003. Polar Opposites

9.6K 499 69
                                    

Nang imulat ni Jacob ang mga mata, bumungad sa kanya ang puting kisame at ang tinig ng mga tao na nasa paligid iya. Inilibot niya ang mga mata sa kinalalagyan niya, kaya napansin niya ang mga berdeng kurtina na nakapalibot sa kinahihigaan niyang kama. Naalala niyang nawalan siya ng malay kanina, kaya hindi na siya nagtaka na makita ang sarili sa ospital kung saan siya naroon ngayon.

Napaupo siya at hinawi ang isa sa mga malalaking kurtina para hanapin ang ina, pero ang unang tumambad sa kanya ay isa ring estudyante na nakaupo sa isang kama. May kalayuan ito sa pwesto niya, pero kitang-kita niya ang mukha nito habang chinicheck ng isang doktor ang mga mata nito.

Teka... Siya 'yung kasama ko sa exam room kanina...

Hindi siya maaaring magkamali dahil hindi naman madaling kalimutan ang itsura ng estudyanteng iyon. Malamig ang mga mata nito, maputla ang balat, at napaka-intimidating ng asta. Tandang-tanda niya pa kung paanong tila nanigas na parang yelo ang mga kasama niya sa examination room bago sila magsimula kanina.

Pinagmamasdan niya pa sana ang lalaki nang biglang lumitaw sa siwang na ginawa niya sa kurtina ang ina na may hawak na reseta. Agad niyang inilipat ang tingin dito.

"Hoy ikaw ha... Bawas-bawasan mo na 'yang kakalaro mo ng computer games hanggang madaling araw," pagsita sa kanya ng ina na naupo sa tabi niya, "Sabi ng doktor na tumingin sa'yo, baka daw dahil sa pagod kaya nangyari 'yun. Eh 'di ba nahuli kitang naglalaro kahit alas dos na ng umaga? Huwag kang magsisinungaling..."

Napakamot na lamang si Jacob dahil hindi niya naman maitatanggi iyon. "Sorry na po, 'Ma..."

"Wala kang dadalhing kung anong computer game sa dorm, ha? At kung pwede lang, kung ayaw mong maospital ulit, bawas-bawasan mo na ang paglalaro, okay?" Kahit naiinis ang ina, bakas ang pag-aalala nito sa kanya.

"Promise po, babawasan ko na ang paglalaro ng computer games..." pangako ni Jacob sa ina.

Habang ipinapaliwanag ng ina ang mga gamot na inireseta sa kanya, biglang sumagi sa isip ni Jacob ang nangyari kanina bago siya nawalan ng malay. Hindi niya basta makakalimutan ang malakas na tunog na halos magpadugo sa tenga niya, at sigurado siyang may kinalaman iyon sa panghihina niya.

"Mama, may narinig po ba kayong malakas na tunog bago ako nawalan ng malay?" tanong niya rito.

Umiling ang nanay niya, na tila naguguluhan sa mga sinasabi niya rito. "Wala naman... Bakit, may narinig ka bang tunog bago ka nahimatay?" Napabuntong-hininga ito at pinisil ang pisngi niya, "Yan kasi... Dahil 'yan sa kakalaro mo eh. Ipacheck na lang natin 'yang tenga mo bago tayo umalis, okay? Ikaw talagang bata ka... Pinag-aalala mo ako. Teka lang at tatawagin ko 'yung doktor..."

Nang maiwan siyang mag-isa sa pwesto niya ay muli niyang hinanap ang estudyanteng nakita niya, pero wala na ito sa kama kung saan ito nakaupo kanina lamang.

Napakibit-balikat na lamang si Jacob. Hindi niya na inabala ang sarili na isipin pa ang mga nangyari. Sa loob-loob niya, marahil ay nagkataon lamang ang lahat.

********

Matapos mailagay ni Jacob ang mga gamit niya sa likod ng sasakyan, napansin niya ang ina na kanina pa siya pinagmamasdan. Bakas ang pinaghalong lungkot at pag-aalala sa mukha nito, na pilit ikinubli gamit ang isang ngiti.

Alam niya kung saan nanggagaling ang reaksyon ng ina, dahil ngayon ang araw ng paglipat niya sa dormitory ng Faircastle High School. Ilang araw na lang kasi bago magsimula ang pasukan, at kailangan niya nang lumipat doon para mabilis siyang makapag-adjust.

"Mama, hindi naman po ako mag-a-abroad," pang-aasar ni Jacob sa ina, "Hindi rin naman ako makukulong. Bakit po ganyan ang mukha niyo?"

Napabuntong-hininga ang nanay niya bago nito ginulo ang buhok niya. "Nakakalungkot lang kasi. Isipin mo, dinala pa kita rito para magkasama tayong dalawa, pero malalayo ka pa rin sa 'kin dahil sa dorm ka titira. Pasensya na ha? Kung magkasama kasi tayo lagi, hindi rin kita maaasikaso."

The Paramount Code (The Odd Ones, Book 1)Where stories live. Discover now