampung libo! Malaking pera sa isang tulad nilang mag-asawa. Subalit sa isang tulad ni Alaina, ano ang magagawa niyon?

Kristine Series 9 - Magic Moment (COMPLETED) (UNEDITED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon