MAXPEIN MOON : PART 5

516K 23.2K 18.8K
                                    


MAXPEIN MOON

GINAWA NG cheotjae ang sinabi niya. Walang dumaan na araw sa loob ng anim na buwan na hindi kami umaakyat sa pinakamababang bundok na iyon ng Pyongyang. Walang-awa ang cheotjae.

Iyong unang tatlong gabi pa lang ay halos ipagmakaawa ko na ang aking buhay. Dahil nagkamali ako nang isipin kong maghapon akong mapapagod sa pag-eensayo. Hindi ganoon ang nangyari dahil hindi ako hinayaang matulog ng cheotjae. Hindi kapani-paniwalang tatlong araw at gabi niyang paulit-ulit na ipinaasinta sa akin ang tigpo. Noong umaaga ay ipinagpapasalamat ko ang liwanag dahil malaya ko iyong nakikita. Nangamba ako nang sumapit ang gabi dahil akala ko ay wala na akong makikita. Na imposible nang matamaan ko pa ang tigpo. Ngunit mautak ang cheotjae. Nakahanda pala ang walang kasing-habang kawad mula sa tuktok nang pinakamababang bundok hanggang sa puno ng tudlo. Nakahilera roon ang hindi mabilang na bumbilya na siyang nagbigay ng liwanag sa akin.

Naging mahirap para sa aking asintahin iyon, natural. Wala akong nakikita kundi ang munting mga ilaw at ang tudlo. Hindi talaga madali. Ngunit nakuha ko rin ang tamang gawi. Walang tulog. Walang hinto, hanggang sa matamaan ko iyon nang nakapikit ang pareho kong mga mata.

Matapos ang unang tatlong araw at gabing iyon ay hinayaan niya akong matulog nang walong oras na hinati pa sa dalawa. May pagitan na dalawang oras upang kumain at tumayo nang pabaliktad, una ang ulo, gamit ang mga kamay. Dahilan upang maiduwal ko rin ang lahat ng aking kinain. Naisip kong pahirap ang cheotjae. Hindi hamak na mas mahirap pa sa pinagdaanan ko sa pangunahing rango ang pagsasanay sa kaniyang mga kamay.

Nang sumunod pang mga araw ay ipinaulit niya sa akin ang ensayo. Hindi sapat na lumawit ang aking dila sa pagparoo't parito. Hindi hadlang ang sakit, pagod, gutom o uhaw para makapagpahinga ako. Hindi siya naawa sa mura kong edad. At sa halip ay idinahilan pa iyon ng cheotjae para mas paghusayan ko.

Hindi naman ako nagsisi dahil nang sandaling matuto ako ay ako na mismo ang humanap-hanap sa kakayahan ko. Kahit na mag-isa ay inaakyat ko na ang bundok at paulit-ulit na inasinta ang tigpo. Oras ng tanghalian ay bababa ako upang kumain. Matapos makapagpahinga ay isa-isa kong pupulutin ang mga palaso upang muling akyatin ang pinakamababang bundok upang simulang muli ang pagsasanay ko.

Hindi ko mapangalanan ang pagod at hirap. Walang salitang maihahalintulad sa sakit ng mga sugat. Nagising na lang ako isang araw nang hindi na nagrereklamo at basta na lang ginagawa kung ano ang sa tingin kong dapat. Huli na nang mapagtanto kong hindi na ang katawan kundi maging ang aking kaluluwa ko ay pagal na. Iyon nga lang, wala nang puwang sa akin ang pagsuko. Ang tanging pinanghahawakan ko ay magpatuloy. Dahil wala naman akong ibang maaaring kahinatnan kundi ang buhay na mayroon ako.

Hindi ko malaman kung malulungkot o maaawa ako sa sarili ko. Dahil ang totoo ay hindi lang ang abilidad at lakas ang sinanay ko. Nasanay na rin ako sa pagod at pagsunod.

"Mahusay ka nang umasinta," nangibabaw ang tinig ni Director Mokz.

Hindi ko inaasahang makikita siya sa tuktok ng pinakamababang bundok na iyon ng Pyongyang. Nakangiti akong lumingon sa kaniya. Ganoon nalang ang gitla ko nang makita kung gaanong kakapal ang suot niya sa kabila nang nakasusunog na init. Hindi ko napigilang matawa dahil maging ang ulo niya ay nababalutan ng sombrerong gamit kadalasan ng mga magsasaka.

Ano kaya ang meron at tila nilalamig siya?

"Mukhang hindi talaga tumigil ang cheotjae na paghusayin ka, Maxpein," dagdag pa niya.

Nakamot ko ang ulo. "Ganoon na nga po."

Ngumiwi siya. "Pasikatan mo nga ako," bigla ay hamon niya. "Gusto kong makitang tamaan mo ang tigpo."

MOONTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon