MAHATULAN

598K 18.5K 36.1K
                                    

NAKAHILERA ANG bawat myembro ng pamilyang Moon sa harap ng kanilang tahanan nang makauwi sa Emperyo sina Maxpein at ang cheotjae, kasama ang mga nakaligtas na rango. Nakiusisa ang mga taga-roon nang tuluyang makalapit sa pamilya ang maglola.

Tila ba sanay na ang bawat myembro ng pamilyang Moon sa hitsura ng pinakamataas na rango, maging ng cheotjae. Hindi na bago sa mga itong makitang sugatan at galing sa engkuwentro ang mga ito.

Hindi kakikitaan ng pag-aalala ang mukha ng mga ito. Ngunit sino ang makapagsasabi kung ano ang nararamdaman at naiisip ng mga ito sa t'wing uuwing sugatan at duguan ang dalawa?

"Ano ang nangyari?"kaswal na tanong ng chairman. Iginala nito ang paningin sa bawat parte ng katawan ng asawa at napapikit sa malulubhang sugat na nakita rito.

Napailing ang cheotjae. Hindi malaman kung saan sisimulan ang pagpapaliwanag gayong siya mismo ay nalilito sa gulong nangyayari sa kanilang bansa. Hindi sapat ang dahilan na nalalaman niya upang kumilos sa ganoong paraan ang reyna. Nasasaktan siya na mayroong mga rango na nagtataksil sa Emperyo at lumalaban sa kanila. Patunay lamang iyon na hindi sang-ayon ang mga ito sa pamamalakad nilang mga hukom. Hindi lamang niya maisip kung bakit kailangang maging marahas at madugo ang pagpaparating sa kanila ng problema.

Nilingon ng cheotjae ang iba pang mga hukom. Tumango sa kaniya ang mga ito na agad niya ring ginantihan. Saka niya sinuyod ng tingin ang mga tao at tumango rin sa mga ito. Sino sa mga iyon ang traydor at tatraydor pa sa kanila? Paano niyang malalaman gayong ang mga nakaharap niyang rango kanina ay hindi niya kinakitaan ng masama kailanman dahil sa maaamo nitong mga mukha?

Hindi niya malaman ang mararamdaman ng talikuran ang mga tao ng Emperyo. Sa mata ng mga ito ay mababasa ang pagtatanong kung ano ang nangyayari sa kanilang bansa. Bagay na siya mismong myembro ng mga hukom ay hindi masagot.

Nauna silang pumasok na maglola, kasunod ang iba pang myembro ng kanilang pamilya. Tahimik na sana kung hindi lamang panay ang bigkas ni Maxrill ng mali-maling salita.

"Maxpein," pagtawag ng cheotjae, pinigilan ang apo sa braso.

Agad na dumapo ang paningin ni Maxpein sa kamay ng cheotjae saka nag-angat ng tingin dito. Kumalas ang cheotjae sa pagkakahawak, at ngumiti sa apo. Matagal silang nagkatinginan. Saka naupo ang cheotjae upang pantayan ang paningin ng kaniyang apo.

Madamdamin siyang ngumiti at tumitig dito. "Maraming salamat, Maxpein," puno ng pagmamahal niyang sinabi. "Maraming-maraming salamat. Kung hindi ka dumating ay...hindi ko alam kung makauuwi pa akong buhay."

Nakita ng lahat kung paanong nagbago ang hitsura ni Maxpein, lalo na ng cheotjae. Rumehistro ang gulat sa mukha ng kaniyang apo. Hindi nito inaasahan ang kaniyang mga sinabi.

Bigla ay gustong maawa ng cheotjae sa kaniyang apo. Sa hitsura nito ay para bang noon lamang napasalamatan ito sa ginawa. Para bang iyon na ang pinakamadamdaming pagpapasalamat na natanggap nito. Gusto niyang malungkot sapagkat hindi nila ito napasasalamatan sa maraming bagay. Nasasaktan siya sapagkat maski sa ganoon kaliit na bagay ay nagkukulang sila para rito. Lalo pa't sa kanilang bansa ay walang araw na dumaraang hindi nagpapasalamatan ang bawat isa.

Bahagyang umatras si Maxpein, napanood nilang lahat iyon. Saka ito yumuko sa kaniya bilang paggalang. Mababa at ilang segundo ang itinagal. Senyales iyon nang matinding respeto, at naramdaman niya iyon. Ngunit nasasaktan siya sapagkat hindi magawang tugunan ni Maxpein ang sinabi niya. Alam niyang hindi ganoon katigas ang damdamin nito. Sigurado siyang gusto at kaya nitong sagutin ang pasasalamat niya. Naisip niyang marahil ay masyado lamang itong naging madamdamin at hindi na kiya pang magsalita.

MOONTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon